.png)
Unang Tahanan — 4:00 AM
Gising.
Panganay muna.
Baon. Damit. Hatid sa school bus.
Balik sa bahay.
Bunso naman.
Baon. Damit. Sabay mag-almusal.
Isa lamang si Propesor Annelle Sabanal sa mga guro ng bayan na ilang oras nang ginagampanan ang pagiging ina bago pa man magsimula ang kaniyang araw bilang guro ng Teolohiya sa Ateneo. ‘Di bale nang dalawa o tatlong oras lamang ang tulog dahil bilang isang solong ina, kailangan munang maasikaso ang kaniyang sariling tahanan bago siya tumungo sa ikalawa.
Papunta sa Ikalawang Tahanan — Umaga
Maneho papunta sa eskuwelahan ni bunso.
Pagkatapos, diretso naman sa Ateneo upang magturo.
Humagupit ang ulan.
Ilang sandali, nag-anunsyo ang Quezon City ng suspensyon. Ang Ateneo? Wala pang abiso.
Sa pagkakataong ito, nagbanggaan ang kaniyang tungkulin bilang guro at ina. Habang nagmamaneho patungong Ateneo para magturo, kailangan niyang makipag-ugnayan sa isang kaibigan upang ipasundo ang kaniyang dalawang anak. Magkaiba kasi ang rutang kaniyang dadaanan at maaari siyang mahuli sa klase. Kasabay ng biyahe, bumabaha rin ang mga mensahe mula sa mga estudyanteng humihingi ng konsiderasyon habang wala pang binababang abiso ang Ateneo. Kung tutuusin, kalkulado ang kaniyang pangkaraniwang araw—pagkatapos asikasuhin ang kaniyang mga anak, mga estudyante niya naman. Ngunit sa araw na ito, lubusang nagulo ang kaniyang iskedyul dahil sa huling pag-anunsyo ng suspensyon.
Hindi niya maiwasang mainis at madismaya. Sana, mas maaga pa ibinaba ang suspensyon. Sa huling anunsyo, napupunta sa kaguruan ang bigat ng pag-aayos mula sa kanilang iskedyul hanggang sa modalidad ng klase. Bilang guro, alam niyang bawat desisyon ay may kaakibat na epekto sa kaniyang mga estudyante, kaya kailangang pag-isipan nang mabuti kung paano tutugon sa kanilang pangangailangan. Sa huli, siya at ang buong kaguruan ang napipilitang plantsahin ang gusot na hindi naman nila pakana. Hindi ito limitado sa usapin ng maling oras pag-anunsyo. Sa dalawang antas ng edukasyon, magkaiba man ang may hawak ng desisyon, sa iisang tao bumabagsak ang bigat: sa guro.
Ikalawang Tahanan — 11:00 AM
Pababa pa lang ng kotse, nag-anunsyo ang Ateneo: alternative learning modality.
Pero alas dose y medya pa.
Katatapos lang niyang magmaneho mula C.P. Garcia, kung saan doble ang inabot ng biyahe dahil sa trapik. Tumungo sa klasrum. May kaunting naroon—ang iba, nasa daan; ang iba, nawalan ng kuryente.
Maraming kailangan timbangin. Kung online class, hindi kaya. Kung face-to-face, mas lalong hindi kaya. Hindi naman kasi nawawala ang responsibilidad kapag nagulo ang iskedyul. Ang nawawala ay ang oras upang maisakatuparan ito, at para sa katulad niyang may dalawang tahanang umaasa, panibagong bagay na kailangang pagkasyahin ang bawat minutong nababawas.
Dito pumapasok ang tanong na hindi sinasagot ng anumang memorandum: kapag hindi pa sapat ang bagyo upang maging dahilan na huminto ang klase, at ang pinili ay paglipat sa online modality, para kanino ang pagpapatuloy? Para sa estudyante ba, o para sa timeline na kinakailangang sundan at habulin? May syllabus ang unibersidad na kailangang sundan at tuparin, at may mga patakaran ang CHED at DepEd na nagbibigay-daan sa alternative learning modality. Ngunit, walang pagkilala sa oras na ginugugol ng guro sa pagsagot ng mensahe at pagtugon sa problema ng mga estudyante sa labas ng silid-aralan. Kapag hindi kasama sa kuwenta ang mga dapat gawin ng isang guro, ang kaniyang pahinga ang unang natatanggal.
Pabalik sa Unang Tahanan — 2:00 PM
Pauwi na.
Hindi naman niya inakalang StarStruck ang araw na ito.
Kinareer ang dream, believe, at survive nang walang commercial break.
Pag-uwi, kailangan pa ring tumugon sa pagtsek ng papel, paglathala ng pananaliksik, at mga suliranin ng kaniyang mga estudyante. Sa kabila nito, may dahilan kung bakit patuloy siyang bumabalik sa pagtuturo. Sa hindi inaasahang pagkakataon, makikita niyang muli ang ilan sa mga estudyanteng ngayon ay mga abogado, doktor, inhinyero, at iba pa. Marahil dito umuugat ang pagtuturo bilang bokasyon. Sa bawat araw ng paggawa, may hinuhubog na hindi agad nakikita, at may layuning lumalampas sa sarili.
Subalit, ang pagiging bokasyon ng pagtuturo ay hindi nangangahulugang walang hanggan ang maaaring hingin sa guro. Hindi dapat gamitin ang bokasyon upang gawing normal ang patuloy na pagpapatong ng trabaho, oras, at sakripisyo. Sapagkat sa bawat oras na hinihingi sa kaniya ng sistema, may oras ding kailangang ilaan sa tahanang naghihintay sa kaniya.
Unang Tahanan — Hapon
Dahil natapos nang alas-dos ang klase, siya na ang sasalubong kay bunso. Hindi ito tulad ng mga araw na inaabot siya ng alas-singko o alas-sais, kung kailan ang bata mismo ang natutong magpasundo ng tricycle at kausapin ang guard kapag may problema. Ngayong araw, may nanay na naghihintay sa pintuan. Maya-maya, dumating na rin si Kuya. Mula sa sandaling ‘yon, ang oras niya ay hindi na sa kaniya.
Nasa mesa ang takdang-aralin sa asignaturang Filipino at English. Nauunawaan ni bunso ang mundo sa sarili niyang paraan, at ang gawain ng ina ay hanapin ang tulay sa pagitan ng paraang iyon at ng mga salitang nakasulat sa pahina; dahan-dahan, isang pangungusap sa bawat pagkakataon . Sa kusina, nagbabantay ng sinaing si Kuya at naghuhugas na rin ng pinggan. Maliit na bagay lamang ito para sa iba, pero para sa kanya, ito ang unang pagkakataong may kasama siya sa pag-aalaga ng tahanan, bagaman kinakailangan pa rin ng gabay. Walang kasambahay, at iisa lang ang kita ng pamilya, kaya siya rin ang nagluluto, nag-aayos ng baon at damit, at naghahanda ng mga ipapasuot at ibabaon kinabukasan. Isang kamay sa kawali, isang kamay sa bolpen, habang binabantayan ang bunso.
Unang Tahanan — 10:00 PM
Tulog na ang dalawa. Tahimik na ang bahay.
Kahuhulog pa lang ng dilim, pero doon pa lamang sumisikat ang araw niya. Imbis na ito ay pahinga, kailangan pang tugunan ang pagtsek ng mga papel, pagsusulat ng pananaliksik, at mga suliranin ng kaniyang mga estudyante. Sa unibersidad, hindi sapat ang pagtuturo, kinakailangan ding may mga awtput, dahil isa ito sa mga sinusukat taon-taon mula sa kanila.
Ganito ang takbo ng kaniyang araw sa dalawang tahanan, ngunit, mainam na alalahanin na hindi dapat ito ang maging nakasanayan at “normal.” Hindi dapat maging pribilehiyo ang pagtuon sa sariling kapakanan. Hindi lamang siya ina at guro, isa rin siyang taong may katawang napapagod, may pangarap na higit sa loob ng unibersidad, at may karapatang magpahinga nang hindi kinakailangang humingi ng pahintulot sa orasan.
Hindi na bago ang ganitong umaga. Bawat bagyo, may huling abiso, magkakaibang mensahe, at suspensyong napapalitan lang palagi ng online class. At bawat bagyo, naiiwan ang guro na sumalo ng lahat. Kaya’t panahon na upang magtanong ang LGU, DepEd, at CHED: Paano kung mas maaga ang abiso, iisa ang mensahe, at ang suspensyon ay tunay na suspensyon? Hindi ito malaking pagbabago, pero para sa mga gurong may inaalagaang tahanan sa labas ng klasrum, tiyak na malaking ginhawa ito.
Ngunit mahalagang tandaan na hindi lamang ang mga ito ang problema. Bahagi nito ang sistemang sumusukat sa isang guro katulad ng output: mga papel na nailathala, kumperensyang dinaluhan, at mga tungkuling lampas sa klasrum, na lahat ay kailangan niyang tapusin sa mga oras na wala nang nagbibilang. Bahagi rin nito ang kakapusan ng lakas-paggawa sa kaguruan, kaya’t iisang tao ang nagiging tagapagturo, tagapayo, at tagapakinig nang sabay-sabay, at ang pahinga, maging sa bakasyon, ay maituturing na luho. At higit sa lahat, ang kulturang pumupuri sa sakripisyo ng mga guro tuwing World Teacher’s Day, subalit bihirang tinatanong kung bakit kinakailangan ang ganitong pagsasakripisyo.
Totoong bokasyon ang pagtuturo, ngunit kung ang bokasyon ang patuloy na nagsisilbing dahilan upang hindi na hanapan ng solusyon ang pagod, nagiging katwiran ito upang gawing normal ang mga kakulangan sa ating sistema. Sa ganitong kultura, palaging nauuna ang pagiging guro bago ang pagiging tao.
Kaya ano nga ba ang nararapat na tugon dito? Para sa mga institusyon: kilalanin at isama sa kuwenta ng trabaho ang oras na ginugugol ng guro sa labas ng klasrum, at hayaang maging bahagi ng pagtatasa ang pahinga. Para naman sa pangkalahatan: oras na para iwasan gawing sukat ang pagod sa pagiging produktibo at lebel ng husay ng isang tao. Hindi tayo humihingi ng malaking pagbabago, kundi tumatanggi lamang tayo na ituring na normal ang isang buhay na wala nang lugar sa pagiging tao.
Unang Tahanan — 4:00 AM
Gising.
Panganay muna.

.png)
%20(2).png)
.png)
.png)
.png)
.png)
.png)
-13.png)
.png)
.png)




%20(1)%20(1).png)
.png)
.png)