Inihandog ng Areté ang Subversive Lives, hango sa librong may parehong pamagat na kinapapalooban ng kalipunan ng mga alaala ng pamilyang Quimpo noong Batas Militar. Batay sa orihinal na panulat ng magkapatid na Susan at Nathan Gilbert Quimpo, isinabuhay sa entablado ang hamon sa pagtingin ng lipunan sa pakikibaka habang nagbabalik-tanaw sa pagdurusa ng pamilya sa ilalim ng diktaduryang Marcos.

Sa direksiyon ni Delphine Buencamino, dramaturhiya at libreto ni Sabrina Basilio, at komposisyon ni Jose Buencamino, hinamon ng dula ang anggulo kung paano tinitingnan ng lipunan ang aktibismo.  Ang paglingon sa kapayapaan mula sa paglayo sa kalsada ay isa pang hiwalay na uri ng pakikipagsapalaran. Para sa pamilyang Quimpo, hindi lamang sa lansangan nakabibingi ang sindak na dala ng pakikibaka, kundi pati sa walang tigil na alingawngaw ng pangamba at pag-aalala para sa sarili, mga kasama, at pamilya. 

Mga ugat ng subersibong búhay

Bago pa man ang dula, may munting pagkakakilala ako kay Nathan Quimpo bilang isang akademiko. Bilang mag-aaral sa ilalim ng agham pampulitika, nakapakinig ako ng isang panayam patungkol sa tinawag niyang cycles of corruption, at isa sa kaniyang mga akda patungkol sa demokrasya: ang konseptong tinatawag niyang contested democracy. Sa ideyang ito, tumatalima ang kanyang karakter sa dula na dumidiin sa pangangailangang tingnan ang demokrasya mula sa ibaba. 

Sa nosyon ni Nathan Quimpo, sumisilip ito sa ibaba na pinupuno ng mga buhay na tinatakan ng malupit na republikang subersibo. Nag-iiwan ang parehong akda na pinagmulan ng dula ng iisang hamon para sa parehong mambabasa at manonood: kung titingnan ang demokrasya mula sa anyo ng pagtaliwas at pakikibaka, bakit hindi tingnan ang pakikibaka kung mayroon itong pinag-uugatan pa? Nakauumay nang tanungin kung paano hinuhulma ng pakikibaka ang sistema, at ng sistema ang pakikibaka. 

Subersibong búhay mula sa pamilya

Bago sumiklab ang batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos, simpleng pamilya lamang ang mga Quimpo. Nag-umpisa ang pagsasadula sa pagpapakilala ni Susan (Rigel Hechanova) sa kaniyang pamilya at paglalahad din ng kanilang sari-sariling pagtutol sa inhustisya: mga anyo ng pakikibakang humantong sa tagpi-tagping anyo ng pagmamalupit. Sa una, malilimutang hango ang kuwento sa piksyon o telenobela sa pamamagitan ng makapritsong direksiyon ni Buencamino. Ngunit habang umuusad ang istorya, lumalabas ang mga paalala na isa itong naratibong hinabi ng pagmamahal ngunit nilatayan ng karahasan. 

Nakatutok ang magkakaibang porma ng pakikibaka ng bawat tauhan sa iisang direksiyong magpabago na nakatungtong sa rasong magpanatili. Isang nakaiintrigang tauhan si Ryan (Timothy Castillo). Ipinanganak siyang may polyo at naging manunulat at aktibista laban sa diktadurya. Sa paningin ng mga manonood at ng pamilya, siya ang pinakabulnerable dahil sa kaniyang kondisyon. Gayunpaman, nagpupumiglas siya sa kulungan ng kalagayan, sermon ng mga magulang, at opresyon ng administrasyon. 

Kaligtasan sa tahanan o tawag ng lansangan?

Sa bawat pagtatagisan ng tapang laban sa paghahanap ng militar sa mga raliyista, nagtutunggali rin ang pagiging mga anak ng mag-asawang Esperanza (Neomi Gonzales) at Ishamel Quimpo (Gino Ramirez) at pagiging anak ng bayan ng magkakapatid. Mayroong mga eksenang naiipit ang mga anak sa pagitan ng pagsunod ang tawag ng mga magulang na bumalik ng tahanan para manatiling ligtas, o ang makinig sa hiyaw ng mga kapwa aktibistang lumalaban sa diktadurya. Pero para sa magkapatid, nangingibabaw ang hangaring hindi kailanman magiging kaakibat ng kaligtasan ang kapayapaan.

Ang pagkalitong ito ay masasabing ipinaranas sa mga manonood ng katangi-tanging disenyo ng entablado na ipinamalas ni D Dotezano, disenyo ng tunog na likha ni Arvy Dimaculangan, at disenyo ng ilaw ni Jethro Nibaten, upang mahilo at magimbal ang mga manonood sa mga tagpo ng pangyayari. Pinalilibutan ng entablado ang hanay ng swivel chairs kung saan nakaantabay ang mga manonood sa magkabila at harap-likod na tagpo ng dula; mga karakter na lilitaw mula sa likod, relatibo kung saan nakatutok ang liwanag, at mga sigaw na manggagaling sa kabilang dulo ng kwadradong silid na nagpupumiglas upang magtawag-atensyon. 

Ang bawat kanto nito ang nagsisilbing karimarimarim na kulungang nagpapahirap sa mga nahuhuling aktibista, gaya nina Sonny (Jerom Canlas), isa sa mga magkakapatid na may akda, at Jan (Joshua Tayco), isa sa mga nawawalang Desaparacido. Habang nagiging saksi ang mga manonood sa pagpapahirap sa mga tauhan, sinasabayan ito ng mga nakagigimbal na tunog at yabag habang nakatutok ang ilaw sa mga mukhang nagmamakaawa. Kahit pumikit at umiwas ang mga manonood, bibingihin sila ng nakaririnding mga hiyaw at kalampag ng pagdurusa.

Sa presensya nito umuusbong ang iba’t ibang tanong at palaisipan. Sa kaliwa’t kanang mga bulyawang bumibingi sa lipunan, kaninong kuwento ang dapat pagbuntunan ng atensyon? Habang may mga pag-iyak, paghingi ng tulong, at pagmamakaawa sa hustisya, mananatili ka na lang bang nakaupo sa kanilang mga naghihikahos upang mabigyang-pansin? 

Pagtahan sa Pagkalinga ng Ina

Sinasabayan ng pag-aawitan ng pamilya at mga kasama sa pakikibaka ang mga pansamantalang pagtalima sa pakikipagsapalaran sa kalsada. Ang mga malamlam na kantahang ito ang nagsisilbing pagtahan mula sa mahahabang araw at pagtakbo sa kapahamakang dulot ng diktadurya. 

Maihahalintulad sa kantahang ito ang pagmamahal at pagpapatahan ng karakter ni Ezperanza, ang inang binigyang-buhay ng angking talento ni Neomi Gonzales. Kaakibat ng mapagmahal at maarugang karakter, kapansin-pansin kung paano siya kinulayan ng berdeng bestidang lumilitaw sa bawat eksena. Dikit kung umarte si Neomi na dumiin sa pisngi ng magkakapatid at sa puso ng mga manonood. Si Ezperanza at ang kaniyang berdeng bistida ang nagsilbing liwanag sa dilim; isang paalala kung bakit tayo naninindigan at may pinaglalaban. Tumatak ang mga yakap ni Esperanza sa bawat pahina ng mga alaala, at pinaramdam ito sa pagganap sa entablado ni Neomi.

“She died in that green dress; the same dress she wore during all our graduations.” (Namatay siyang suot ang berdeng bestida; ang parehong bestidang suot niya sa lahat ng aming pagtatapos.)

Saksi ang pagmamahal sa bawat yapak ng pakikibaka at yakap ng mga dahilan kung bakit tayo nakikibaka. Pagmamahal—para sa pamilya, sa sarili, sa bayan—ang ugat at hantungan ng paninindigan. Namatay si Esperanza nang nag-aalala sa kalagayan ng ng mga anak. Pinili niyang maging maaruga sa kalagitnaan ng pagmamalupit ng batas militar sa bawat sulok ng lipunan. Ang bawat haplos na minsang kumupkop sa mga pagod at paghihikahos pagkatapos ng maghapong pakikipaglaban para sa hustisya at kalayaan, at ang berdeng bestidang suot ng ina bago mamaalam, ay naging bangungot na gumigising kay Susan.

Ang pagtingin sa demokrasya nang sumisilip sa ibaba

Hindi sinusubukang manduro ng dula na mali ang tumalima. Bagkus, inihahayag nito ang mas mapanghamong diskurso kung paano hinuhulma ng pakikibaka ang buhay na kinasasandigan nito: ang pamilya, pagkakapatiran, adbokasiya, at higit sa lahat, kung paano umiikot ang personal na nagtutulak para sa isang tao na makibaka. Gayunding himayin ang mga aspektong personal na nagtataguyod kung bakit handa ang nakikibakang tumalima para labanan ang sistemang yumuyurak rito. 

Umiiral ang pilosopiya ng pakikibaka ng pamilyang Quimpo na nakaturo sa direksyong baguhin ang sistema, ngunit ipinalilimot ng parehong sistema na tingnan din ang mga pinanggagalingan ng silakbo ng pakikibaka. Madaling usisain ang patutunguhan ng aktibismo, ngunit habang pinalilibutan ito ng mga salik na humuhulma sa iba’t ibang uri ng pakikibaka, hindi tuluyang ganap ang pagkakaintindi sa totoong adhika ng demokrasya, maging sa lente ng kasaysayan o sa mata ng lipunan.

Mga Kamakailang Istorya