Wala kang pera, wala kang akses, saan ka na ngayon tutungo para makautang ng realidad? Hindi mo matanggap ang katotohanan. Hindi sapat ang akses nating mga bakla, kaya tutungo na tayo sa lihim na mga aplikasyon na magbubukas ng realidad na nais nating pasukin. Makabibili lang tayo ng isang bagong init na pelikulang bakla sa pamimirata. Kapag nabalitaan na may bagong labas sa digital, dudumugin ang suking tindahan. Mayroon na raw, naghahanap na tayo, ngunit bigla tayong nagtago nang may nakita tayong babala. Nagulat tayo sa Loklok, takot pala sila sa atin, nakakasuya raw tayong panoorin. Huwag nating pansinin ang babala. Ipagpatuloy nating buksan ang realidad. Isarado natin ang panghuhusga. Isipin na lang natin ang sarili nating pagkakakilanlan. Tayo ang mga bakla. Tayo ang laman ng pelikula. Masaya ‘pag may bakla. Dapat walang babala.