Maraming tumitingin sa pagkabakla bilang salungat sa moralidad. Ang pananaw na ito’y tumatagos sa tahanan, kasalan, at pagiging magulang. Marahil nakatanim na ito mula pagkabata, sa paglalaro. Anong nilalaro noon na hindi maipanalo ngayon?

Bahay-Bahayan

Sapat na ang kumot at upuan sa pagpapatayo ng tahanan. Sa larong Bahay-Bahayan, may mga papel na dapat gampanan. Sino ang nanay? Ang tatay? “Nanay, Tatay, gusto kong tinapay. Ate, Kuya, gusto kong kape.” Bawat pagbigkas, natatanaw ang mga tungkulin at relasyon batay sa kasarian at edad. Maiiwan ang nanay sa bahay, naglilinis at nag-aalaga, habang nagtatrabaho ang tatay. 

Balewala ang mga taong hindi nababagay sa itinakdang papel. Kalilimutan ba ang batang lalaki na nais mag-alaga? Ang batang babae na nais magtrabaho? Sila ay nagiging katatawanan, ngunit sa ganitong biro unti-unting nabubuo ang mga ideyang kumakahon sa pagkatao.

Nabuo ka sa iyong pagpapalaki. Lubos na pinahahalagahan ng mga Pilipino ang edukasyon at kaugalian, ngunit limitado ang pakikilahok dahil sa mga hamon ng kultura at sistema (Bartolome et. al, 2017). Kadalasan, nababawasan ang pakikilahok dulot sa paniniwalang dapat unahin ang pagsunod kaysa pagtanggap. Kaya nahihirapan ang kabataang LGBTQIA+ na mamuhay nang lantaran sa kanilang pagkakakilanlan.

Chinese Garter

Sa labas ng bahay, patuloy pa rin ang pagpapatunay kung gaano ka karapat-dapat. Habang tumataas ang garter, nababawasan ang nakakatalon. Tulad ng sistemang mataas ang pamantayan, nababawasan ang mga kasali nang hindi tumitingin sa ibaba. Bawat pagtaas, may bagong sukatan ng halaga. Siyang paulit-ulit na tanong: “Sino ang Mother?”

Sa usaping legal, matagal nang nakataas ang garter. Ang Family Code ng Pilipinas ay kumikilala lamang sa kasalan sa pagitan ng cisgender na lalaki’t babae. Kaya maraming miyembro ng LGBTQIA+ ang nananatiling walang karapatang mag-ampon. Gayunpaman, pinayagan ng Regional Alternative Child Care Office VII na mag-ampon ang mga kabilang sa LGBTQIA+ community, ngunit indibidwal lamang, hindi magkapares (Magsumbol, 2024).

Nakapupukaw pa rin ng katwiran. Tunay na inklusibo ba kung nililimita sa isahang pagtalon? Inklusibo ba kung sa bawat hakbang, itinatago ang relasyon upang maituring karapat-dapat? Sa mga ganitong patakaran, tila kaunti pa rin ang nabibigyan ng pagkakataon. 

Kaya sa labas ng mga paglilimitang ito, nabubuo ang found families hindi lamang dahil sa batas, kundi dahil may mga tahanang mas totoo sa piling ng pinili. Mga pamilyang hindi kadugo ngunit kapuso. Close family ties, ika nga, ngunit bakit may anak pa ring nakatago sa aparador? Nawalan ng kuwenta ang pamilyang Pilipino. Ipinagmamalaki ang pagiging malapit ng pamilya, ngunit sila rin dumidistansiya. Tinutulak ang kabataang queer na magtago sa banta ng pamamahiya at pagtatakwil.

Tagu-Taguan

May pagbabago sa laro: patuloy na magtago kahit natuklasan na. Hindi maaaring lumabas at magpakita, lalo na ang mga naiiba. Hindi ito patas, ngunit hinaharap sa ating bansa at siyang patuloy pa ring nilalabanan. Lahat ng laro ay nagsisimula sa patakaran. Lahat ng pagsunod ay nagsisimula sa batas.

Nakasaad sa SOGIESC Act na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa trabaho, edukasyon, at serbisyo batay sa seksuwalidad o kasarian. Pagkatapos ng walong kongreso, hindi pa rin ito naipapasa bilang batas. Kamakailan, muling inihain sa Kongreso ang panukalang “Magna Carta for LGBTQ+ Filipinos.”

Para sa mga bakla, ang tagu-taguan ay hindi na laro kundi paraan ng pamumuhay. Paraan ng kaligtasan sa mundong hindi marunong tumanggap. Mayroon pa nga bang mundong tatanggap? 

Langit-Lupa

Sa larong Langit-Lupa, karamihan ay nasa lupang laging humahabol sa langit. Ganoon din sa lipunan, may mga itinataas bilang banal at mga hindi kailanman makakaakyat sa langit, sa pagtanggap. Sa ating lipunan, ang langit ay para sa mga kinikilala ng batas at simbahan samantalang ang lupa ay para sa mga ipinapako sa kasalanan.

Relihiyon ang ugat ng ganitong pananaw, partikular ang homophobia na kumakapit sa paniniwalang babae at lalaki lamang ang para sa isa’t isa. Siyang paniniwala ang pumipigil sa pagsulong ng SOGIESC, at nagpapanatili sa mga pamilyang queer sa ilalim ng hirarkiya. 

Sa kabila ng ganitong istruktura, patuloy na binubuo ng mga bakla ang sarili nilang langit sa lupa. Mula sa kanilang piniling tahanan, sa ligtas na espasyo, hanggang sa mga komunidad na nagmamahal nang walang paglilitis Sa huli, ang tunay na “Mother” ay hindi nasusukat sa legal na pamamaraan, kundi sa kakayahang magbigay ng tahanan. Hindi na kailangang umakyat sa langit ng iba sapagkat natagpuan nila ito sa isa’t-isa.

Ang larong pambata na dating pangkasiyahan ay naging masalimuot. Nararapat na itanim sa kabataan na ang pagkakaiba ay hindi kasalanan, at ang pagtanggap ay hindi karangalan. Sa kulturang laging mga bakla ang taya, sila rin ang unang hinahabol at inaalis sa bilog ng pamilya. Ngayong patuloy ang pag-unlad, hindi nakakasabay ang lumang panuntunan sa bagong anyo ng pamilya.

Oras na para baguhin ang mga patakaran ng laro. Dapat walang taya at walang nagtatago.  Mananatili ang naiiba.

Sanggunian:

Bartolome, Mamat, & Masnan. (2017). Parental involvement in the Philippines: A review of literatures. International Journal of Early Childhood Education Care, 6(2289-3156). https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ1207994.pdf

Magna Carta for LGBTQ+ Filipinos, no. 5462, House of Representatives (2025). https://docs.congress.hrep.online/legisdocs/basic_20/HB05462.pdf
Pending with the Committee on WOMEN AND GENDER EQUALITY since 2025-10-13

Magsumbol. (2024). LGBTQI may adopt a child. Philstar.com; The Freeman. https://www.philstar.com/the-freeman/cebu-news/2024/11/25/2402767/lgbtqi-may-adopt-child

Mga Kamakailang Istorya