Iba’t ibang perspektiba man ang hinalukay, iisang pagkundena ang pinag-ugatan ng tatlong programang pinasinayaan ng Talakayan Alay sa Bayan (TALAB) 2026 nitong Martes, ika-13 ng Oktubre, patungkol sa nakatakdang pagtatayo ng Pax Silica. 

‍

Sa una nitong araw, siniyasat ng mga dalubhasa mula sa larangan ng agham, mga organisasyong pangkatutubo, mga tanggol-kalikasan at karapatang pantao na dumayo sa Pamantasang Ateneo de Manila ang epekto at banta ng naturang proyekto sa kalikasan, karapatan ng mga katutubo, at kabuhayan ng mga Pilipino.

‍

Inusisa ng naturang mga talakayan ang interes na pinaglilingkuran ng Pax Silica, epekto nito sa likas na yaman at mga komunidad, at pananagutan ng pamahalaan sa pagpayag sa mga proyektong maaaring magbanta sa karapatan ng mga katutubo at kabuhayan ng mga Pilipino.

‍

Kapag hindi tayo naririnig 

‍

Sa programang ‘Kapag Hindi Tayo Naririnig, Ano ang Susunod na Hakbang?’ ng Office of Social Involvement (OSCI) bandang 12:00 N.H. sa SEC-C 201, tinalakay ang mga suliraning kinahaharap ng mga mamamayang Pilipino dulot ng mga proyektong inilunsad ng pamahalaan, at ang mga kilos na maaaring gawin ng publiko bilang tugon sa mga ito. 

Larawan ni Irish Pimentel

Ipinahayag ni Giovanni A. Tapang, PhD, propesor mula sa College of Science ng UP Diliman, ang mga implikasyon ng pagtatayo ng Pax Silica sa bansa, lalo na sa gampanin ng Pilipinas na tagapaglaan ng mga mineral para sa Estados Unidos bilang bahagi umano ng mga hakbang pandigma. 

‍

“Ang role natin dito at ang gustong ipakita ng ating government ay papasok tayo diyan sa silicon division of labor, magiging high-tech at AI country na tayo… Ang kukunin lang nila sa atin ay, atin ang lupa, atin ang kuryente, atin ang tubig, atin ang manggagawa,” saad ni Tapang.

Bukod sa pagiging kasangkapan ng produksyon na tumutulong sa U.S., inilarawan din ni Tapang ang epekto nito sa kapaligiran at sa pagpapaalis sa mga katutubong Aeta sa kanilang lupang tirahan sa Clark, Pampanga.

‍

Samantala, binigyang-diin ni Tapang, sa usapin ng pagtatagpo sa aspekto ng environmental preservation at kaunlaran, ang halaga na matukoy ng bansa ang direksyon na tatahakin nito sa hinaharap. 

‍

“If we want jobs that are not connected to the U.S., if we want jobs that are not tied to export markets, if we want jobs that will remain here and use our resources judiciously, then we have to control what we build. We have to say kung ano ang kailangan natin,” hayag ni Tapang.

‍

Ipinaliwanag din ni Tapang na nakakabit ang kinabukasan ng buong bansa sa patuloy na pagdepende ng gobyerno sa mga proyektong pinamumunuan ng dayuhang pamumuhunan. 

‍

Lupa nino?

‍

Samantala, sa kabilang panig ng pamantasan sa ISO Conference Room 5 and 6, isinagawa ang isa pang programa sa pamumuno ng Sanggunian Commission of Ateneans for Indigenous Peoples at Commission on Socio-Political Development. Kinondena ng mga tagapagsalita sa talakayang “Lupa Nino? Bakit Hindi Para sa Katutubo at Kalikasan ang Pax Silica,” ang mga proyektong itinatayo sa mga lupaing ninuno kapalit ng pangakong kaunlaran, na anila’y tinutugunan lamang ang interes ng U.S. habang pinananatiling underdeveloped ang Pilipinas.

‍

Larawan ni Rissa Atienza

Idinetalye ni Rica Torres, kinatawan ng Mansaway, organisasyon ng mga katutubo sa Gitnang Luzon, ang iba’t ibang kaso ng pangangamkam, banta ng pagpapalayas, at pagkawala ng kabuhayan ng mga katutubo dahil sa Pax Silica at iba pang kaugnay na proyekto.

‍

Dagdag dito, iginiit ni Torres na ang tunay na kaunlaran ay hindi nangangailangan ng paggambala sa komunidad at kabuhayan ng mga katutubo, sa halip, pagkilala at paggalang sa kanilang karapatan at sariling pagpapasya.

‍

“Lupa nino? Wala nang lupang ninuno,” tahasang saad ni Torres matapos mabanggit ang iba’t ibang kaso ng pangangamkam sa mga lupaing ninuno.

‍

Kaugnay nito, ibinunyag ni Tapang ang kabalintunaan sa pagtatayo ng mga banyagang industriya sa Pilipinas, na aniya’y ginagamit lamang ng US upang palakasin ang kanilang Silicon Empire habang nilulustay ang likas na yaman at lakas-paggawa ng Pilipinas.

‍

“What we need [are] industries that will build other industries, so that Filipinos can build not just to host other people,” diin ni Tapang.

‍

Ipinanawagan naman sa huli ni Rachel Junsay, kinatawan ng Youth Advocates for Climate Action Philippines, ang kahalagahan ng kolektibong pagtutol sa Pax Silica at sa nalalapit na pagdalo ni Donald Trump sa ASEAN Summit upang pormal umanong lagdaan ang proyekto.

‍

Banta ng panunupil

‍

Sa kabila ng paglalahad ng mga inimbitahang institusyong parte ng pagpapatupad ng Pax Silica ukol sa mga anila’y “maaaring benepisyo” nito, binigyang-diin ni Ephraim Cortez, pangulo ng National Union of People’s Lawyers, ang panganib ng pagsupil sa mga mamamayang tumututol sa naturang proyekto.

‍

“That [pagtutol ng mga mamamayan] is part of our right—to express our grievances… But, of course, hindi naman lahat ay nakakaintindi ng freedom of expression,” saad niya  sa ’Pax et Solidaritas: Reclaiming Accountability amidst ‘Silican’ Struggle’ na inorganisa ng The Ateneo Assembly sa Leong Hall Auditorium, kinahapunan.

Larawan ni Zia Trestiza

Inihalimbawa ni Cortez ang mga karanasan ng mga komunidad sa Nueva Vizcaya na tutol sa eksplorasyon sa pagmimina, kung saan naging tugon sa kanilang pagharang sa pagpasok ng mga dambuhalang minahan ang pag-aresto at pagsasampa ng kaso.

‍

Dagdag niya, hindi maitatangging may banta na makaranas din ng pagsupil ang mamamayang tutol sa Pax Silica, batay sa mga naunang karanasan ng mga komunidad na apektado ng mga proyektong pagmimina at pagtrotroso.

‍

“Kailangan i-emphasize natin na these are expression of their constitutional rights, at they should be protected and stay guided,” ani Cortez.

‍

Mga Kamakailang Istorya