-15.png)
Nagsalita na sa publiko sa unang pagkakataon ang dalawang miyembro ng Ateneo Men’s Basketball Team (AMBT) na sina Kieffer Alas at Sam Reyes nitong Martes, ika-16 ng Hunyo, hinggil sa pagkasawi ng mga kapwa manlalaro na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang “team-building” kamakailan.
Binalikan nina Alas at Reyes sa bagong episode ng Let’s Talk with Pia Hontiveros podcast ang kabuuang insidente na inilarawan nila bilang isang karanasan na nagbigay ng trauma at hindi inaasahang trahedya na kinasangkutan ng buong koponan.
Ayon sa kanilang salaysay, nagsimula ang insidente sa dapat sana’y 10-minutong shore walking activity, kung saan sama-sama silang maglalakad nang nakapila mula sa dalampasigan hanggang sa mas malayong parte ng dagat batay sa kakayahan nilang lumangoy.
Hindi lalagpas sa isang minuto matapos simulan ang pagsasanay, nauna umanong natangay ng malaking alon ang kanilang miyembro na si Kyle Gambler, ngunit isinawalang-bahala ng mga kasamahan ang paghingi nito ng tulong matapos akalaing nagbibiro ang binata.
“On the second wave, our one teammate [Kyle Gambler] started screaming for help…the weird thing nga po was we were all laughing kasi we thought na he was joking,” hayag ni Alas. (Sa ikalawang alon, yung isa naming kasamahan ay sumisigaw na ng tulong. Nagtawanan pa po kami kasi akala namin nagbibiro siya).
Subalit, matapos ang tatlong sunod-sunod na hagupit ng alon, tuluyan nang nabuwag ang kanilang linya at doon na sila nakaramdam ng takot at pangamba.
“All of us were panicking na po and we didn't know what to do. Parang nag-scatter po kami in the water,” saad ni Reyes. (Lahat po kami ay nataranta na kasi hindi namin alam ang gagawin. Nagkawatak-watak po kami sa tubig).
“I really don’t know how to swim po. I was gonna accept na that mawawala na po ako,” dagdag ni Alas. (Hindi po talaga ako marunong lumangoy. Tinatanggap ko na po na mawawala na po ako).
Lumalabas na natangay ng malalakas na alon ang mga manlalaro at sila-sila mismo ang nagtulungan upang makaahon dahil sa kakulangan ng mga lifeguard sa pinangyarihan ng team-building.
“It was us who carried him [Baterbonia] out of the water, not the first responders. They were just spectating, they were just watching us,” saad ni Reyes. (Kami po ang bumuhat sa kaniya paalis sa tubig, hindi ang mga first responders. Nakatingin lang po sila, nanonood).
Kinumpirma ng dalawa na matapos ang halos 30 minuto, unang natagpuan ang katawan ni Baterbonia na agad dinala ng ambulansya sa pinakamalapit na ospital.
Samantala, sa mismong pag-alis ng ambulansya ay sumunod ding nahanap si Adili na may pulso pa umano sa mga oras na iyon at nabigyan pa ng paunang lunas bago tuluyan nang dalhin ng police car sa ospital.
Aksidente o Foul Play?
Sa gitna ng ingay sa social media matapos ang kontrobersiya, direktang pinabulaanan ng dalawang atleta ang mga espekulasyon tungkol sa posibleng “hazing” o “initiation rites” sa kanilang isinagawang team-building, kung saan iginiit nilang tanging paghubog lamang sa kanilang samahan ang naging layunin nito.
Nilinaw din nina Alas at Reyes na walang nakasabit na anumang pabigat sa kanilang katawan at ang pinaghihinalaang weights na hawak ng AMBT Head Coach na si Tab Baldwin sa kumakalat na litrato ng insidente ay isang drone controller.
Kaugnay nito, nagbigay sila ng kasiguraduhan na wala nang iba pang kasamahan ang nasa kritikal na kondisyon at ipinanawagan ang pagpapatigil sa mga haka-haka at pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon sa social media.
Samantala, emosyonal na inihayag ng dalawa ang trauma na kanilang natamo mula sa pagkasawi ng kanilang mga kasapi at patuloy na pambabatikos ng publiko nang matanong tungkol sa kanilang naging katahimikan noong mga nakaraang araw.
“Sobrang sakit po kasi na nabuhay nga po kami, pero pinapatay naman po kami...some of us, we get death threats,” hayag ni Reyes. (Sobrang sakit po kasi na nabuhay nga po kami, pero pinapatay naman po kami. Yung iba sa amin, nakatatanggap po ng mga pagbabanta sa buhay).
Dagdag dito, ipinaliwanag nila na walang gag order na ibinababa ang Pamantasang Ateneo de Manila ngunit hindi rin sila hinikayat ng mga pamunuan nito na magsalita habang isinasagawa ang umano’y fact-finding.
“The first two days, it was hard for us to talk about it. Nong sumusunod na araw, we thought we have to wait for the fact-finding and that is why we waited,” dagdag ni Reyes. (Sa unang dalawang araw, naging mahirap sa amin na magsalita tungkol doon. Noong sumusunod na araw, akala namin kailangan naming maghintay sa imbestigasyon, kaya naghintay po kami).
Patuloy na nangungulila ang mga kasapi ng AMBT at komunidad ng Ateneo sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili, habang nagkakaisang sinisingil ng pananagutan ang administrasyong Ateneo upang tuluyang matuldukan ang kontrobersiya at mga akusasyon.
Matatandaang isa si Alas sa tatlong bagong recruit ng AMBT kasama si Baterbonia habang nasa ikalawang taon naman na ni Reyes sa koponan.

-11.png)
-10.png)
.png)
(1).png)
-8.png)
-7.png)
.png)
.png)
-6.png)





.png)
-11.png)
.png)