-24.png)
Huling hantungan na ang undas na ito para sa ilang guwardiya ng United Megaforce Security Services Inc. matapos mabigo sa kompetitibong bidding nitong ika-21 ng Agosto para sa magiging security service provider ng Pamantasang Ateneo de Manila sa susunod na limang taon. Kabilang sa mga mapapalitan ay ang mga guwardiya ng Higher Education, Grade School, High School, at mga Graduate School.
Gayunman, hindi na bago ang ganitong pagpanaw dahil matagal nang bihasa ang pamantasan sa paggamit ng bidding bilang wika ng pamamaalam. Mayo noong nakaraang taon lamang nang lisanin ng Ateneo Multi-Purpose Cooperative ang Gonzaga Cafeteria matapos matalo sa Kitchen City. Matatandaang ang parehas na istruktura ng merkado rin ang nagpaalis sa nitong magbabalik na Leopard Security and Investigation Agency, Inc. noong 2011.
Pana-panahon mang kinikilatis ng administrasyon ang ‘nararapat’ na pumrotekta sa komunidad ng pamantasan, patuloy itong pumapalya na kilalanin ang pagiging tao ng mga manggagawang kinakalakal lamang ng kapitalistang impluwensiya ng kontraktuwalisasyon.
Sertipiko ng Pagpanaw
Karapatan ng bawat institusyon na tiyakin ang kaligtasan ng komunidad na bumubuo rito; nagtatakda ng mga pamantayan upang masigurong sapat na matutugunan ang naturang layunin. Sa pagtatagpi-tagpi ng bawat karanasan o dahilan para matumbok ang tunguhing ito, walang katiyakan kung hanggang saan kinikilala ang kapakanan ng mga mismong indibidwal na nagsasagawa ng pangangalaga rito.
Sa maraming pagkakataon, dumadaan sa proseso ng bidding ang pagpili ng mga ahensiyang inaasahang titiyak sa seguridad ng komunidad. Nananatiling kuwestiyon ang sukatan ng mga pamantayang ito. Batay sa pahayag ni Engr. Josephy Almosera, Direktor ng Campus Safety and Mobility Office, kumpidensiyal ang detalyadong resulta ng ebalwasyon sa bawat kumpanyang lumahok sa proseso dahil maaari umano itong makaapekto sa mga susunod na bidding. Kaya, may mga patlang pa rin kung hanggang saan nagdudugtong at umaabot ang linya ng pagsusuri. Batayan ang husay at kalidad ng serbisyong naibibigay, ngunit pihadong mas matimbang ang presyo sa pagtiyak ng seguridad ng komunidad.
Kaakibat din ng karapatan ng paniniguro ang katunayang hindi nangangahulugang sapat na garantiya ang pagkakaroon ng mga pamantayan at mekanismo ng proteksiyon kung hindi pantay-pantay na naipagkakaloob ang kasiguraduhan sa kaalwanan sa bawat kasapi nito. Bagaman lilisanin ng maraming guwardiya ang naging tahanan nito sa loob ng labinlimang taon nang may pasasalamat, hindi pa rin kumakawala ang pagmumulto ng pangamba at dalamhati ng pahingang walang katiyakan kung may kalulugaran pa sila. Tunay nga bang napoprotektahan ang komunidad kung may naiiwan sa proseso ng pagkakaroon ng seguridad?
Binubuhay ng isang indibidwal ang kaniyang sarili, lalo’t higit, ang mga mahal sa buhay, sa pamamagitan ng paghahanapbuhay. Sa saglit na tahakin ang ruta ng kalakalan, nag-iiba ang katauhan ng dalawang indibidwal na pinag-uugnay ng iisang dokumentong magdidikta sa kondisyon ng unang indibidwal sa kaniyang papel bilang manggagawa, at ikalawang indibidwal bilang panginoon nito.
Gapos ng Todos los Santos
Bagaman tanggap na ng ilang mga guwardiya ang napipintong pamamaalam sa pamantasan, kaniya-kaniya sila ng diskarte upang matugunan ang hindi maalis na pangamba sa kanilang kahihinatnan matapos ang huling araw ng kanilang kontrata.
Aligaga na ang guwardiyang si kuya Hermano,* sa pagpapasa ng aplikasyon sa Philippine National Police (PNP), maging sa ilang tanggapan ng call center, upang makahanap ng pansamantalang pantustos sa kapatid niyang nag-aaral sa Mindanao. “‘Pag hindi ako binigyan ng Megaforce ng trabaho within 1 week, ako na ang maghahanap ng trabaho…Sayang din yung araw na magiging tambay ka muna, allowance na rin ‘yon ng kapatid ko,” aniya.
Para naman kay ate Doray* na tubong Visayas, kibit-balikat niyang isusugal ang mahigit isang dekada ng tenure sa Megaforce at magpapa-absorb sa Leopard upang manatili sa Ateneo. “Mahirap kasi back to zero [ang mga benepisyo]. Gano’n talaga kaysa naman ilipat ko [rin] ang mga anak ko na dito [Quezon City] na nag-aaral,” pagbabahagi niya. Ilan lamang si ate Doray sa iba pang guwardiyang dinala na ang kanilang pamilya sa lungsod kasama ng kanilang hanapbuhay, at umaasang manatili sa pamantasan upang hindi na gumastos sa muling paglipat.
Gayunman, kahit bukas sa posibilidad na muling italaga ng Leopard ang mga naturang guwardiya sa pamantasan, walang buong kasiguraduhan ang kanilang pagkakatanggap dahil nakasalalay pa rin ang hatol sa mga pamantayan ng kumpanya at mga kinakailangang legal na rekisito ng mga aplikante.
Araw ng mga Kaluluwang Buhay
Tuwing nagnenegosyo, kontrata ang tanging pinanghahawakan na kasiguraduhan ng isang entidad bilang batayan ng kaniyang kalalagyan sa tiyak na lugar at panahon. Sa parehas na kalakaran, nakatingkayad ang mga manggagawa sa hinaharap na kasingnipis ng dokumentong ito.
Batay sa Article 301 ng Philippine Labor Code, binibigyan ang mga service contractor, tulad ng Megaforce at Leopard, ng hanggang anim na buwan upang maitalaga sa bagong destino ang mga empleyado matapos wakasan ng principal, tulad ng Ateneo, ang kanilang kontrata.
Hiwalay pa ang panahong gugugulin ng pagkabakanteng ito sa antas ng mga prosesong panloob na kailangang isakatuparan sa isang pribadong kompanya. Sa isang panayam ng Matanglawin, kinumpirma ng Megaforce na matapos mapaso ng naunang destino, kinakailangan muling sumailalim sa pagre-renew ng mga dokumento at rekisito ang mga sekyung mananatili sa kanilang ahensiya bago mabigyan ng panibagong puwesto at muling sumahod.
Ngunit, bilang ang bawat araw para sa mga manggagawang sinasakal ng hindi makatarungang sistemang ‘no work, no pay’. Masyadong mahaba ang kalahating taon upang matengga ang isang empleyadong tanging sumusustento sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Maaari ding mangahulugang paghinto sa pag-aaral ng kanilang anak o pagkaantala sa pagpapagamot ng kanilang magulang na may malubhang karamdaman ang pansamantalang pagkawala ng kanilang trabaho.
Walang Wakas na Undas
Kinakailangan bang maitali sa pagiging produkto ng kapitalismo ang seguridad ng sangkatauhan?
Hindi mapaghihiwalay sa isang pangungusap ang seguridad at pagiging makatao dahil tanda ang proteksiyon, sa kahit anong anyo nito, ng pagpapahalaga sa ating pag-iral. Nawawala ang aspektong ito ng pagpapahalaga sa malabong kondisyon na ipinapataw ng mga naghaharing institusyon sa mga guwardiyang naglilingkod sa kanila.
May pananagutan ang mga kompanya na pangalagaan ang kanilang sariling mga empleyado, tulad ng tungkulin ng mga guwardiya na tiyakin ang seguridad ng komunidad na kanilang sinumpaang paglingkuran. Responsibilidad ng kompanyana magtalaga ng tiyak na lugar at panahon kung saan maiistasyon ang bawat guwardiya nito sa oras na magbaba ng liham ng terminasyon ang kanilang kliyente sa halip na hintayin pang dumating ang huling araw ng kontrata bago kumilos.
Ngunit pagbali-baliktarin man ang lahat, nasa Ateneo pa rin ang rurok ng kapangyarihang magdikta kung kailan mag-uumpisa at kung sa paanong paraan magtatapos ang kanilang panunungkulan. Isang malaking kabalintunaan ang maingat na pagsusuri ng administrasyon sa seguridad na dapat matamasa ng pamantasan kung isinasakripisyo nito ang kapakanan ng mga empleyadong deka-dekadang tumaguyod dito.
Pinatutunayan lamang ng ganitong transaksyunal na kaisipan na negosyo lamang para sa administrasyon ang panunungkulan ng kanilang mga manggagawa. Maaaring wala na sa tuwirang hurisdiksiyon ng Ateneo ang magiging kapalaran ng mga sekyu sa sandaling puminid ang kanilang kontrata, ngunit hindi ito nangangahulugang pahintulot na isawalang-bahala ang kapakanan ng mga manggagawang minsang naging sandigan ng bughaw na komunidad sa samot-saring trahedya at kaganapan lalo na sa mga panahong wala itong ibang maaasahan.
PAGLILINAW NG PATNUGOT: Ginamitan ng bansag ang pagtukoy sa mga nakapanayam na guwardiya para sa kanilang proteksyon.

%20(3).png)
.png)
%20(2).png)
%20(1).png)
.png)
.png)
.png)
.png)
.png)




%20(2).png)
-21.png)
-12.png)