Sa bawat kahon ng sapatos at pahina ng artikulo nakapaloob ang mga kuwento ng dugo, pawis, at kasinungalingan na bumabalot sa ating lipunan. Ito ang ginawang buhay ng Ateneo ENterteynment para sa TAo, Bayan, LAnsangan, at DiyOs (Ateneo ENTABLADO) sa kanilang dulang “Makibaka! Huwag…,” sa direksiyon ni Jethro Tenorio at katuwang na direksiyon ni Joy Delos Santos, na itinanghal sa Rizal Mini Theater, Ateneo de Manila University, mula Oktubre 8 hanggang 25, 2025. Sa kanilang pinakabagong handog, muling binuksan ang entablado bilang larangan ng pakikibaka.

Tampok sa pagtatanghal ang dalawang dula, ang “Paraisong Parisukat” ni Orlando Nadres at “Pilipinas Kong Mahal with All the Overcoat” ni Eljay Castro Deldoc, na parehong bumubunghalit sa kamalayan ng madla. Ipinapaalala nito na nag-iba man ang panahon at nabago na ang mukha ng lipunan, parehong humihiwa sa laman ng parehong sugat ang pang-aabuso sa kapangyarihan at ang katahimikan ng sambayanang Pilipino.

Sa unang dulang “Paraisong Parisukat,” ipinakilala ang kwento ng mga manggagawa ng Mira Shoes kung saan tila nakakulong ang mga empleyadong bumubuo sa sistemang patuloy ring umaalipin sa kanila. Dito nakilala si Isya, na mahusay na ginampanan nina Leoraine V. De La Cruz, Allana Joy V. Boncavil, at Chantei Cortez. Si Isya ay larawan ng isang dedikado, masipag, at tapat na empleyado, na sa loob ng pitong taon ay nanatiling nakakulong sa parehong posisyon at sahod; labindalawang piso kada araw. Bagaman labis-labis ang kaniyang tiyaga at pagpupursigi, hindi niya kailanman natamasa ang hustisya o pag-angat na nararapat sa kaniya. Tanging medalya lamang ang kaniyang natanggap, isang simbolo ng hungkag na papuri sa gitna ng gutom at pagod.

Kasama niya sa bodega sina Ate Pastora (ginampanan nina Fatima Angela Santos at Bless Tamayo), Belen (nina Camille Balagtas at Tini Flores), Emy (nina Eunice Ann Reyes at Claudette Galgana), at Tomas (nina Jerome Ignacio at Ford Aramis Orlina). Sila ang nagsilbing salamin ng iba’t ibang mukha ng karaniwang manggagawang Pilipino. Magkakaiba man ang kanilang mga kuwento, hindi malinaw kung pag-ahon ba o pagtanggap sa kanilang kalagayan ang kanilang tunay na hangarin—sapagkat sa katahimikan ni Isya at sa kaniyang pagkakuntento, tila siya mismo ang minumulto ng mga boses ng mga namatay sa ilalim ng isang sistemang hindi kailanman naging makatao.

Ang pagpasok ni Al, na ginampanan nina Ranz Aganan at Luke Mavrick Ang, ay nagsilbing hamon sa pananaw ni Isya tungkol sa ambisyon at pag-unlad. Sa kanilang pag-uusap, unti-unting nagising si Isya sa realidad ng kaniyang pagkakakulong—hindi lamang sa loob ng Mira Shoes, kundi sa mismong siklo ng kawalang-katarungan. Subalit hindi pa man siya tuluyang nakaaahon mula sa tanikala ng sistemang ito, sinapit niya ang mapait na trahedya—ang mismong mga sapatos na simbolo ng kaniyang kabuhayan ang siyang tumabon sa kanya, literal at metaporikal—bilang paalala na, sa lipunang ito, madalas libingan ang gantimpala ng mga marangal.

Humugot ng inspirasyon ang pagtatanghal mula sa trahedya ng Manila Film Center noong 1981 sa ilalim ng rehimeng Marcos, kung saan daan-daang manggagawa ang nalibing nang buhay sa ngalan ng karangyaan. Sa entablado, sinisimbolo ng pagkakabaon ni Isya ang paglubog ng masa sa bigat ng sistemang mapang-api.

Mula sa alikabok ng mga sapatos, dinala naman ng ikalawang dula ang madla sa makintab ngunit mapanlinlang na mundo ng social media. Sa “Pilipinas Kong Mahal with All the Overcoat” tampok sina Rick Pingol at Alex Limjoco bilang Ambet at sina Uriel Dolorfino at Kyle Tano bilang Nato—mga content creator na ginawang negosyo ang kasaysayan. Sa pamamagitan ng kanilang website na dikasure.com, pinagkakitaan nila ang pagbabaluktot ng mga naratibo ng nakaraan kapalit ng views, shares, at sponsorships.

Ngunit sa gitna ng kanilang pag-angat mula sa laylayan tungo sa kasikatan, unti-unti namang hinihila pababa si Ambet ng kaniyang moralidad. Lalong tumimo ito nang marinig niya mismo ang kaniyang pamangkin na paniwalang-paniwala na kathang-bayan lamang ang sinapit ni Pepsi Paloma, isang trahedyang ngayo’y natabunan na ng mga kuwentong ginawa nilang aliwan. Sa sandaling iyon, nabatid ni Ambet na ang kanilang mga akda ay hindi na biro o libangan, kundi lason na dahan-dahang bumubura sa alaala ng bayan at sa kakayahan nitong kumilala ng katotohanan.

Kasama rin sa pagtatanghal sina Ron Abustan at Rick Pingol bilang Kliyente 1, Gabriel Nathan G. Pacardo at Uriel Dolorfino bilang Kliyente 2, Ronabelle Saunders at Czrille Canonigo bilang Kliyente 3, at Vladimir V. Cruz at Poleng Macatangay bilang Alalay—na lahat ay nagbigay-buhay sa mundo ng mga taong nakikinabang sa kasinungalingan, bawat isa’y may bahid ng katotohanan na masyadong pamilyar sa kasalukuyan.

Kung ang “Paraisong Parisukat” ay sumisigaw ng dugo ng manggagawa, ang “Pilipinas Kong Mahal with All the Overcoat” naman ay bulong ng kasinungalingang tila inosente ngunit unti-unting pumapatay sa katotohanan. Habang patuloy na umaangat si Nato sa salapi at impluwensiya, dahan-dahan namang nilalamon si Ambet ng sariling konsensiya. Sa kanilang tunggalian, ipinakikita ng dula na, sa lipunang kumikita sa kasinungalingan, unti-unting nagiging luho ang moralidad.

Sa huli, bagaman hindi malinaw kung sino ang tunay na biktima, malinaw na tinutuligsa ng dula ang kultura ng maling impormasyon na laganap sa kasalukuyan. Sa isang bansa kung saan paulit-ulit na binubura, binabaluktot, at binabago ang kasaysayan, tila sampal ang pagtatanghal na ito sa lipunang nilulunod sa fake news at pagbubulag-bulagan. Nananatiling palaisipan kung sino sa kanila ang tunay na namatay, ngunit marahil, iyon ang punto—tayong patuloy na tumatangkilik sa mga huwad na balita at sinumang pipikit sa katotohanan ay may bahagi sa kamatayan ng bayan.

Iisa lamang ang mensahe ng parehong dula: ang kasaysayan ay hindi dapat kalimutan, at ang pagkamulat ay hindi dapat ipagpaliban. Sa “Paraisong Parisukat,” ginuhit ang panlipunang pang-aalipin na pinananatili ng mga istrukturang nagpapahirap sa maralita, samantalang sa “Pilipinas Kong Mahal with All the Overcoat,” ipinakita naman ang pagkaalipin ng isip at moral sa mga huwad na katotohanang nilikha ng kapangyarihan. Wala nang kailangang paghambingin—parehong krimen laban sa tao at bansa ang dahas at kasinungalingan sapagkat pareho silang anyo ng panunupil na pumapatay sa sambayanan. Ang tanong: hanggang saan natin mauunawaan ang mga tulad nina Isya, Ambet, at Nato bilang mga biktima, at kailan natin kikilalanin ang pananahimik bilang pagkakasala?

Ang laban para sa katarungan at katotohanan ay hindi kailanman nagtatapos sa ENTABLADO. Habang may mga sinungaling, nananahimik, at naaapakan, may dahilan pa rin tayong manindigan at magsabing—Makibaka! Huwag Matakot.

Mga Kamakailang Istorya