Patuloy ang isinasagawang picketline strike ng mga manggagawa ng Kowloon House West sa harap ng matinding pagtanggi ng Katipunan Food Services Inc. (KFSI) na pagbigyan ang kanilang panawagan para sa makatarungang umento sa sahod, habang umiigting din ang tensyon sa gitna ng umano’y presensya at kilos ng mga pulis sa lugar ng welga.

Sa panayam nitong ika-18 ng Abril kay Bernie Dimaunahan, pangulo ng unyon na GLOWHRAIN-KMU-KHW, apat na araw nang tigil-produksiyon ang kanilang hanay na nagresulta sa halos ganap na pagkaantala ng operasyon ng kumpanya.

“Wala kaming pinagkakakitaan kasi tigil-produksiyon… Total paralyzed na yung produksiyon na mayroon kaming 85 outlets… Dito talaga nanggagaling ang lahat ng production na sinusupply sa 85 outlets.” ani Dimaunahan. 

Dagdag pa niya, umaabot sa mahigit ₱400,000 ang kita ng kumpanya kada araw, dahilan upang hindi maunawaan ang patuloy na panggugulang sa sahod ng mga manggagawa.

Dahilan ng welga

Giit ng mga manggagawa, pangunahing isyu ang wage order at ang umano’y pandaraya sa usapin ng dagdag-sahod. Ayon sa unyon, ₱13 lamang ang iniaalok ng pamunuan na dagdag, bagay na tinututulan nila dahil ‘hindi sapat’ sa gastusin ng mga manggagawa.

Nagkaroon ng mungkahing kompromiso mula sa mediator ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umabot sa ₱20, ngunit hindi rin ito tinanggap ng kumpanya.

“Pinaganda lang yung ano, na lalapit sa 20, pero na-maintain pa rin sa ₱13... Pakikipaglaban lang kami rito talaga. Patagalan lang kami rito,” ani Dimaunahan.

Dagdag pa ng manggagawa, parang nagmistulang “walang pangil” ang DOLE dahil sa kawalan nito ng kakayahang iangat ang antas ng pagtaas ng mungkahing dagdag-sahod ng KFSI.

Kawalan ng negosasyon at pag-bypass sa unyon

Isa rin sa sentrong isyu ang umano’y hindi pagkilala ng pamunuan sa unyon. Ayon sa kanila, madalas nagpapatupad ang kumpanya ng mga desisyon nang hindi dumadaan sa konsultasyon. 

“Ang ginagawa nila dyan kung ano na lang yung desisyon nila [KFSI], yun na lang… Dapat dumadaan sa union ‘yun. Binypass nila [ang] unyon,” giit ng pangulo.

Ikinababahala rin ng unyon ang kakulangan ng transparency ng kumpanya, kabilang na ang hindi pagbibigay ng financial statement na sana’y batayan ng negosasyon. Dulot nito, umaasa na lamang ang unyon sa sarili nilang nakalap na datos upang maunawaan ang kalakaran ng kita ng pamunuan.

Intimidasyon sa picketline

Samantala, iniulat din ng unyon ang magdamag na pananatili ng mga kapulisan sa paligid ng picketline, kung saan mahigpit na ipinatupad ang 50-meter rule. 

Mga kapulisan habang nagmamasid sa lugar ng piket alinsunod sa 50-meter rule.

Dagdag nila, may mga insidente rin ng tangkang pagpasok ng truck sa picketline na hindi nila pinayagan dahil sa pangamba na magamit ito sa operasyon ng kumpanya.

Naiulat din ang umano’y ilang pagkakataon ng intimidasyon, kabilang na ang kaguluhan sa pagitan ng mga guwardiya at ilang manggagawa na nauwi sa reklamo sa Commission on Human Rights.

Sa kabila ng patuloy na tigil-produksiyon, naniniwala ang unyon na pinakasandata ng mga manggagawa mula sa pananamantala ng mga kapitalista ang pagkakaisa at pagpoprotesta. “Hindi kami titigil hangga’t hindi naibibigay ang sahod, trabaho, at karapatan namin,” giit ni Dimaunahan.

Paniningil sa pagsasamantala

Dagdag ng unyon, ang kanilang laban ay hindi lamang para sa kanilang manggagawa ng Kowloon House West kundi para din sa mas malawak na hanay ng mga manggagawang nakararanas ng umano’y pagsasamantala sa kabuhayan at pasahod.

Nakatakdang isagawa ang ikalawang conference ngayong Lunes, ika-20 ng Abril, sa pagitan ng mga panig sa ilalim ng pangangasiwa ng DOLE. Patuloy ang picketline habang naghihintay ng magiging resulta ng negosasyon.

Umaasa ang mga manggagawa na magkakaroon ng konkretong resolusyon sa kanilang panawagan sa pulong na ito, bagama’t aminado silang nananatiling mahirap ang sitwasyon dahil sa kawalan ng tugon at pakikitungo ng pamunuan sa mga nagdaang araw ng welga.

Mga Kamakailang Istorya