‍“The current content contains LGBTQ section, which may cause discomfort. Do you want to continue?” 

‍

Magpapatuloy ka pa ba kung pagbukas mo ng pelikula sa Loklok, may bubulaga sa iyong babala? Mandidiri ka raw sa iyong mapapanood, kahit pinili mo pa ang baklang pelikula na inaabangan mong mailako sa suking tindahan. Tutuloy ka pa ba? 

 

Oo, sigurado na ako na ipagpapatuloy ko ang pagpasok sa espasyo kung saan kaya kong kontrolin ang imahinasyon kong hindi ko na makontrol. Sa mga pelikula, maaari kong damhin ang ligaya ng iba kahit artipisyal at piksyunal lamang ang ilan dito. Sa pamamagitan ng simpleng pagpindot, makabibili na ako ng panibagong realidad na magtatakip sa mapait na katotohanang nababahiran ng sensuridad ang mga produktong pinapalabas sa tindahan ng mga kapitalista. 

‍

Sa mundong may mga kuwentong hindi nakararating sa malaking tabing, nagiging alternatibong daan ang mga suking tindahan tulad ng Loklok sa internet. Kaya kahit mistulang sinauna na ang kalidad ng bidyo, kahit pa may mga aninong nakaharang sa bawat eksena, ipagpapatuloy ko ang panonood. Walang makapipigil sa akin, kahit pa isang babalang nais magpalayas, nakaabang pa rin ako sa suking tindahan hanggang magbukas ito ng tinatagong produkto. 

‍

Nasa suking tindahan na

‍

Kapag nag-notify na may bagong pelikulang ilalabas sa digital, nakaabang na ako sa suking tindahan sa X. Hahanapin ko na ito sa Loklok. Pipindutin ko na siya sa search bar. Laking tuwa ko nang lumabas ang pelikulang inaabangan kong makita. 

‍

Mayroon na sa wakas sa Loklok. 

‍

Hindi produkto at salapi ang laman ng palitan—may mga kuwentong ipinapasa, at mga pangangailangang tinutugunan, kaya ang mga mamimili ay paulit-ulit na bumabalik dahil narito ang hinahanap ng kanilang kalooban. Para sa aming manonood ng baklang pelikula, ang pamimirata ay nagiging malayang tanawin ng mga kuwentong kumakatawan sa aming pagkakakilanlan, nang hindi kailangang magbayad pa sa mga naglalakihang screen para malamangmay nakaiintindi sa amin. 

‍

Nagkakaroon ng plataporma ang mga malilikhaing isipan sa suking tindahan. Ang mistulang misteryo sa sinehan ay pinagpiyepestahan kapag nailako na ito rito. Kung ang pelikula ay isang produkto, ang baklang pelikula ay hindi basta isang bagong palabas na inilalagay sa estante. Isang anyo ito ng  pagkukuwento na naglalagay sa gitna ng salaysay ng mga tauhang matagal nang isinasantabi sa mga pelikula. Sa halip na maging katatawanan lamang, kontrabida, o tauhang ang pag-iral ay umiikot sa trahedya, binibigyan kami ng pagkakataong maging kumplikadong taong may mga pangarap, kahinaan, pag-ibig, at sariling pagpapasiya. Kaya ang malalim na pagtatampok sa baklang karakter bilang buong karakter sa isang medya ay kagimbal-gimbal sa mga naglalakihang prodyuser ng orihinal na likha, pati na rin sa mga namamahala ng aplikasyong pampirata. 

‍

Hindi na makapaghintay ang iilan para dumating ang mga pelikulang ito sa mga streaming apps, kaya direkta na nilang binabaybay ang pamagat ng mga pelikulang ito sa Loklok. Bagaman sa naglalakihang palengke, walang suki ang kanilang kuwento sa labas ng kanilang komunidad, patuloy na namamayagpag ang mga baklang midya sa mga aplikasyong pampirata. Kung ang baklang pelikula ay imported sa ibang bansa, VPN ang sagot para makanood ang baklang madla. Dahil sa geo-blocking o ang limitasyon sa lisensya ng mga streaming platforms at pati na rin dahil sa mahigpit na sensuridad at konserbatibong regulasyon ng MTRCB, hindi na nakakarating sa mga Pilipino ang mga kuwentong bukas na inihandog sa publiko. Ang mga aplikasyong ito ang nagsasalba ng kuwento na lalaban sa sakim na paniniguro ng mga naglalakihang namamahala sa mga tindahan. 

‍

Pero bakit gano’n, nang tatangkain ko nang panoorin ang inaabangan kong pelikulang bakla na hindi inilabas sa sinehan sa Pilipinas, makikita ko ang babala sa Loklok? May mali ba sa mga pelikulang bakla?

‍

Don’t remind me again

‍

Kung layunin ng tindahan na bigyan tayo ng akses sa mga kuwentong mahirap makita sa ibang lugar, bakit kailangan pa ito ng babala? Ilegal ba ang pagiging miyembro ng komunidad? Hindi titigil ang siklong ito kung patuloy na patago lang ang mga bagay na dapat ay karapatan namin simula pa lamang. Wala namang ganito kapag ibang uri ng kuwento ang hinahanap ko. Ngunit sa sandaling queer ang pelikula, tila may pangangailangang ihanda muna ang manonood sa kung ano ang makikita niya. Sa ganitong paraan, tila itinuturing na kakaiba ang mga kuwentong ito.

‍

Nagiging bahagi tuloy ng panonood ang pagtatago. Bago ko pa man mapanood ang pelikula, pinaaalahanan na akong bawal ako rito—na ang kuwentong hinahanap ko ay kailangang hanapin nang palihim. Sa ganitong paraan, sumasalamin din ang panonood sa karanasan ng maraming bakla na napipilitang manatili sa closet: kapwa may pagnanais na makita at makilala, ngunit kapwa itinutulak na magtago upang makaiwas sa panghuhusga. Ngunit kaming mga suki ay patuloy na dumadayo at nagpapakitang may manonood para sa mga kuwentong ito—may naghahanap, at may gustong makakita. Isang mapait na karanasang kanilang pinapasan ang kawalan ng interes o ‘discomfort’ na sumasalamin sa mas malawak na suliranin ng isang lipunang patuloy na naglilimita sa espasyong maaaring pagtagpuan ng mga kuwentong queer at ng mga taong nakakakita ng kanilang sarili rito.  Ang mga kuwentong ito ay patuloy na itinutulak sa dilim, hindi dahil wala silang puwang sa lipunan, kundi dahil hindi pa lubusang tinatanggap ang kanilang karapatang makita at marinig.

‍

Lalo lamang hinahati ng babala ang matinding pagtutol sa karapatang pantao ng queer na komunidad na kalakip na sa SOGIE bill na hindi mapasa-pasa, kung saan ang mga karapatan ng komunidad ay inaasahang magbibigay-daan upang matamasa nila ang kanilang sariling kalayaan at mga karapatan. Ang mga ganitong uring babala o diskriminasyon sa espasyo ng pagpepelikula, mas lalo na’t maraming nakakaakses dito sa mga unofficial third-party app kagaya ng Loklok, ay hindi dapat gawing normal at dapat gawan ng kaukulang hakbang para magbukas ang daan para sa pormal na karapatan at para sa mga tindahang mas inklusibo.  

‍

Allow this time

‍

Kung patuloy na limitado at mahal ang akses at espasyo para sa queer films sa sinehan at legal streaming platforms, hindi mawawala ang pangangailangan para sa mga manonood na naghahanap ng mga kuwentong ito. Kaya bakit ang mismong tindahang naging simbolo ng akses ay ang siyang nagtatayo ng harang upang maikubli ang mga kuwentong noon pa man ay isinasantabi na? 

‍

“The content contains LGBTQ section.” Walang mali doon, at lalong, hindi na kailangan ng babala. Isang kabalintunaan ang pagkakaroon ng ganitong karatula sa suking tindahan. Ngunit, ang tunay na kailangang buksan ay hindi panibagong pirated app, kundi mas maraming pintuan para sa queer cinema—mga pintuang nagbibigay sa mga pelikulang ito ng sapat na espasyo, akses, at pagkakataong makita ng publiko nang hindi kailangang magtago. Lalong nalilimitahan ang akses sa queer cinema ng kamahalan ng sinehan at streaming platforms, gayundin ang pagkakataong maunawaan ang karanasan ng mga queer. Samakatuwid, hamon ang magbukas ng mga pintuan para sa queer cinema, maging ang pagtiyak na abot-kaya at bukas ang mga ito sa lahat, sapagkat hindi ganap na makakamit ang representasyon kung ang mga kuwentong kumikilala sa atin ay hindi rin natin kayang panoorin.

‍

Mga Kamakailang Istorya