Inihahain ngayon ang Artificial Intelligence (AI) bilang isang tila “bagong bayani” na kabilang ng modernong lipunan habang sinisiguradong ligtas at may kapaki-pakinabang na espasyo ang wikang pambansa at mga katutubong wika. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon” ay naglalayong gamitin ang teknolohiya upang mapabilis ang intelektuwalisasyon ng wika. Dagdag pa rito, hinihimok nito umano ang responsableng paggamit ng AI habang binibigyan ng sapat na puwang ang wikang Filipino sa usapin ng bagong teknolohiya at etika. Sa papel, kapaki-pakinabang ang layuning ito: maaari nitong palawigin ang paggamit ng Filipino sa mga digital na espasyo at sa mga opisyal na dokumento o legal na usapin kung saan salat na salat at madalas na nakatutok lamang sa Ingles ang ating pambansang wika. 

Ito ang pabalat-bungang pangarap na ipinapasa sa publiko. Subalit, sa halip na maging tunay na tagapagpalaya, nagsisilbing isang masining na propaganda at soft launch lamang ang pag-endorso sa dayuhang AI bilang pangunahing kasangkapan sa pag-unlad ng wika upang ihanda ang pambansang kamalayan sa pagtanggap sa Pax Silica. Ang tila inosenteng pagpasok ng teknolohiya sa ating wika at sistema ng edukasyon ay isang pampolitikang estratehiya ng pagpapasuko sa kritikal na pag-iisip kapalit ng hiram na talino.

Inipit na Wika sa Banyagang Teknolohikal

Isang makabagong anyo ng imperyalismo ang Pax Silica—bagong kaayusang pandaigdig na nakabatay sa kontrol sa mga silicon chip at AI. Bihisan man ito bilang tagapagligtas na tutulong sa atin upang tumayo sa sariling mga paa, hindi maikukubli ang pagtali nito sa bansa sa mga dayuhang monopolyo sa teknolohiya. Sa oras na ipagkatiwala natin ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa AI, isinusuko natin ang ating digital sovereignty—ang ating karapatan at kakayahang kontrolin ang pambansang datos, kaalaman, at teknolohikal na imprastraktura. Magiging biktima nito ang ating mga paaralan sapagkat aasa ang pag-iisip ng kabataan sa hiram na kaisipan, habang magiging kasangkapan lamang ang wikang pambansa ng mga algoritmo na dinisenyo para sa interes ng mga dayuhan.

Ipinagmamalaki ng pamahalaan ang mga umano’y “napakalaking biyaya” ng inisyatibong ito. Sa katunayan, puspusan ang Anti-Red Tape Authority sa pagpapabilis ng mga regulasyon upang makaakit ng bilyon-bilyong dolyar na investments mula sa mga dayuhang korporasyon. Sa kanilang naratibo, ang pagtatayo ng 1,619-hektaryang hub sa New Clark City ay magdadala ng modernisasyon, maunlad na ekonomiya, at libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.

Subalit ang makintab na naratibong ito ay nagtakip sa totoong pakay ng Pax Silica. Sa halip na maging malayang nasyon, itinutulak ang Pilipinas bilang tagapagbigay lamang ng murang lakas-paggawa, hilaw na materyales, at lupain para sa mga makapangyarihang dayuhang kumpanya sa teknolohiya. Dito natin makikita ang bagong wangis ng kolonisasyon: hindi na ito pinangungunahan ng mga sundalo sapagkat sapat na ang pangako ng “kaunlaran” upang isuko ng ating mga institusyon ang ating digital sovereignty at iangkop ang ating wika sa dikta ng dayuhang kapangyarihan.

Sa kasalukuyan, nananatiling bulag sa kultural na konteksto at salat sa malalim na pag-unawa sa ating lipunan ang mga algoritmo ng AI. Dahil nakatuntong ang AI sa napakaraming nakaimbak na impormasyon, tila walang kakayahan ang teknolohiyang ito na umasta tulad ng isang totoong Pilipino. Kakayanin man nitong magsalin ng mga salita sa ating wika o bumuo ng mga talata sa wikang Filipino, hinding-hindi nito matutumbasan ang ating natural at natatanging humor, pakikiramdam, at pananalita.

Kaya naman, nakababahala na ang KWF, Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED) pa mismo ang nangunguna sa paghahain sa atin ng “pekeng bayaning” ito. Sa halip na ipagtanggol ang soberanya ng ating wika, ginagawang marketing tool ng mga institusyong ito ang mga pambansang tema upang gawing normal ang paggamit ng dayuhang teknolohiya nang walang sapat na gabay. Lumalabas dito ang matagal nang kritisismong ipinupukol sa KWF—ang tila kakulangan nito sa kongkretong polisya, sapat na promosyon, at tahasang proteksyon para sa wikang Filipino at mga katutubong wika laban sa modernong banta.

Noon, nagsisilbing espasyo ang Buwan ng Wika para sa malikhaing pag-iisip, pagpapahayag, at pagpapamalas ng talento ng mga mag-aaral mula sa kanilang sariling karanasan. Ngayon, nagiging “pagalingan sa paggawa ng prompt” na lamang ito—ang wikang Ingles ang madalas na ginagamit sa pag-type ng mga prompt, kaya’t hindi na nahahasa ang tunay na kakayahan sa wikang Filipino. Tuluyan nang ibinibigay sa AI ang buong gawaing pangkaisipan, na ayon din sa mga pag-aaral ay unti-unting nagpapahina sa ating tungkuling kognitibo. Kung hindi man lang kayang bumuo ng payak na pangungusap ng isang estudyante nang walang AI, paano pa natin masasabing nakatutulong ito sa intelektuwalisasyon? Sa ganitong gawi, unti-unting isinasadiwa ng mga institusyong dapat nangangalaga sa ating wika ang pagiging manhid ng teknolohiyang kanilang isinusulong, hanggang sa tuluyang maparalisa ang kritikal na pagpapasya ng mga mamamayan at mawalan tayo ng sariling pagkakakilanlan. Kung mapabayaan, ang kaalamang ipinangako ng makabagong teknolohiya mismo ang mag-uudyok sa kamangmangang patuloy na tataguyod sa sistemang sinasamantala ang agwat ng bawat isa.

Muling Pag-angkin sa Sariling Wika

Hindi lamang usapin ng teknolohikal na modernisasyon o pagsabay sa pandaigdigang supply chain ang pambansang wika at ang kaisipang ipinapahayag nito. Sa bawat hakbang ng pagyakap sa dayuhang AI nang walang matatag na pundasyon at gabay, isinusuko natin ang ating soberanya sa kaisipan kapalit ng isang pabalat-bungang pag-unlad. Sa halip na pagbuklurin ang mamamayan, nagiging sanhi pa ang AI ng pagkawatak-watak sapagkat ginagawa nitong dayuhan ang mga Pilipino sa sarili nitong wika. Sa pagkawala ng espasyo para sa malalim na pag-unawa sa sariling konteksto, hindi natin itinataas ang antas ng wikang Filipino kundi pinapatay natin ang mismong kaluluwa nito kapalit ng hiram at dayuhang talino.

Panahon na upang hamunin at panagutin ang KWF, DepED, at CHED: itigil ang bulag na promosyon sa AI at tiyaking mananatili lamang itong payak na kasangkapan. Sa halip na iasa sa mga institusyong ito ang mismong paghubog ng kaisipan, dapat ibalik ang kapangyarihan sa mga komunidad at akademya upang palakasin ang ating sariling ekosistema ng kaalaman—sa pamamagitan ng pagpapalalim sa kasanayan sa wika, malayang pagsusuri, at dekalidad na lokal na pananaliksik.

Sa mabilis na pag-ikot ng mundong pinapatakbo ng silicon at mga algoritmo, hindi natin dapat isuko ang ating wika at kaisipan; sapagkat sa sandaling ipamigay natin ang sariling utak sa teknolohiyang nagkukunwaring bayani, tuluyan na ring mawawalan ng saysay ang ating pagiging malayang bansa.

Mga Kamakailang Istorya