Sa pinakahuling Times Higher Education (THE) World University Rankings 2026, muling kinilala ang mga pambato ng Pilipinas: nanguna ang pamantasang Ateneo de Manila, sinundan ng Unibersidad ng Pilipinas, at pumangatlo naman ang pamantasang De La Salle kasama ang iba pang kinikilalang institusyon sa bansa. Pinuri ang mga ito dahil sa husay sa pagtuturo, pananaliksik, at ugnayang pandaigdig—mga pamantayang hinahangaan sa buong mundo. Ngunit habang patuloy silang itinuturing na tahanan ng talino at liderato, tila pananahimik naman ang pinakamatunog na tinig ng demokrasya sa kanilang mga kampus. Sa tatlong unibersidad na ito, paano nagiging madalas na pinipili ang opsiyong abstain sa mga halalan ng estudyante? Ano ang sinasabi nito tungkol sa kalagayan ng pamumuno sa loob ng mga pamantasan, at paano ito sumasalamin sa mas malawak na krisis ng tiwala sa politika ng bansa?

Sa pamantasang Ateneo de Manila, hindi kandidato ang nagwagi, kundi ang pagpili ng mga estudyante na huwag pumili. Noong Marso, nakakuha ang opsiyong “abstain” ng 720 boto o 25.17% ng kabuuang bilang—mas mataas sa nakuhang boto ng lahat ng kandidato. Matatandaan na huling nanaig ang pagpili ng abstensiyon para sa pagkapangulo noong 2019 Sanggunian General Elections. Sa pagkakataong ito, 2,958 sa 9,800 na estudyante ang bumoto, na nagbigay ng kabuuang voter turnout na 30.18%, higit na mataas kumpara sa 22.66% o 2,143 na boto noong 2024. Ito rin ang pinakamataas na bilang ng bumoto sa loob ng sampung taon kaya naman nakagugulat na nanaig pa rin ang pagpili ng abstensiyon. Kasunod nito, umapela si Jaye Hubilla—nakatanggap ng pinakamaraming boto matapos ang opsiyong abstain—kasama ang kaniyang kampo, na ideklara siya bilang pangulo sa kadahilanang hindi umano naaayon sa 2019 Undergraduate Constitution ang pagdeklarang walang nanalo sa pagkapangulo dahil hindi naman daw mayorya ng mga boto ang naitala ng abstensiyon. Kaya naman, nararapat lang umano na ideklarang panalo si Hubilla bilang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto. Gayunpaman, agad namang ibinasura ng Ateneo Student Judicial Court (SJC) ang aplikasyon ng kampo.

Sa espesyal na halalang sumunod, muling nanaig ang opsiyong “abstain,” na nakakuha ng 469 boto (45.80%) laban sa 447 boto (43.65%) ng independent candidate na si Mari Macasaet. Ibig sabihin, dalawang beses nang pinili ng mga estudyante na huwag magluklok ng sinuman. Sa halip na bagong simula ng pamumuno, nagmistulang paalala ng kawalang-tiwala ang bawat balota.

Sa paglingon sa ibang pamantasan, malinaw na hindi nag-iisa ang kuwento ng pamantasang Ateneo de Manila. Sa Unibersidad ng Pilipinas, na kilala sa pagkakaroon ng masiglang politika, muling nanaig ang opsiyong abstain sa halalan ng University Student Council noong 2024—isang pangyayaring huling naganap higit apatnapung taon na ang nakalipas. Ngunit kamakailan, nabago ang kalakaran.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa pinakahuling kasaysayan, hindi kinilala ang pagkapanalo ng opsiyong abstain. Idineklara ni Vice Chancellor for Student Affairs Jose Carlo de Pano na si Chloe Antonio ng UP Alyansa ang nanalong vice chairperson ng USC, kahit mas marami ang bumotong mag-abstain. Mas mataas ang pinagsamang boto ni Antonio at ng katunggali niyang si Darlene Cerico (kabuuang 6,140), kumpara sa 4,151 boto ng mga nag-abstain, paliwanag ni De Pano sa Philippine Collegian. Dahil dito, nabasag ang matagal nang pamantayan at marami ang nagtanong: kung hindi na rin pakikinggan ang mensahe sa likod ng mga boto ng abstensiyon, sino pa ang tunay na pinagsisilbihan ng halalan?

Samantala, sa pamantasang De La Salle, labing-isang posisyon ang naiwan ding bakante at tatlo pa ang idineklarang failure of elections matapos muling manaig ang pagpili ng abstensiyon. Sa lahat ng ito, iisa ang larawan: ang mga unibersidad na pinupuri sa angkin nilang karunungan ay tila naparalisa sa sariling demokrasya.

Hindi tamad o walang pakialam ang mga pumipiling mag-abstain. Sa halip, ito ay pahayag ng pagod—pagod sa mga pangakong inuulit taon-taon ngunit wala namang laman, pagod sa mga partidong nagtatagisan para sa pangalan, hindi para sa prinsipyo. Sa pamantasang Ateneo de Manila, matagal nang reklamo ng mga mag-aaral na malayo ang Sanggunian sa kanilang tunay na karanasan. Sa Unibersidad ng Pilipinas naman, unti-unting nabura ang diwa ng pagkilos ng estudyante sa gitna ng red-tagging, panggigipit, at kultura ng takot. Habang sa pamantasang De La Salle, paulit-ulit na kanseladong halalan at bakanteng posisyon ang nagpahina sa tiwala. Ang pagpili ng abstensiyon ay hindi kawalang-bahala, isa itong kumpisal ng pagkasawi.

Sa bawat kampanya, inuulit ang mga salitang “transparency,” “accountability,” at “student welfare.” Ngunit sa realidad, iilang estudyante lamang ang nakakakita ng kongkretong pagbabago. Ang mga lider ay nagiging tagapagsalita ng administrasyon, hindi ng estudyante. Kaya sa bawat halalan, mas dumarami ang nagsasabing mas mabuting walang manalo kaysa muling maloko ng mga pangakong walang katuparan.

Ang ganitong kalagayan ay higit pa sa simpleng “student apathy.” Isa itong palatandaan ng malalim na krisis pampulitika sa loob ng mga unibersidad. Ang mga paaralang dapat nagtuturo ng malasakit, paninindigan, at pakikilahok ay tila hindi na nakapagtatanim ng mga halagang ito. Kapag ang halalan ay naging isang palabas na walang saysay, unti-unting nasasanay ang mga kabataang umiwas sa pakikilahok—isang ugaling madadala nila sa mas malaking larangan ng lipunan.

Kung gayon, ang pagpili ng abstensiyon ay hindi lamang boto laban sa kandidato, kundi boto laban sa sistemang matagal nang hindi nakikinig. Ang krisis sa loob ng mga kampus ay repleksiyon ng mas malaking pagkadismaya sa ating pambansang politika: paulit-ulit na pangako, paulit-ulit na panghihinayang, paulit-ulit na katahimikan.

Ngunit maaari ding basahin ang pagpili ng abstensiyon bilang panawagan. Isang sigaw ng mga estudyanteng nagsasabi na gusto nilang maniwala, ngunit paulit-ulit din silang nabibigo. Sa kabila ng pagtaas ng student voter turnout sa mga nakaraang taon—patunay sa patuloy na sigla ng Gen Z sa larangan ng pakikilahok—nakapagtataka na ang opsiyong abstain ang nananaig. Ipinakikita nito na hindi kulang sa interes ang mga estudyante, kundi kulang sa paniniwala na may saysay pa rin ang kanilang tinig. Kaya naman, nagsisilbing panawagan ang ganitong pangyayari para sa mga lider-estudyante na muling makinig bago manguna; para sa mga pamantasang muling kilalanin na ang politika ay bahagi ng edukasyon, at hindi abala rito, sapagkat ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa boto, kundi sa tiwalang binubuo.

Sa huli, kapag ang opsiyong abstain ang nanalo, ang tunay na natatalo ay hindi ang mga kandidato, kundi ang tiwalang unti-unting nawawala sa mga institusyong dapat sana’y kumakatawan sa tinig ng mga mag-aaral. Ito ang tahimik ngunit matinding sigaw ng pagkadismaya—hindi lamang sa mga tumatakbo, kundi sa mismong sistemang tila matagal nang hindi nakikinig. At kung patuloy nating ipipikit ang mata sa dahilan kung bakit ang opsiyong huwag pumili ang laging nangunguna, baka sa susunod na halalan, hindi na lamang sa posisyon walang manalo, baka mawala na rin ang mismong diwa ng demokratikong pakikilahok. Hangga’t nananatiling blangko ang mga balota, mananatili ring blangko ang kinabukasan ng ating mga pamantasan, at maging ng ating bayan.

Mga Kamakailang Istorya