.png)
“Welcome to the main stage of Drag Race Philippines…”
Kung ganito sana ang bungad sa bawat baklang iniluwal ng kanilang Mamwa Pao, o iminulat sa mundo ni Rupaul, edi sana walang baklang nilulugmok ng mundong puno ng mga warla.
Werkroom Entrance: Bata, Bata, Bakit Ka Bakla?
“Hi, hunties. It’s Vicky… and I am the esoteric bratz doll ng…”
Si Arturo Bahaghari, na noo’y naglalaro lamang ng Chinese Garter, My Model 1-2-3, at Dress Up sa Friv o Dress to Impress sa Roblox, ay unti-unting umusbong ang tinig ng pagkatao. Sa bawat talon, pose, at kendeng, may lihim na nagsasabing: “Ito ako.” Ang paglalaro ang kaniyang naging unang entablado.
Sa mga kalsada at Miss Gay sa kanto, o kahit sa loob ng naka-lock na kuwarto, unang natutuhan ng batang baklang draga ang sining ng pagtatanghal at pagpapakatotoo; ang tapang na magpanggap bilang artista, prinsesa, o superhero kahit pa maging tampulan ng tukso. Ang bawat palakpak at pang-aasar ay para bang judging panel ng buhay—minsan, winner of this week’s challenge, ngunit madalas, Porkchop. Kahit ilan pang pagkabigo, iju-Jujubee lamang ang buhay hanggang makamtan ang trono. Mula sa madilim na kuwarto ni Arturo, siya na’y papasok sa werkroom upang ibahagi si Vicky Bayo.
Snatch Elections: Lenlen Robberdon’t
“You, queens, will be serving the ultimate comedy challenge: Politics!” Handa nang makipag-fight si Vicky nang i-ruveal ni Mamwa Pao ang Maxi Challenge: ang Snatch Elections. Kabi-kabila ang bulungan at hagikgik ng kweens—may ibinida si Lisa Manoban, Lynn from Las Vegas, at hindi nagpakabog ang ating Filipina winnah. Ipinakilala ni Vicky si Lenlen Robberdon’t upang i-channel ang kaniyang inner mother sa maruming politika ng Pilipenis.
Sa mahabang panahon, itinuturing ang kabaklaan bilang katatawanan nang hindi napagtatantong ang totoong sirkus ay nasa Senado. Pinuna ni Lenlen Robberdon’t ang magkapatid na Tulfopak, mag-asawang Cayetanga, kabit ni Du30, at mga artistang akala mo’y nagshu-shooting sa plenaryo. Ipinapakita ng kaniyang campaign video na mas makabuluhan ang ambag ng Kabog Royale dahil naging plataporma ito upang bigyan ng mukha ang kabaklaan—makilala sila hindi bilang katatawanan kundi simbolo ng pag-angkin sa katauhan.
Maging si Lenlen Robberdon’t, Gold Deluxe, o Khianna man ito, ang pagkasubersibo ng draga ay inilalahad sa tahasang pagbali ng naaayon. Binubura nito ang pamantayan ng kasarian, ipinagdiriwang ang kalayaan, identidad, at paglaban gamit ang camp at humor, at binabawi ang kapangyarihan mula sa patriyarkal na lipunan upang angkinin ang kanilang boses at lugar.
Runway Eleganza: Toot or Boot sa Kloseta
“Category is: Paglalantad at pag-aangkin”
“The queens will serve glitters, realness, and authenticity in today’s runway. First up…” Lumabas si Vicky at inilawan ang kaniyang mermaid gown extravaganza. Hindi na siya isang karakter. “Ito ang tunay kong anyo. Mamwa Pao, better be gagged,” ani Vicky sa confessionals.
Habang bumabagtas sa runway, inaalis niya ang sapin-saping tela upang i-ruveal ang kaniyang tunay na balat. Una, tinanggal niya ang kapa ng masc4masc conformity. Pagkatapos, ang corset ng diskriminasyon. At huli, ang tights of unequal rights. Ang mga lente ng kamera ay tila mga mata ng lipunang minsan ay humusga, ngunit ngayon ay saksi sa kaniyang paglaya.
Ang draga, para kay Vicky, ay hindi lamang sining ng pagbabalatkayo. Ito ay pagbabalik sa sarili. Sa likod ng glitteraka at lashes, ng corseta at contour, naroon ang pusong baklang sumisigaw ng kaniyang katotohanan: ang pagiging ikaw ay sapat na. Sa bawat twirl at death drop, binabasag nito ang konseptong sayang ang angking talino, kakayahan, at ganda dahil lamang bakla ka. Kaya’t sa kaniyang pag-strut sa runway, patuloy na binubura ni Vicky ang kaisipang kailangang maging “higit pa” dahil bakla ka, na kailangang magpanggap upang matanggap.
Dapat Pakak!
“The time has come… for you to lip sync… FOR. YOUR. LIFE.” Na-shooketh si Vicky nang ma-bottomesa siya ngayong episode—akala niya’y na-uplift niya ang komunidad sa Lenlen Robberdon’t at mermaid gown eleganza. Walang echos-echos ay kinalaban niya si Kifayla, ang beteranang draga ng O-bar mula sa panahon ng Kimpamparahizabira.
Ako’y isang sirena… Dahan-dahan niyang winasiwas ang kaniyang dress of liberation, nag-ruveal, at umindayog sa ritmo ng “Sirena” habang nagde-death drop si Kifayla. Kahit anong sabihin nila ako ay ubod ng ganda… Malinis at emosyonal ang paggalaw ni Vicky, nagbabalik-tanaw sa bawat paglapat ng sinturon at masakit na salitang binitawan ng kaniyang magulang. Kahit bilang Arturo Bahaghari pa lamang, alam niyang siya’y isang sirena. Minsan si RuPaul, madalas si Mamwa Pao, o si Maxie kapag bumibirit.
Ako’y isang sirena… Hindi pinipili ang kabaklaan. Walang sinuman ang gugustuhin magulpi, pangalanan, at ibukod sa nakararami. Ang kabaklaan ay pagkakakilanlan, at kailanman hindi dapat kinukuwestiyon ng bakit at paano. Kahit anong gawin nila bandera ko’y ‘di tutumba… Sabay iwinagayway ni Vicky ang banderang bahaghari ang pinta—ipinagdiriwang ang iba’t ibang kulay at laban.
“I have made my decision… Vicky… Condragulations!”
At ito ang pagdadalaga ni Arturo Bahaghari patungo kay Vicky Bayot. Manalo o matalo, alam niyang ang paglabas ay patuloy na protesta. Hangga’t ang lipunan ay nananatiling bingi sa sigaw ng pagkakapantay-pantay, mananatiling sandata ang glitteraka, heels, at draga ng sangkabaklaan sa napag-iiwanan na lipunan.
Ikaw, handa ka na rin bang makipag-lip sync for your life?

.png)
-13.png)
.png)
-12.png)
-11.png)
-10.png)
.png)
.png)
(1).png)
-8.png)




.png)
.png)
.png)