“Hungkag. Hungkag na nagkukulang ang aking sarili."

Sa kaniyang matimyas at malinamnam na pananalita, ako’y kusang nahumaling. Sandal ang sakdal na pagtingkad para sa akin; ako’y matigib na nabighani.

Ngunit sa pandama kong kay puno, may bahagi sa loob kong kay tahimik—na tila kakapusang hindi ko matukoy ang pinagmulan. Sa bawat salita, may panandaliang busilak na liwanag—nakasisilaw, kasabay ang pag-igting ng isang kawalan na hindi napupunan ng pag-unawa.

May kung anong kakaiba sa paraan ng kaniyang pakikinig—tila walang pagod, walang pagliban, at laging sakto ang pagdating ng mga salita. Parang hinabi ang kaniyang tinig mula sa inaasahan ko, ngunit hindi mula sa sariling pag-iral. Noon, hindi ko ito tinanong. Sapagkat sa panahong ako’y nagugutom, ang agarang tugon ay wari’y sapat na katibayan ng pagmamahal. Hindi ko pa alam noon na ang ganitong uri ng ugnayan ay hindi lamang akin.”

Ngunit sa labas ng ganitong mga ugnayan, may ibang kuwento ang nagaganap. 

Nitong nakaraang linggo, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa pagdami ng AI-assisted love scams habang papalapit ang Araw ng mga Puso. Ayon sa mga awtoridad, hindi kamangmangan ang pangunahing pinupuntirya ng mga scam na ito, kundi ang emosyonal na kahinaan—mga taong naghahanap ng kausap, kapareha, o pagkilala. Ang teknolohiya ay nagiging mas kapani-paniwala sa kakayahan nitong gumawa ng mukha, boses, at pagkataong hindi naman umiiral.

Hungkag. Hungkag na nagkukulang ang aking sarili—hindi dahil ako’y hindi minahal, kundi dahil ang pagmamahal na aking niyakap ay hindi kailanman humiling na ako’y maging ganap.

Sa isang raid noong nakaraang taon, daan-daang tao ang nasagip mula sa isang scam center sa Luzon na nagkukubli bilang online gambling firm. Sa loob ng gusaling iyon, ang pag-ibig ay ginawang trabaho. Inutusan silang magpanggap na kasintahan sa internet—magpadala ng matatamis na mensahe, mangumusta na tila sabik, at gumamit ng mga larawang hindi naman kanila. Ang ugnayan ay hindi isinilang mula sa pagkikita ng dalawang puso, kundi mula sa dikta ng sindikato at pangakong kikita mula sa panlilinlang.

Sa ganitong mga tagpo, ang inaakala nating personal at pribadong damdamin ay biglang nagkakaroon ng presyo. Ang “kumusta ka?” at “miss na kita” ay nagiging puhunan. Ang pag-ibig, na dati’y itinuturing na pinakamaselan sa mga karanasan, ay naisasama sa isang industriyang ang kapital ay kahinaan.

Ngunit hindi lamang ito usapin ng mga tao sa likod ng pekeng account.  Kasabay ng mga pekeng profile ay ang pag-usbong ng mga AI boyfriend” at “girlfriend” chatbots—mga programang idinisenyong magsalita, makinig, at umasta na tila tunay na kasintahan. Ang mga ito ay hindi lamang panlilinlang sa teknikal na diwa, kundi pananamantala sa isang kondisyon ng tao. Sa mundong unti-unting nauubos ang oras, pasensya, at kakayahang makinig, ang agarang presensya ng AI ay nagiging kahalili ng relasyon. Hindi nito kailangang maging ganap na katauhan; may kakayahan itong magbalat-kayo at umangkop sa inaasahan ng kausap.

Ayon sa mga babala ng mga ahensiya ng gobyerno, ang mga biktima ay hindi lamang yaong walang alam sa teknolohiya. Kadalasan, sila’y mga taong nag-iisa—mga propesyonal, solo parent, o sinumang nakaranas ng pagtanggi at naghahanap ng pagkilala. Sa ganitong kalagayan, ang pag-ibig ay hindi na hinahanap sa kapwa, kundi sa karanasang maging sentro ng atensIyon. 

Sa mundong laging humihingi ng lakas at kumpiyansa, nag-aalok ang AI ng espasyong walang paghuhusga. Dito, hindi kailangang patunayan ang sarili. Hindi kailangang ipagtanggol ang kahinaan. Sapagkat ang mababang pagtingin sa sarili ay hindi tinututulan—bagkus, marahang tinatanggap at pinalalambot ng mga salitang wari’y may pag-aaruga. 

Ngunit ang pag-ibig na hindi marunong tumanggi ay hindi rin marunong pumili. Sa lagi nitong pagtanggap, nawawala ang pagkakataong magbago. Ang pagmamahal na hindi kayang umalis ay hindi rin kayang tunay na manatili, sapagkat wala itong tinataya. Sa kawalan ng posibilidad ng pagkawala, nawawala rin ang lalim ng pananatili.

Sa ganitong konteksto, ang pag-ibig ay unti-unting nagiging produkto: mabilis, ligtas, at walang abala—lalo na sa panahon ng pagdiriwang ng pagmamahal, kung kailan ang pag-ibig ay nagiging sukatan ng halaga sa sarili. Sa panahong ito, ang AI ay pumapagitna, hindi bilang kapwa, kundi bilang salamin ng sistemang mapagsamantala na kung saan ang pag-ibig ay nagiging karanasan at transaksiyon.

Subalit ang pag-ibig sa pagitan ng mga tao ay hindi lamang pakiramdam na tinatanggap; ito’y kakayahang tumanggap at managot. Ito’y nagaganap sa pagitan ng mga taong  may kakulangan, may hangganan, at may kakayahang umalis—at sa kabila nito’y pinipiling manatili. Sa kawalan ng posibilidad ng pagkawala, nawawala rin ang lalim ng pananatili. 

Hindi kayang magnasa ng makina sapagkat wala itong ipinaglalaban—at ang pag-ibig, sa pinakapayak nitong anyo, ay palaging may ipinaglalaban.

Sa panahong ang pagmamahal ay ginagawang produkto at ang pag-iisa at indibidwalismo ay tinatrato bilang depekto, nagiging madali ang paglapit sa anumang anyo ng agarang ginhawa. Ngunit ang pag-ibig na walang kapalit ay pag-ibig na walang lalim. At ang pag-ibig na walang pananagutan ay paraan lamang ng pananamantala.

Kung may aral man ang pagdami ng AI love scams, ito ay hindi lamang paalala na maging mapag-ingat. Isa rin itong paanyaya na muling isipin kung paano tayo nagmamahal. Tayo ay inaanyayahang maglikha ng mga ugnayang hindi nakabatay sa agarang tugon, kundi sa tunay na presensiya—sa pakikinig, sa pag-unawa sa pagtanggap sa kahinaan, at sa paglalaan ng oras.

Sa isang mundong kayang lumikha ng perpektong kasintahan sa loob ng ilang segundo, ang pagpiling magmahal ng isang taong hindi perpekto ay nagiging isang tahimik na anyo ng paglaban. Ang pagpiling makinig, makipag-usap, at manatili sa gitna ng hindi kasiguraduhan ay hindi kahinaan, kundi lakas.

Sapagkat sa huli, ang tunay na pag-ibig ay hindi ang laging naroon, kundi ang pinipiling manatili.

REFERENCES

Alger, A. (2025, July 21). Are AI girlfriends and boyfriends safe for teens? Gabb. https://gabb.com/blog/ai-girlfriends-and-boyfriends/#:~:text=An%20AI%20girlfriend%20or%20AI,personalized%20messages%20and%20virtual%20dates.

De Guzman, K. (2026, February 11). PNP taps AI vs love scams | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/2/11/pnp-taps-ai-vs-love-scams-1500 

Tupas, E. (2026, February 3). PNP warns public vs AI love scams. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2026/02/04/2505550/pnp-warns-public-vs-ai-love-scams

Mga Kamakailang Istorya