“Happy pride month,” bungad na pagbati ko sa kaibigan na si Violet pagkagising na pagkagising ko sa unang araw ng Hunyo, “Tandaan palagi: ang kabaklaan ay isang uri ng pakikibaka.”

“Pulitikal ang pagiging bakla,” pagdiin ko.

“Hindi naman dapat,” tugon niya sa’kin, “Pero kailangang maging pulitikal ang kabaklaan.”

Hindi na naman bago sa’kin ang nosyong, “The personal is political,” pero nitigilan ako sa pagsusulat ng itutugon sa sinabi ni Violet at nag-isip: Hindi ba dapat selebrasyon lang ang Pride?

Bilang isang batang kinimkim ang angking kulay sa pamilya, natakot ako’t nawalan ng kumpyansa na iwagayway ang bandilang bahaghari sa mga kalsada. Lumaki akong itinatak sa’kin na bilang batang hindi matikas at hindi naman katalinuhan, malimit akong magtanong ng mga bagay na nakapupukaw ng atensiyon ko para makilala ang sarili, at ang iba’t ibang kulay na nagbibigay-buhay sa mundong ginagalawan ng batang baklitang ako. Bakit asul ang langit? Bakit dilaw ang araw? Bakit parang sinusundan ako ng buwan kapag naglalakad ako mag-isa sa gabi, at bakit minsan ay may shift siya kahit hindi naman gabi kasama ang araw?

Kasabay ng aking paglaki, ang paglaki rin ng mga katanungang bumabagabag sa isip ko. Habang tumitingkad ang kulay ng mundo, nagiging mas malinaw sa akin kung anong gampanin ko rito: Ang mag-usisa pa at bumusisi ng mas marami pang tanong gaya ng “Bakit kailangang maging isa ako sa kagaya nilang mga bakla?”

Daynamiko ang pagtanda, lalo na para sa isang bakla. Habang parami nang parami ang kaniyang nalalaman, pabigat din nang pabigat ang kaniyang responsibilidad na makialam. Gayunpaman, naging salungat ang nangyari sa akin: habang parami nang parami ang aking nalalaman, mas nilalamon ako ng takot ko sa lipunan. Ang mga katanungan ko’y naging pasibong pag-amba sa sistemang tinatakot akong bumaba sa kinalalagyan kong kahon at umusisa pa ng mas marami pang mga tanong.

Naging kapalit ng aking katahimikan ang pagiging mapagmatyag na nagresulta sa panonood ko ng mga Pride Parades mula sa aking bintana. Mula sa mataas na bintanang ito, nakita ko ang makukulay na kasuotang pinayayabong ng kumpyansa sa sarili, at mga mukhang pinahiran ng matatamis na ngiti, kasama ang matitingkad na pinturang tinatakpan ang mga pasáng galing sa pambubugbog ng mga pamilyang produkto ng konserbatibong lipunan. Mula sa bintanang ito, sumasalamin sa akin ang makukulay nilang kuwento, habang pinipintahan nila ng mga ngiting kasinglapad ng mga bahagharing watawat na pinaaabot nila hanggang langit.

Nagsisilbing inosente at maamong mensahe sa lipunan na ang mundo’y kinukulayan ng iba’t ibang tinta ng bahaghari, at hindi lamang nahahati sa matikas na klase ng asul at mapusyaw na uri ng pula. Gayunpaman, mayroong kaakibat na bagyo’t panganib ang bahaghari na mas malaki pa sa sarili nito. Imbis na maging senyales ng pagtatapos ng delubyo, bahaghari mismo ang lumalaban dito.

Mula sa parehong bintana, tumingala ako’t nagulantang sa mga realidad ng lipunan na pilit nilalabanan ng mga bakla. Sa kanilang pagmartsa, ang makukulay nilang mga mukha na may pito o higit pang mga kulay ay plit na tinatakpan ng purong pula. Unti-unting napapalitan ng mga nakapangingilabot na sigawan ang mga nakahahawa nilang mga tawanan. Ang kanilang mga umiindayog na sayawan, nauuwi sa takbuhan. Kasabay ng mga panggigipit na ito, binibingi pa sila ng mga taong nakaputi na humihiyaw sa mga mikropono upang magdikta sa kanila na ang martsang ito ay patungo lamang sa impyerno.

Subalit, sa gitna ng kaguluhan, nananatiling namamayagpag ang kulay ng mga bahaghari sa mga kalsada, tinatanglawan ang mga kaluluwang kinokondena at ikinukulong sa maliliit na espasyo sa lipunan. Impyerno sa lupa kung maituturing ang mga ito: mga pamilyang mapang-abuso, mga mapang-usig na samahang panrelihiyon, at mga aparador sa mga kwartong pinalilibutan ng pangamba mula sa pang-uusig dahil ‘di umano, marumi  at makasalanan ang pagiging iba sa kanila.

Habang patagal nang patagal, napagtanto kong hindi dapat pawang telebisyon ang turing ko sa bintanang ito. Ang bintanang kumakahon sa’kin ay testamento ng kalagayan ko sa lipunan na siyang nagdulot sa akin upang makita ang realidad nito. Isang mundong kinukulayan ng iba’t ibang kuwento, hindi lamang galing at para sa mga bakla, kundi para sa lahat ng mga nasasadlak.

Tinataglay ng bakla, kumpara sa lahat ng nagagapi, ang salamin na kayang umusisa sa mga usaping panlipunang mas malaki pa sa sarili niya. Mula sa pagiging saksi, natakot ako na baka masilaw ako sa taglay na liwanag ng bahaghari. Ang takot ko ay nagsilbing pananggalang sa pribilehiyong manatili sa bintanang kinalalagyan ko. Samantalang ang iba, parehong takot ang gamit  upang lumaban, magmartsa, at humiyaw para sa mga parehong paninindigang pinanghahawakan ko bilang tao, higit pa sa pagiging bakla. Ang bahagharing iwinawagayway nila ay higit pa sa liwanag, ito ay lenteng nagtataglay ng mabigat na responsibilidad na maging mapagmasid sa kawalan ng hustisyang nananaig sa matagal nang panahon.

Tuwing kailan nagiging responsibilidad ang pakikibaka? Kung takot ko ang sandigan ng pribilehiyong kinatatayuan ko at ang parehong takot ng iba ang ginagamit para magprotesta, siya ngang ang pagiging bakla ay pakikibaka. At hangga’t hindi ako kumakawala, hindi ako magiging tunay na malaya; walang magiging tunay na malaya hanggang mananatili ang isang kagaya ko sa bintana.

Mga Kamakailang Istorya