.png)
#BalitangLawin I KINONDENA ng Photojournalists’ Center of the Philippines (PCP) ang insidente ng panghaharas laban sa dalawang photojournalist sa gitna ng protesta ng mga multisektoral na grupo noong Miyerkules, ika-22 ng Hulyo, kaugnay ng ASEAN Foreign Ministers’ Meeting.
Sa gitna ng pag-aresto sa mga raliyista, pinigilan na kumuha ng litrato ang freelance photojournalist na si Bullit Marquez at Manila Times photo editor Rene Dilan.
Dagdag dito, tinangka ring arestuhin at posasan si Marquez na pinalaya lamang matapos magsalita ang ibang kasapi ng midya tungkol sa insidente.
“Hinihila ako tapos paghila sa akin, bumagsak yung camera ko… tapos pagkapulot ko nang ganoon, inaaresto na ako at balak daw akong posasan,” ani Marquez sa panayam ng DZRH News.
Iginiit ng PCP na tungkulin ng mga mamamahayag ang paghahatid ng mga ulat sa publiko at karapatan nila ang malaya at ligtas na pamamahayag.
"Any act by law enforcement that prevents members of the press from documenting public assemblies undermines press freedom… The safety and independence of journalists must be respected at all times," saad ng PCP.
Nanawagan din ang samahan sa mga awtoridad na imbestigahan ang naturang insidente at panagutin ang mga sangkot na opisyal ng pulisya upang maitaguyod ang kanilang karapatan nang naaayon sa mga karampatang batas at pamantayan.
Samantala, nilinaw naman ng Pasay City Police Station na hindi agarang nakilala ng mga pulis si Marquez bilang miyembro ng midya sa kabila ng suot nitong press ID at hawak na malaking camera, ngunit agad din naman siyang pinalaya nang mapag-alaman ang pagkakakilanlan.
Nauna namang pinabulaanan ni Philippine National Police Chief Gen. Jose Melencio Nartatez ang panghaharas at idiniin na “no-rally zone” ang pinangyarihan ng insidente kung kaya’t kinailangang magsagawa ng paghihigpit ang mga pulis.
Sa kabila nito, nangako si Nartatez na isasailalim sa imbestigasyon ang naturang insidenteng kinasangkutan ng kapulisan at mga miyembro ng midya.

.png)
.png)
-13.png)
.png)
.png)
-12.png)
-11.png)
-10.png)
.png)
.png)




-9.png)
.png)
-15.png)