Kinondena ng iba’t ibang organisasyong pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila, ang patuloy na panghaharas sa mga student-athlete ng pamantasan, dalawang buwan matapos ang trahedya sa Aurora.

Sa inilabas na pinagkaisang pahayag ngayong Linggo, ika-23 ng Agosto, kinilala ng mga organisasyon ang mga panawagan ng pananagutan mula sa publiko bilang “lehitimong tugon” sa pagkasawi nina Rene Baterbonia at Divine Adili, ngunit iginiit nilang hindi makatuwiran ang pambubulabog sa ibang mga atleta na labis ding naapektuhan ng trahedya.

Samantala, ipinapanawagan ng mga samahan sa administrasyong Ateneo na paigtingin ang pangangasiwa sa mga natatanggap na ulat ng panghaharas at ikonsidera ang mga legal na hakbang kung kinakailangan.

“No member of the Ateneo community should have to navigate University life under the threat of harassment, intimidation, or harm,” giit ng mga organisasyon.

Ipinunto sa pahayag ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad sa gitna ng mga banta na nagdudulot ng labis na takot at pangamba.

“We believe that our student-athletes should not be expected to carry the burden of institutional controversies simply because they represent the University,” saad ng mga organisasyon kaugnay ng pambabatikos na idinidirekta sa mga atleta.

Ipinangako naman ng mga samahan ang patuloy na pagtindig para sa mga atleta habang idinidiin na walang estudyante ang dapat pumili sa pagitan ng pagiging kinatawan ng komunidad at pagiging ligtas sa loob nito.

Basahin ang buong pahayag dito:  https://www.facebook.com/share/1DavQQjoeu/?mibextid=wwXIfr

Mga Kamakailang Istorya