-12.png)
Isang paalala ang mainit na mga kaganapan sa Senado nitong mga nagdaang linggo na ang pinakamatinding banta sa ating demokrasya ngayon ay hindi nagmumula sa labas ng bansa.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-128 anibersaryo ng ating kasarinlan mula sa kamay ng mga dayuhan, tila ba wala tayong natutuhan sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng sambayanan. Bagaman matagal nang nawala ang mga mananakop na banyaga, nananatili pa rin ang makabagong anyo ng pang-aalipin sa pamamagitan ng mga dinastiyang politikal, korapsyon, at pamahalaang inuuna ang kapangyarihan kaysa kapakanan ng mamamayan.
Ang mga institusyong dapat nagsisilbi sa taumbayan ay nagiging sentro ng bangayan, pamumulitika, at pansariling interes. Sa mga nakaraang araw, naging isang teleserye ang Senado—mas puno ng drama kaysa tunay na paglilingkod. Sa halip na isulong ang mga batas na tutugon sa suliranin ng bansa, nagiging entablado ito ng mga personalidad at angkang paulit-ulit na nananatili sa kapangyarihan. Kung noon ay mga dayuhan ang bumibihag sa ating kalayaan, ngayon ay mga kapwa Pilipinong nakakapit sa kapangyarihan ang patuloy na nagkakait nito sa sambayanan.
May mga senador na mas pinipiling mag-live stream sa Facebook kaysa dumalo sa mga sesyon, gaya ni Facebook rising star Alan Peter Cayetano. Mayroon ding todo-arte upang makakuha ng simpatiya at atensiyon ng publiko—best actress award goes to Pia Cayetano. Hindi na rin bago sa taumbayan ang gasgas na eksena kung saan bigla na lamang nagkakasakit ang ilang opisyal tuwing may pagdinig o kasong kinahaharap. Jinggoy Estrada, sa dinami-rami ng pera mo, hindi ka man lang makahanap ng doktor na manggagamot sa kasukasuan mo? Nakasasawa nang panoorin ang tila iisang istorya: sa tuwing kinakailangang humarap sa pananagutan, saka lumilitaw ang samot-saring rason upang lumiban.
Subalit higit na nakababahala ang mga pagkakataong ang mayorya sa Senado ay tila nagiging panangga ng mga kaalyadong nahaharap sa mabibigat na alegasyon at usaping legal, kabilang ang gold medalist sprinter, na sa sobrang bilis tumakbo’y nadadapa-dapa pa ito habang tinatakasan niya ang mga usaping may kaugnayan sa kanyang naging papel sa giyera kontra droga. Bato- bato sa langit, ang tamaan ‘wag magagalit. At talaga namang isinakay pa siya sa batmobile nila ni Robinhood. Habang abala sila sa pagpapalakas ng kani-kanilang imahe at impluwensiya, patuloy namang bumibigat ang pasanin ng ordinaryong Pilipino. Hindi na ito mga simpleng pagkakataon lamang kundi isang paulit-ulit na modus upang makaiwas sa pananagutan.
Isa sa pinakamainit na usapin ngayon ang argumento hinggil sa korum sa Senado. Pinaninindigan ng mayorya na kinakailangan umano ang 13 senador upang makabuo ng korum, kahit na 22 lamang ang aktibong miyembro ng Senado sa kasalukuyan. Ngunit batay sa simpleng matematika at sa naging interpretasyon ng Korte Suprema sa Avelino v. Cuenco, 83 Phil. 17 (1949), sapat na ang 12 bilang mayorya ng 22 upang maipagpatuloy ang sesyon. Gayunpaman, tila ginagamit ang usapin ng korum hindi upang tiyakin ang maayos na pagtakbo ng Senado kundi upang maantala ang nakabinbin pa ring impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte at mapanatili ang pampulitikang kontrol ng ilang grupo sa isa sa pinakamahalagang institusyon ng bansa.
Mas nakapanlulumong isipin na habang nagkakagulo sa loob ng Senado, patuloy namang lumolobo ang presyo ng mga bilihin, napag-iiwanan ang kalidad ng edukasyon, at nagkakandarapa ang milyun-milyong Pilipino upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa halip na ituon ang kanilang oras sa pagtalakay ng mga panukalang batas na magpapababa ng presyo ng pagkain, magpapalakas sa sektor ng agrikultura, magpapahusay sa edukasyon, at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino, nauuwi ang mga sesyon sa bangayan ukol sa kapangyarihang pampulitika. Ano mang ending ng teleseryeng ito, taumbayan pa rin ang dehado, habang nagpapasarap sa aircon at abala sa pagla-live stream ang mga nakaluklok sa kapangyarihan.
Maaaring sabihin ng ilan na karapatan ng mga senador ang magpahinga, magkasakit, o lumiban kung kinakailangan. Ngunit hindi nila dapat kalimutan na sila ay halal ng bayan at binabayaran ng buwis ng mamamayan upang magsilbi—mga mamamayang patuloy na nagdurusa sa epekto ng kanilang kaduwagan at kawalan ng aksyon.
Ang hamon ng ating panahon ay maaaring hindi na kahalintulad ng labanang hinarap ng ating mga bayani sa pisikal na antas. Wala mang mga baril at bolo, nananatili pa rin ang laban para sa tunay na pananagutan—para sa isang Senadong ginagampanan ang tungkulin nito para sa bayan sa halip na magtago sa likod ng social media at kung ano pa mang palusot at gimik.
Hangga’t may mga Pilipinong naghihirap, hangga’t lantaran ang korapsyon, at hangga’t may mga lingkod-bayan na umiiwas sa pananagutan, ang Ika-12 ng Hunyo ay hindi lamang simpleng pagdiriwang. Isa itong paalala na hindi nagtatapos ang ating laban sa pagkamit ng kasarinlan isang siglo na ang nagdaan. Sapagkat sa kasalukuyan, ang pinakamalaki nating kalaban ay nagmumula na mismo sa sarili nating bayan.

-10.png)
.png)
(1).png)
-8.png)
-7.png)
.png)
.png)
-6.png)

-5(1).png)




.png)
(1).png)
