.png)
#BalitangLawin | PATULOY ANG PAGTUTOL ng mga residente ng Pook Malantik at iba pang komunidad sa Krus na Ligas sa Quezon City, hinggil sa demolisyong dala ng pagpapatayo ng 21-ektaryang UP Sustainable Development Goals (SDG) Park at 3.8-ektaryang Housing Project ng Megawide Construction sa kanilang lugar.
Nagsagawa ng sama-samang pagkilos ang mga residente nitong nakaraang linggo upang ipanawagan ang pagbabasura sa mga nasabing proyekto. Binatikos din nila ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa at ang patuloy na pangangamkam sa mga komunidad tulad ng Krus na Ligas.
Matatandaang nagtayo ng barikada ang mga residente noong ika-8 ng Hulyo upang harangan ang pagpasok ng trak ng Megawide Construction na may dalang construction materials para sa transitional housing. Ayon sa mga ulat, humantong ito sa tensyon at pagkasugat ng ilang residente.
Sa kabila ng ipinapangakong relokasyon, tinatayang 1,000 pamilya ang maaaring mawalan ng tirahan sakaling itutuloy ang mga proyekto ayon sa Samahan ng mga Nagkakaisang Komunidad sa UP (SAMANAKO UP).
Ipinunto naman ng mga residente na 26 lamang sa libong pamilya ang kuwalipikadong mabigyan ng puwesto sa planong housing project. Hindi kabilang dito ang maraming manggagawang impormal, o ang mga umaasa sa pangangalakal, pagtitinda, paglalabada, pamamasada, at iba pa, dahil isa sa rekisito ang Certificate of Employment.
Sa 26 na kuwalipikadong pamilya, nananatiling kontra ang karamihan o ang 16 na pamilya sa mga proyekto, habang 10 pamilya lamang ang pumayag sa demolisyon at lumagda sa mga kinakailangang dokumento.
Daing ng ilang mga residente, banta sa kanilang karapatan at kawalan ng katiyakan sa paninirahan at kabuhayan lamang ang dulot ng naturang proyekto, sa halip na kaunlaran na ipinapangako nito.
Kaugnay nito, iginiit ng SAMANAKO UP na lagpas sa kakayahan ng mga apektadong residente na tustusan ang P2,500 na upa sa housing units at ang pagwasak sa kabuhayan dulot ng kumbersyon ng lupang sakahan tungo sa mga pasilidad sa ilalim ng SDG Park.

.png)
.png)
.png)
.png)
-12.png)
-11.png)
-10.png)
.png)
.png)
(1).png)




-15.png)
.png)
-11.png)