Maaring mapatalsik si Jedryc Romero mula sa pagiging Pangulo ng Sanggunian dahil sa gross neglect of duty at mismanagement, inefficiency, or incompetence sa ilalim ng 2026 Amended Undergraduate Constitution, batay sa inilabas na imbestigasyon ng Ateneo Office of Ombudsman ngayong Huwebes, ika-19 ng Nobyembre.

‍

Batay sa mga isinampang reklamo ng tanggapan, nagdulot ang matagal na pagkawala ni Romero sa mga pagkaantala sa koordinasyon, kawalan ng direksyon, at mgasuliranin sa operasyon ng iba’t ibang yunit ng Sanggunian, na nagresulta sa pagsalo ng Bise Presidente at Chief of Staff sa ilang gampanin nito.

Matatandaang inanunsyo ni Romero noong ika-31 ng Hulyo ang kaniyang pagliban sa puwesto mula ika-5 ng Agosto hanggang ika-2 ng Setyembre. Gayunman, batay sa mga salaysay na nakalap ng tanggapan, noong ika-7 ng Setyembre ang huling nailathalang pakikipag-ugnayan ni Romero sa Sanggunian.

‍

Bilang tugon, iminungkahi ng Ombudsman na galugarin muna ang iba pang administratibong remedyo bago magsagawa ng karagdagang legal na hakbang. Kabilang dito ang paglilinaw sa iniulat na pag-apruba sa Academic Leave of Absence ni Romero, na hindi ganap na napatunayan ng tanggapan dahil sa mga university privacy policies.

‍

Noong ika-6 ng Nobyembre, inatasan ng Tanggapan si Romero na magsumite ng counter-affidavit sa loob ng tatlong araw mula sa tanggapan ng kautusan, ngunit wala pang natanggap na tugon mula sa kaniya ang Tanggapan hanggang sa paglalathala ng ulat.

Samantala, hindi sumang-ayon si Prosecutor Johan Tan sa pagpapaliban ng mga prosesong konstitusyonal, na aniya’y hiwalay ang pananagutan ni Romero bilang pangulo ng Sanggunian sa kaniyang katayuan bilang estudyante.

Binigyang-diin din naman ng Tanggapan na “walang sinumang nanunungkulan sa Sanggunian ang ligtas sa pananagutan,” upang ipaalala ang tungkuling ipinagkatiwala ng mga mag-aaral sa mga lider-estudyante ng pamantasan.

‍

Nananatiling nakabinbin ang imbestigasyon habang hinihintay ang mga susunod na hakbang kaugnay ng kaso.

‍

Mga Kamakailang Istorya