
Aanhin ang pagkawagi kung ubos naman ang sarili?
Sa Pilipinas, kailangan ang araw-araw na pakikibaka para mabuhay. Marami ang gising magdamag, halos walang tulog at kakampi ang kape. Mula sa delivery riders, online sellers, at street vendors hanggang sa iba’t ibang hanapbuhay, marami ang napipilitang manatili sa survival mode. Sa ganitong uri ng pamumuhay, hindi maiiwasan ang burnout—at higit sa personal na isyu, ang ganitong uri ay nag-ugat sa sistemang pang-ekonomiya na pilit na ginagawang normal ang labis na paggawa bilang sukatan ng tagumpay.
Ang burnout sa Pilipinas ay salamin ng lipunang niroromantisa ang pilit na paggawa lagpas sa kakayahan para lamang may pagkaing maihain sa hapag-kainan. Sapagkat sa huli, may maliit na pagitan ang walang tigil na pagkayod at tuluyang pagkapagod.
Sa lumalawak na gig economy o uri ng sistemang pang-ekonomiya kung saan ang trabaho ay nakabatay sa panandaliang kontrata, dumarami ang manggagawang nakasandal sa bookings, views, at algorithm. May mga delivery rider na ang kita ay nakaasa sa dami ng biyahe at sa ratings ng customer. Sa 12 oras na trabaho, halos ₱700 lang ang naiuuwi nilang kita. Sa katiting na halaga ng pera, halos magkandakuba ang mga riders sa kanilang mga trabaho, kasama na doon ang panganib para sa personal na kaligtasan habang nasa biyahe.
Ang iilan naman ay gumagamit ng mga nakasanayang paraan upang kumita ng pera. May mga content creator at TikTok affiliates na ginagawang amo ang social media algorithm—kapag hindi ka consistent, mawawala ka sa feed, at kapag nawala ka sa feed, mawawala ang kita. Isang halimbawa si Divina Carvajal, o mas kilala bilang scrambletropa, isang miyembro ng LGBTQ+ community na ginamit ang lakas ng social media upang i-promote ang kaniyang negosyong iskrambol.
Nagsimula ang kaniyang kuwento nang mamana niya ang recipe ng ‘sticky iskrambol’ ng kaniyang tiyuhin at inilako ito. Naging kakaiba ang kaniyang produkto hindi lamang dahil sa lasa, kundi dahil sa paraan ng pagbebenta. Gumagamit siya ng iba’t ibang paandar upang makahikayat ng mamimili. Dito isinilang ang kaniyang iconic na paghahalo at pagtaob ng timba ng iskrambol—isang palabas na parehong nakaaaliw at kahanga-hanga. Gayunpaman, kung lubos na iisipin, hindi ito biro. Nangangailangan ito ng pisikal na lakas at tiyaga. Kalaunan, nag-viral ang mga video ni scrambletropa, at kahit na paulit-ulit na lamang ang ginagawa niya sa kaniyang content, pinipili niyang maging consistent sapagkat ito ang hinihingi ng algorithm at ng kaniyang kabuhayan. Ipinapakita ni Carvajal ang realidad ng mga online content creators. Para sa pera, nawawala na ang pagkahiya; napapalitan na ito ng lakas ng loob at pagpupursiging mabuhay. Para sa pera.
Sa likod ng bawat pagtaob ng timba at pagsabay sa kanta, may taong napapagod sa likod ng kamera. Kumpara sa mabilisang bidyo na maipapakita sa madla, wala ito sa pagkayod sa buong araw na hindi sigurado kung may kita o wala. Katulad niya, maraming hustlers ang araw-araw na nabubuhay sa ganitong siklo na nagdudulot ng pagkaubos ng enerhiya. Ang bigat na dala ni Carvajal na magpasaya at magbenta ay bitbit niya sa kanyang balikat buong magdamag. Sa paghabol ng kita at views, may tahimik naman itong kapalit: ang sariling pahinga.
Ang burnout ay hindi lamang basta tumutukoy sa pagiging pagod, bagkus ito ang dahan-dahang pagkaubos ng pisikal, mental, at emosyonal na aspeto ng isang tao—dahil sa kanilang paulit-ulit na paggawa, tila wala nang katapusan ang pagkayod nila. Sa simula, kakayanin ang lahat subalit habang tumatagal madalas na ang pagkapuyat. Ang dating motibasyon ay nagiging obligasyon, at ang mga pangarap ay tila hindi natutupad; bagkus, nagiging pasanin pa. Ang taong nakararanas ng burnout ay parang kandilang unti-unting nauupos—may hangganan at nauubos.
Ang kuwentong ito ng indibidwal na pagpupursigi ay sumasalamin sa kulturang niroromantisa ang hustle culture na sanhi ng burnout.
Dito pumapasok ang maliit na agwat ng tunay na kasipagan at kapaguran sapagkat sa Pilipinas, pinapabango ang hustle. Ang labis na pagkapagod ay nagiging badge of honor; ang puyat ay nagpapatunay ng pagkamasipag. Parang ang burnout ay simpleng kakulangan sa maayos na time management at disiplina. Ngunit paano kung ang burnout ay hindi personal na kahinaan, kundi direktang bunga ng panlipunang sistemang walang proteksiyon para sa mga uring manggagawa? Paano kung ang problema ay hindi ang kakulangan sa pagkayod, kundi ang kakulangan sa suporta’t at walang katiyakan sa kaligtasan?
Bagaman ganito, hindi lahat ay sang-ayon sa nosyon na sa sistema ang ugat ng burnout dahil masasabing marami rin ang umasenso dahil sa lubos na pagiging masipag—ika nga, hindi ang sistema ang problema kundi ang kaisipan o pananaw—sapagkat ang sistema ay mahirap at matagal nga namang baguhin. May nagsasabi ring pinili na mismo ng iba ang ganitong trabaho. Pinili ng riders, content creators, at mga manggagawa ang hustle.
Ngunit sa realidad, walang kalayaan sa estado ng bansa; wala nang ibang mapagpipilian sa mga limitadong oportunidad. Sa kasalukuyang konteksto ng gasgas na ekonomiya, ang pagod ay ‘di bunga ng kahinaan bagkus ng pangangailangan—na paulit-ulit na nagtutulak sa mga indibidwal na ubusin ang sarili upang mairaos lamang ang isang araw.
Ang burnout ay hindi dapat niroromantisa, kahit na hindi ito kahinaan o kakulangan sa disiplina. Ito ay tanda na may mali talaga sa sistema. Sapagkat habang patuloy na ginagamit ang kasipagan para lamang pagtakpan ang kakulangan sa suporta at ang paghikayat sa ‘resilience’ upang ‘di pagtuunan ng pansin ang iresponsableng sistema, patuloy na ninipis ang pagitan ng pagkayod at pagkaubos.
Aanhin ang pagkawagi sa dulo kung simula pa lang ay sarili naman ang talo?

-5(1).png)
-3(1).png)
.png)
-3.png)
.png)
(1).png)
.png)
(1).png)
.png)





.png)
(2).png)