Kasabay ng bawat “prrt” ng tunog ng hookup platform gaya ng Grindr ang kaba at pagkasabik sa dilig—kilig, paminsan-minsan.

“Baka siya na ang icing sa ibabaw ng cupcake ko, ang pipitik sa tinggilery ko.” Naghihintay ng mabilisang sagot sa pagkaerbog at haplos sa umiigting na daddy issues. Mga excitement na nag-spark sa mga simpleng “tvb?,” “trade pics?,” “dtf?,” “g my place,” at “lf fun.”. Mga gkkkkanun.

Madali lang namang maging bakla at maghanap ng didilig o didiligan, ngunit may mga naratibong na-explore ng hornkee twink na si Glindr na wish lang namang maliptolelap at makaorpop sa lampoong TVB (Teh, Vovoka Ba)?

Mga hadlang sa Voohay Vakla sa hookup culture para ma-achieve ang la niña—mga mars2mars na umay na sa femmephobia, freshies na nakae-encounter ng kulang-sa-experiencephobia, mga dl trade na may baka-kasi-ma-out-akophobia. Ilan lang ito sa mga naratibong sumasalamin sa tipikal na struggle ng isang Glindr na handang amuyin ang pusod niyo para ma-thrust nang matindi at matapos na ang paghihirap niya. Totoo ‘yun tunguh.

Ang Grindr ay nagsisilbing palaruan upang ihayag ang sarili, maghanap ng koneksyon, at/o galugarin ang mundo ng pantasya at pagnanasa. Pero bakit maraming bakla ang hirap maging totoo sa sarili sa mga ganitong plataporma?

Buwelo, adjust the bangs.

Pamantayan, Filtered

Sa isang swipe, naroroon kaagad si “Masc4Masc,” gym bro, headless, may abs at biceps na parang stock photo ni Zeus sa AF:

“No hate sa mga barbie, pero gusto ko lang kasi ‘yung masc din. Pass sa sobrang loud; halatang bakla. May kanya-kanya naman tayong preference.”

Pero teh, ang tanong: “preference” lamang ba talaga ‘yan?

Tulad na lang ng twister nina Adam et al. (2024) sa Dating Apps and Shifting Sexual Subjectivities of Men Seeking Men Online, ang ganitong plataporma ay bumubuo ng mga espasyong bumabatay sa edad, lahi, anyo ng katawan, gender expression, at kahit serostatus (SEROSTATUS?!). Sa ganitong sistema, mas nabibigyan ng atensyon ang mga strata at dl—maskulado, discreet, “straight-acting,” kumpara sa mga femme at mars2mars. Over.

Si Masc4Masc kung tutuusin ay hindi lamang basta isang user—werut siya ng patriyarkal na pamantayan ng pagkalalaki. Kahit sa mga ganitong plataporma na dapat ay malaya’t ligtas ang queer expression, nananatili ang konsepto na kapag sinabing “lalaki,” dapat matikas, dominante, at “hindi halata.”

Madaling sabihin na preference lamang. Pero kapag ang lahat ay may halos pare-parehong preference—lahat nagnanasa ng “masc,” “fit,” “clean-cut,” at “discreet”—nagiging malinaw na hindi lamang ito personal preference. Ito ay manipestasyon ng isang mas malalim na sistemang nagdidikta sa kung sino at ano ang kaaya-aya, karapat-dapat, at katanggap-tanggap na anyo ng kabaklaan.

Faceless Profile

“dl 🦅,” stocky, the typical bear, in a white hoodie, eyes covered by Areneyow cap from Ashoppe:

“Not sending pics until you send yours first. G for blind meets. Pass sa maarte.”

Isang nakauumay na depiksyon ng pagtatago—takot ma-expose, takot ma-judge, takot na baka may makakilala, takot maging totoo. Hindi choice ang pagiging discreet at dl; minsan, survival mechanism ito sa lipunang hindi pa rin ganap na tumatanggap.

Ilan lamang ang “NPNR (no pic, no reply),” “NRNI (no reply, not interested)” sa mga acronym na madalas makikita sa mga bio(t) na kadalasang binabalot ang hiya’t takot: baka hindi ako sapat, baka hindi ako desirable, baka kailangan kong magpanggap. Binanggit nina Yu et al. (2025), ang ganitong paulit-ulit na exposure sa mga mapanuring label ay maaaring magpalalim ng tinatawag na internalized homophobia—isang conflict sa sarili kung saan unti-unting tinatanggap ng indibidwal ang mga mapanlasong pamantayang idinidikta ng lipunan laban sa profile at identity ng mga bakla.

Offscreen, paulit-ulit tayong tinuturuan kung ano ang tama at katanggap-tanggap. Kapag nailapat na ‘yan sa digital space, natural lamang na maging performative ang pagpapakilala. Ang lumalabas, bawat profile ay curated persona: “Ako ito, pero ‘yung version na baka magustuhan mo.”

Hindi kasalanan ito ni Glindr, o ng kahit sinong bakla. Ang problema lamang ang mundong patuloy na nagdidikta kung anong uri ng “bakla” ang tatanggapin. Sa halip na kalayaan, lalo pang nagiging mahigpit ang pagkapit sa isang digital closet na may mga bio, stats, at tags.

Self-taps

Ang bakla ay tapang—hindi lamang hookup ang usapan dito, kundi pakikibaka para sa kalayaan; ang kalayaang magpahayag, magmahal, dumilig, magpadilig, umorpop, makipagliptolelap, sa kabila ng mga pamantayang pilit na hindi nakikipag-trade sa kapakanang kumikilala sa totoong ikaw, sa totoong Glindr.

Ang bakla ay paninindigan—hindi kailangang i-fit ang sarili sa anumang pamantayan o cookie cutter. Hindi kailangang gawing basehan ng halaga ang dami ng tap o mensaheng “tara g.” Ang tunay na voohay ng bakla ay ang kakayahang magpakatotoo kahit sa harap ng mundong nagdidikta kung paano dapat maging bakla.

Ang bakla ay pagmamahal sa sarili at kapuwa—ang voohay ng bakla ay hindi nakikita sa stats, labels, o kung ano mang pamantayan, kundi sa tapang ng pagiging totoo, sa pagbuwag sa mga pamantayang mapangdikta, at sa patuloy mong pagpili sa pagiging ikaw. Wala nang mas tunay pa sa baklang malaya.

Sanggunian:

Adam, B. D., Brennan, D. J., Davies, A. W., & Collict, D. (2024). Dating apps and shifting sexual subjectivities of men seeking men online. Sexuality & Culture. https://doi.org/10.1007/s12119-024-10231-1

Yu, N., Chen, K., Song, M., Zhang, N., & Liu, S. (2025). Romantic relationship status and internalized homophobia in LGB individuals: a parallel mediation model examining the roles of gender and coming out status. BMC Psychology, 13(1). https://doi.org/10.1186/s40359-025-02521-6

Mga Kamakailang Istorya