Taong 1975, nagsimula ang Matanglawin bilang isang mosquito press noong panahon ng batas militar ni Marcos. Sinisingit ang isa hanggang dalawang pahinang isyu ng Matanglawin sa mga libro sa silid-aklatan at dito tagóng ipinapakalat ang mga balitang kumikilatis sa mga karumal-dumal na pangyayaring umiiral sa lipunan.
Makalipas ang ilang taon, kinilala na rin ng Pamantasang Ateneo de Manila ang Matanglawin bilang isang pormal na organisasyon at publikasyon. Naging mas malawak ang sakop ng Matanglawin sa paghahatid ng balita at sa gayon ay nagkaroon na rin ito ng isang matibay na pagkakakilanlan bilang
pahayagan.
Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ang pahayagan ng Matanglawin at patuloy itong sumasabay sa agos ng panahon. Isa ito sa mga katangiang dala-dala ng Matanglawin dahil mula pa sa pagkatatag nito hanggang sa ngayon, hindi natinag ang pahayagan sa kahit anumang unos bagkus ay nag-iiba ito ng anyo kasabay ang mga pabago-bagong hamon ng lipunan.