(1).png)
Painitin na natin ang gabi:
Magtirik ka na ng kandila at hayaang sumirit ang puting luha—mula sa rurok, hanggang manumbalik sa lupa at kumalat ang kaniyang binhi. Sa unting hudyat, muling tutubo mula sa namuong ugat ang naninigas na tangkay. Huhuni ang ibon at uungol ang unggoy kasabay ng pagsibol at pagkapundi ng apoy. At kapag naubusan ka na ng hininga, ipanalangin mo sa mga umaaligid na kaluluwa ang ating ligtas na pagdating sa paroroonan. Mag-iwan ka ng bulaklak bago lumisan dito sa puntod kung saan nakahimlay ang ating libog:
In Loving Memory of Trans Desire
Kalat na sa balita ang iyong pagkapaslang. Bago ka kinuha ng liwanag, narinig ko ang iyong huling bulong sa hangin:
“That was my life’s greatest work, and it didn’t even get a proper ‘no.’”
Buksan mo ang telebisyon sa kabilang dako, at hayaang dumaloy ang bughaw na liwanag sa iyong balat—parang tubig na dumaraan sa sugat at tingnan mo ang imahe ng iyong sarili na patuloy nilang tinatakpan. Nawalan ng kuryente nang tinangka mong abutin ang iyong anino. Namatay ang telebisyon at wala ka nang liwanag na natatanaw. Kaya nagtirik ka na lang ng kandila, at hinayaan mong bumuhos ang pag-asa sa anyo ng tunaw na pagkit sa iyong balat. Baka sakaling maawa silang mapanood ang iyong nalalapnos na kasuotan. Paubos na ang kandila, wala pa rin silang paramdam. Sa bawat nalalabing patak, may isang eksenang tinanggal. Isang ungol na pinutol. Isang katawang ginawang lihim. At sa huling patak, sinabi ng katiting na liwanag: hindi kayo dapat makita.
Nang bumalik ang kuryente, pinilit mong buksan muli ang telebisyon. Makikita mong wala nang palabas, pero ang iskrin ay kumikislap-kislap pa rin, parang humihinga. At doon mo maririnig ang tinagong boses: mahihina mong sigaw mula sa mga katawang ipinasok sa malilit na linya ng static. Natakot ka nang muli mong narinig ang kakaibang ungol: umiiyak na tumatawa sa pagkagalit. Sinubukan mong patayin muli, ngunit hindi na ito namamatay. At muling babalik ang bughaw na liwanag na una mong nakita. Nagsawa ka na sa matamlay na kulay kaya naglakas-loob ka na paliyabin ang iyong telebisyon pagkatapos mong iwanan ito sa bulong na hindi mo pinakinggan. Hindi ka tumigil, sinunog mo pati ang makulay mong balat, mga kasuotang pinagtitinginan ng iba. Hindi na natapos ang pagliyab, hindi mo na iniintindi ang sinasabi ng iba. Naghamon ka na ng laban sa mapagpanggap na guwardya ng mga pelikula. Pero sa dulo, nanaig pa rin ang kanilang pananaw na pira-pirasuhin ka. Naghintay ka pa rin kahit malabo na ang iyong palabas. Tinangka mong manood hanggang sa masunog ang mga mata ng mga mapanghusga.
Hindi rito nagtatapos ang amba ng panganib. Umaaligid ang mga estrangherong mapilit at may mga kamay na sumisiksik sa mga tagong sulok ng iyong pagkatao. Minsan, mas malupit pa sa batuta ang pagtatanggi ng mga naka-uniporme at mas matalim pa sa patalim ang pagkamuhi ng mga makikitid ang isip. Manyak ang sistemang mapanghubad at madamot sa proteksiyon laban sa peligro ng marahas na mundo at sa ginhawa ng inoidorong dapat din ay para sa iyo. Mananakal ang pagtatanto: Paano kung hindi na lang ako ganito? Ipagpapalit mo ba ang iyong tunay na pagkatao sa huwad na kalayaan?
Mag-ingat ka rin sa pangil ng takot at lungkot. Mabangis ang pagluluksa at kaya nitong kainin nang buo ang iyong diwang binubuhay ng iyong mga pangarap at pagnanasa. Yakapin mong husto ang kalinga ng pantasya at manalig sa pangako nitong makipagtagpo sa katotohanan. At pagdating sa sukdulan, ikaw ay magagantimpalaan ng kalinawan na pag-aari mo ang iyong pagnanasa. Sa kabila ng lahat, nasa palad mo ang ahensiya.
Nagbabaga na ang gabi:
Huwag mo nang hayaang manatiling puntod ang liwanag. Kung may kandilang itinirik, hayaang ang apoy nito ay mag-anyo ng mukha—mga mukhang matagal nang tinakpan, tinawag na labis, tinuring na kasalanan. Hayaan mong ang puting luha ay maging patubig sa bagong balat ng lupa, upang sa bawat patak ay umusbong ang mga salitang dati’y hindi pinayagang sabihin. Mula sa ugat ng pinigil, tutubo ang bagong anyo ng pag-ibig: mga kuwentong may sariling dila, sariling ritmo, sariling katawan. Sa liwanag ng nagtatagong anino, sila ay hindi halimaw, hindi biro, hindi lihim—sila ay mga nilalang na marunong magmahal, masaktan, at mabuhay sa sarili nilang pangalan.
Bagaman hakot-parangal ang pelikulang “Dreamboi” ni Rodina Singh sa kauna-unahang CineSilip Film Festival nitong Oktubre 2025, mala-bangungot ang dagok na hinarap ng pelikula bago mapabilang sa shortlist at maipalabas sa publiko. Layunin ng naturang pista ang bigyang plataporma ang mga pelikula at naratibong lumilihis sa kumbensiyon, partikular ang mga tumatalakay sa mga kuwentong-libog at mga kontrobersiyal na tema, upang puksain ang katambal nitong stigma. Gayunpaman, sa lipon ng mga pelikulang maseselan, ang “Dreamboi” lang ang tanging nakatanggap ng X-rating mula sa MTRCB. Tatlong beses na ipinasa at in-edit ang pelikula bago pumasa sa R-18 rating ng ahensiya nang maipalabas sa mga sinehan.
Mababakas sa serye ng mga hatol na ito ang pagtatanggi ng MTRCB sa “Dreamboi” hindi bilang isang mahalay na pelikula, kundi bilang isang likhang-trans at para sa mga trans. Malinaw na isa itong uri ng pagpapatahimik, paninikil—maging pagpatay—sa mga boses at naratibo ng mga trans at ang mas karumal-dumal na pagtanggi sa kanila ng sistemang bulok. Karima-rimarim ang katotohanang mapaniil ang mundo sa mga trans, kung kaya lalong mahalaga ang pagsisiwalat ng mga kuwento katulad ng “Dreamboi,” “I Saw The TV Glow,” “Warla,” at marami pang iba upang magantimpalaan ng liwanag ng pag-unawa ang mapanghatol na masa.
---
MGA SANGGUNIAN
Jaucian, D. (2025, October 30). “Dreamboi” Director Rodina Singh on the Power of Trans Desire. Rolling Stone Philippines | Music, Culture, Social Issues. https://rollingstonephilippines.com/culture/philippine-cinema/dreamboi-director-rodina-singh-interview/
Singh, R. (2022). Rodina Singh’s Post. Facebook.com. https://www.facebook.com/kislaptalla/posts/dreamboi-is-a-film-about-trans-desireabout-how-fantasy-shame-and-longing-shape-t/10235140571553199/

.png)

.jpg)


.png)

(1).jpg)
.png)
.jpg)




.jpg)

.jpg)