Iba’t ibang perspektiba man ang hinalukay, iisang pagkundena ang pinag-ugatan ng tatlong programang pinasinayaan ng Talakayan Alay sa Bayan (TALAB) 2026 nitong Martes, ika-13 ng Oktubre, patungkol sa nakatakdang pagtatayo ng Pax Silica. Sa una nitong araw, siniyasat ng mga dalubhasa mula sa larangan ng agham, mga organisasyong pangkatutubo, mga tanggol-kalikasan at karapatang pantao na dumayo sa Pamantasang Ateneo de Manila ang epekto at banta ng naturang proyekto sa kalikasan, karapatan ng mga katutubo, at kabuhayan ng mga Pilipino. Inusisa ng naturang mga talakayan ang interes na pinaglilingkuran ng Pax Silica, epekto nito sa likas na yaman at mga komunidad, at pananagutan ng pamahalaan sa pagpayag sa mga proyektong maaaring magbanta sa karapatan ng mga katutubo at kabuhayan ng mga Pilipino.