Nagpahayag ng pagkontra ang mga mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila hinggil sa panukalang Tuition and Other Fees Increase (TOFI) para sa taong panuruang 2025-2026.

Sa inilabas na inisyal na resulta ng student referendum o botohan na inilunsad ng Ateneo COMELEC kasabay ng Sanggunian Special Elections noong ika-27 hanggang ika-30 ng Abril, 699 sa 732 o 96.8% na mag-aaral ang bumoto ng pagsalungat sa naturang mosyon. 

Samantala, nanindigan din ang mga mag-aaral na hindi makatwiran ang pagtaas ng matrikula at lubos na makakaapekto sa kanilang pag-aaral ang pagsusulong nito. 

Ibinunyag ng kasalukuyang sophomore na si Javier Sedora ang kaniyang mga pangamba sakaling itaas ang matrikula, lalo bilang isang mag-aaral na nakaasa sa kaniyang kaanak sa ibang bansa upang matustusan ang kaniyang mga bayarin sa pag-aaral.

 “Genuinely, as someone na umaasa lang sa tita ko, yung hiya ko kasi taon-taon nataas tapos buong four years niya kong pag-aaralin ta’s yung allowance ko galing din sa kanila. In a way mababawasan allowance ko, I have to sacrifice something, para lang makasabay [sa TOFI,” saad niya.

Dagdag ni Juana (tumangging magpakilala), isang full scholar na may benefactor, hindi man makakaapekto sa kaniya ang naturang TOFI, nakikita niya ang pasanin nito para sa mga iskolar na kailangan pang bayaran ang bahagi ng kanilang matrikula.

“Yung mga 50% scholar, sila ang may kailangan bayaran. Pag tumaas yung tuition, edi tataas din yung babayaran nilang hindi covered ng scholarship,” ani Juana.

Nilinaw naman ng Ateneo COMELEC na walang legal na bisa ang resultang ng referendum, at iginiit na bahagi lamang ito ng mga hakbang ng Sanggunian na masukat ang sentimyento ng sangkaestudyantehan sa naturang isyu.

‘Walang TOFI’ – CHED

Kasabay ng paglalabas ng resultang ito, inanunsyo rin ng Commission on Higher Education (CHED) kahapon, ika-30 ng Abril, na walang ipapatupad na pagtaas sa presyo ng matrikula para sa taong panuruang 2026-2027, sa kabila ng lumalalang krisis sa petrolyo dulot ng giyera sa Kanlurang Asya.

Sa isang press conference, inihayag ni CHED Chairperson Shirley Agrupis na hindi umano mainam na dagdagan ang matrikula gayong humaharap sa krisis ang bansa. Nakipag-ugnayan na ang ahensya sa mga paaralan ukol rito at nauunawaan ito umano ng mga institusyon. 

“We have received a lot of requests (for tuition and other fee increases). But we only have one answer. While we recognize the increasing needs of a higher education institution (HEI), we are appealing that this is not the right time to increase tuition,” giit niya.

Mga Kamakailang Istorya