Kalinawan at katarungan ang sinisingil ng komunidad ng Ateneo sa naiulat na pagkasawi nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili ng Ateneo Men’s Basketball Team (AMBT) sa gitna ng team-building activity ng koponan sa Dipaculao, Aurora, kahapon, ika-8 ng Hunyo.

Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ng Pamantasang Ateneo de Manila kagabi hinggil sa pagkalunod ng dalawang atleta na agad umani ng simpatiya mula sa komunidad at panawagan para sa masusing imbestigasiyon.

Pinuna ng mga Atenista ang inilabas na pahayag ng pamantasan dahil sa umano’y “kakulangan ng detalye” tungkol sa pangyayari. Saad ng isang netizen, “The incident happened during a university organized team activity, so the circumstances should be fully investigated.” (Ang insidente ay naganap sa isang aktibidad na inorganisa ng pamantasan, kaya dapat mabigyan ng buong imbestigasyon ang pangyayari).

Samantala, iginiit ng Police Regional Office 3 na tinangay ng malalakas na alon ang dalawang habang lumalangoy. Base naman sa pinakabagong ulat, binigyang-diin nila na aksidente at wala umanong “foul play” ang naturang insidente.

Patuloy namang nananawagan ang komunidad ng Ateneo na masagot ang kanilang mga katanungan ukol sa totoong nangyari sa likod ng pagkalunod ng dalawang binata.

Matatandaang kararating lamang ni Baterbonia sa unibersidad apat na araw bago ang insidente, matapos ang mahusay na kampanya sa katatapos lamang na Palarong Pambansa 2026. Samantala, nasa ikalawang taon naman ng paglalaro si Adili bilang foreign student-athlete ng Ateneo mula Nigeria.

“Bakit napunta sa dagat?”

Sa sunod-sunod na facebook posts kaninang madaling araw, naging emosyonal ang ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia sa sinapit ng anak.

Aniya, hindi kumpleto ang detalyeng kanilang natanggap tungkol sa insidente maliban sa isang tawag at sa naging pahayag ng pamantasan sa social media kagabi na nagkumpirma sa pagkasawi ng 19-na taong atleta.

“Hanggang Ngayon Wala pa talagang benigay na Balita sa totoong nangyari at Kong na saan na Ang anak Kong c Rene Clert Baterbonia at bakit na umabot sa Ganon,” hayag ni Rovelyn. (Hanggang ngayon wala pa talagang binigay na balita patungkol sa totoong nangyari at kung nasaan ang anak kong si Rene Clert Baterbonia at bakit umabot sa ganon).

Kinikuwestiyon ng pamilya ni Baterbonia ang isinagawang ‘team-building’ at binigyang-diin na hindi naipagbigay-alam sa kanila ang bigat ng aktibidad at umano’y ‘training’ na ginagawa ng mga atleta.

“Asa ang hostiya Ani dli sundalo Akong anak basketball dapat ang trening sa court dapat dli sa dagat,” pagdadalamhati ng ina. (Nasaan ang hustisya? Hindi naman sundalo ang anak ko. Basketball player siya, dapat ang training niya ay sa court, dapat hindi sa dagat.)

Nanawagan naman ang pamilya sa publiko na iwasan ang pagpapakalat sa mga litrato ng rescue operation habang nananatili ang imbestigasiyon ng pulisya tungkol sa insidente.  

“Wala pa Akong authorisation na mag post kayo bakit pinang fistahan u na Ang anak ko Wala kayong respito sa Aming familya…” (Wala pa akong authorization na mag-post kayo. Bakit pinagpi-piyestahan niyo na ang anak ko? Wala kayong respeto sa aming pamilya).

Naglabas naman ng karagdagang pahayag ang Pamantasang Ateneo de Manila ngayong hapon tungkol sa patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa mga kaanak nina Bartemonia at Adili, ngunit nananatili itong walang malinaw na detalye ang insidente.

Mga Kamakailang Istorya