Dalawang notification sa Canvas: isang meeting invite at isang submission bin para sa asynchronous activity. Ito ang mga karaniwang abiso na tumatambad sa mga Atenista tuwing may suspensiyon ng klase. 

Bilang tugon sa dumadalas na mga kanselasyon dulot ng mga bagyo at lindol, mga transport strike, at pagkalat ng mga sakit, malimit na ihinahalili ng administrasyon ng Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU) ang online modality sa onsite set-up. Ang pagpapasyang ito ay nakaayon sa Revised Guidelines on Cancellation or Suspension of Classes in Higher Education (HE Memo #Y3.15) na nagsasaad ng paglipat online, maliban kung binanggit ng lokal o pambansang pamahalaan na maging ang online classes ay kanselado.

Bagaman layunin nitong mapanatili ang tuloy-tuloy na daloy ng edukasyon, mahalagang siyasatin: makatarungan ba ang pagpapatuloy ng online classes tuwing may suspensiyon?

Memang Memo

Pangunahing katwiran ng HE Memo #Y3.15 ang pagnanais ng Ateneo Higher Education na magamit ang mga natutuhang hakbangin noong pandemya upang makaangkop sa mga pangyayaring nagbubunga ng suspensiyon.

Gayunpaman, hindi pantay ang kakayahan ng lahat na makasabay. Kung makadalo man sa talakayan, hindi garantisado ang epektibong pagkatuto dahil hindi buong nakatuon ang atensiyon ng klase sa leksiyon. Dahil wala sa silid-aralan, madali lamang malingat, magbukas ng maraming tab o maaliw sa social media. Makaabala rin ang ibang kasama sa bahay lalo na kung walang tahimik na puwestong nakalaan sa pagkaklase. Hindi rin lahat ay mayroong ligtas at komportableng silid. Kadalasan, lalo na sa mga apektado ng bagyo, hindi maaasahan ang internet connection at signal. Alalahanin din paglikas at kaligtasan na kung tutuusin ay dapat na prayoridad ng lahat.

Suspendido o Suspendido?

Pagkatapos mag-anunsiyo ng pamantasan, nasa pagpapasya na ng mga guro kung magiging synchronous o asynchronous ang klase. Bagaman ipinararating ng HE Memo #Y3.15 na isinasaalang-alang ang parehas na konteksto ng guro at mga mag-aaral, hindi ito laging nangyayari. Imbes na magsilbing gabay, mas nagiging komplikado ang sitwasyon dahil sa kakulangan ng katiyakan sa pagpapasya.

“Ang hirap sabihin na oo o hindi. Oo, dapat may suspensiyon…kasi hindi naman lahat may access sa matinong Wi-Fi at signal. Pero hindi, [kasi] naniniwala ako na minsan naiipit ‘yung oras ng klase natin, kailangan laging mag-adjust ng mga propesor sa kanilang mga syllabus.” (Mark Benedict Bajar, 2 AB Philosophy) 

“Since I’m a commuter from Antipolo, parang mas pipiliin ko na lang na mag-shift to online. Pero since gipit ‘yung academic calendar natin right now, I think nahihirapan ang mga profs. Limited internet connectivity is also an issue to consider.” (Erica Falcon, 3 BS Life Sciences)

Ayon naman sa isang guro ng Matematika, isa sa kaniyang mga paraan upang mapunan ang pagkaantala ng syllabus ang sunod-sunod na pagtuturo—matapos ang isang aralin, agad siyang magpapatuloy sa susunod. Nagbibigay rin siya ng mga gawain upang mapanatili na tuloy-tuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral kahit may biglaang pagbabago sa mode ng klase. Ipinahayag niya ang pagkadismaya, dahil bukod sa nalilito ang parehong guro at mag-aaral, nakaaapekto rin ito sa momentum ng pagtuturo. 

Maging ang recorded lectures at pagiging maluwag sa attendance ay kapos din sa bisa. 

Ayon kay Jedryc Romero, ang kasalukuyang Bise Presidente ng Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila, sang-ayon siya sa pagkakaroon ng mga tiyak na alituntunin:

“Practice naman, for example, na ni-rerecord ‘yung class. Kailangan pa rin siyang maging clear…For example din, some professors, ‘di nagka-count ng cuts…which is ‘yun naman dapat. Pero mahirap kasi ‘yung…depende sa professor o sa discussion ng professor at students. Pero if mayroong guidelines na masusunod, it lessens confusion.”

Hear me out…

Upang makakalap ng impormasyon, nagsasagawa ang Sanggunian ng constituency checks sa pamamagitan ng forms at Messenger GCs. Ngunit may mga nagbubunton din ng kani-kanilang saloobin sa mga social media post gaya ng mga ipinapasa sa ADMU Freedom Wall.

Ipinahayag ni Asher Ayeras, isang kinatawan mula sa SOM Sanggunian, ang pangangailangan nilang marinig ang mga Atenista nang hindi mula sa impormal na paraan upang makabuo ng konkretong datos:

“Kapag may mga suspensiyon, feeling ng mga estudyante… hindi importante, walang pinatutunguhan ‘yung mga messages na ‘yun [constituency checks]. Pero importante talaga ‘yon kapag nakikipag-negotiate kami…doon namin napapalabas ang pangangailangan.”

Noong ika-3 ng Oktubre, nakipagpulong ang Sanggunian kay Vice President for Higher Education Dr. Maria Luz Vilches upang talakayin ang mga alternatibong pamantayan tuwing class suspension at modality shift. Kabilang dito ang inirerekomendang class cancellation and transition matrix. Sa kabila nito, nananatiling tila bulong ang tinig ng Sanggunian. Inamin ni Romero ang hangarin niyang mas makonsulta ang Sanggunian upang mapagtibay pa ang pagkakaunawaan ng mga mag-aaral at administrasyon.

Am I audible po?

Sinalubong ng kritisismo ang pagpanig ng ADMU sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa kanilang panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyasatin ang mga polisiya sa pagkansela ng klase. Binatikos din ng COCOPEA ang mga awtomatikong suspensiyon na ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil pinapahina umano nito ang “resilience” ng mga pampaaralang komunidad at pinapababa ang kahalagahan ng edukasyon.

Sa kanilang pagpupumilit na maraming pribadong institusyon tulad ng ADMU ang may kakayahang magpairal ng flexible learning modalities, naibubunyag lamang ang kakulangan ng boses ng mga mag-aaral, guro, at manggagawa. Sa lumulubhang mga pagbaha sa Katipunan at maging sa loob ng pamantasan, ang pagkapit sa resilience ay pagbabalewala sa mga banta sa kaligtasan. 

Kabalintunaan ang pagbabatay sa kapasidad ng institusyon bilang pagsukat ng pangkalahatang kakayahan ng mga miyembro nito, habang ang komunidad mismo ang nakararanas ng tumitinding mga pang-akademiko’t pangkaligtasang hamon. Ang mga komplikasyong nag-uugat sa pagsuspinde ng klase ay sintomas lamang mula sa lumulubhang lagay ng kalikasang kung humagupit ay walang pinipili. Kahit ibaon sa pagtanggi, hindi lahat ng mag-aaral ng Ateneo ay kinakandili ng pribilehiyo.

Hanggang kailan gagawing panakip butas ang konsepto ng resilience sa katotohanang ito? Hanggang kailan magsasariling-mundo sa burol ang Ateneo?

Solusyong Konsumisyon

Sa pagsisikap na makibagay sa nagbabagong panahon, marapat na nakaangkla ang mga patakarang ipinatutupad sa boses ng komunidad ng pamantasan. Ang mga hinaing at hiling ay hindi dapat nakukulong sa pagiging datos lamang, kundi naisasalin sa pagdisenyo ng mga mas ligtas at makatarungang pagtugon, hindi ‘solusyong’ hatid ay konsumisyon. Sa prosesong ito, napananatili dapat ang malinaw na ugnayan sa pagitan ng administrasyon, mga mag-aaral, kagawaran, at manggagawa.

Sa pagharap ng Ateneo sa mga sakuna, kailangan ng aktibong talakayan. Hindi lamang dahil ito ay usaping pang-edukasyon, kundi hamong pangkalikasan at pangpolitikal din. 

Kung patuloy na mamaliitin ang mga hinaing sa likod ng class suspension, anong sinasabi nito sa pagtingin ng pamantasan—hindi lamang sa mga estudyanteng naiiwan—kundi maging sa lumalalang krisis ng ating kapaligiran?

Mga Kamakailang Istorya