May sakuna? Kalooban iyan ng Diyos. 

May kawalan ng katarungan? Ipagpasa-Diyos na lang siguro natin. 

May sakuna ulit? Darating na ang rapture. Magbago na kayo! 

Gagawa ng batas? Tingnan muna natin kung ano ang sabi sa Bible. 

May nangyaring maganda? Thank you, Lord

May nangyaring masama? Dahil iyan sa free will.

Sa dami ng tanong at sagot, tila iisa lang ang direksyon: pataas. Palaging pataas. 

Ngunit paano kung ang tanong ay hindi kung saan tayo tumitingin—kundi kung ano ang hindi na natin tinitingnan? Iisa lang naman ang ipinahihiwatig ng mga ito: kailan nga ba nagiging pagkahibang ang pananampalataya?

Sa loob ng mahaba’t masalimuot na kasaysayan ng Pilipinas, hindi maikakaila ang lalim ng ugnayan ng relihiyon at lipunan. Likas na sa mga Pilipino ang pagiging relihiyoso o espirituwal bago pa man dumating ang Katolisismo. Ang mga sinaunang Pilipino ay may malalim na paniniwala sa animismo (paniniwalang may kaluluwa ang kalikasan), pagsamba sa mga anito (espiritu ng mga ninuno), at paggalang sa mga diyos tulad ni Bathala. Marahil isa ito sa mga dahilan kaya’t mabilis na lumaganap ang Katolisismo sa pagdating ng mga mananakop na Espanyol sa bansa. Umusbong ang isang pagbabagong hindi lamang bunga ng paniniwala kundi pati ng kapangyarihan at dahas.

Sa kasalukuyan, nananatili ang Kristiyanismo, na pinangungunahan ng pangkat Katoliko, bilang relihiyon na may pinakamaraming tagasunod sa Pilipinas. Para sa maraming Pilipino, ang pananampalataya ay nagsisilbing sandigan sa gitna ng kahirapan, krisis, at kawalang-katiyakan. Sa isang lipunang kulang sa seguridad—sa trabaho, sa kalusugan, sa kinabukasan—likas lamang na kumapit ang marami sa paniniwala sa isang mas mataas na kapangyarihan. Ito ang nagbibigay ng kahulugan sa paghihirap at pag-asa sa gitna ng kawalan.

Ngunit dito rin nagsisimula ang panganib.

Hindi ang pananampalataya ang suliranin, kundi ang pananampalatayang hindi na sinusuri—ang pananampalatayang tinatanggap bilang ganap na katotohanan at hindi na maaaring kuwestyunin. Sa puntong ito, ang paniniwala ay tumitigil sa pagiging gabay at nagiging utos. Nawawala ang puwang para sa pagdududa, at kasama nito, ang kakayahang mag-isip nang kritikal.

Kapag ang lahat ay may iisang sagot, wala nang natitirang tanong.

Makikita ang ganitong uri ng pag-iisip sa konkretong anyo ng debosyon. Nitong katatapos lamang na Semana Santa, marami muli ang nagpenitensiya o pinahirapan ang sarili bilang panata o paghuhugas ng kasalanan. Ngunit ang ganitong gawain ay nagpapakita rin ng isang paniniwalang hindi na sinusuri: na ang pisikal na pagdurusa ay may katumbas na espiritwal na halaga, na ang sakit ay isang tunay na paraan ng debosyon. Tila ang katawan ay nagiging kasangkapan ng pananampalataya, kahit pa ito’y nasasaktan o nalalagay sa panganib. Ngunit pagkatapos ng pagpapasakit sa sarili upang mahugasan ang mga kasalanan, ano na ang susunod na hakbang? Tunay nga ba ang pagsisisi, o gagawa muli ng alam nilang mali sapagkat malilinis naman itong muli sa susunod na taon? Ito nga ba’y penitensiya o perpormatensiya?

Hindi na tinatanong kung may saysay nga ba talaga ‘to; sapat nang iugnay ito sa Diyos at relihiyon—isang kaisipan na hindi nagtatapos sa personal na debosyon, kundi umaabot din hanggang sa mga pagpapasyang panlipunan.

Tunay. Tama. Higit pang lumalalim ang implikasyon nito sa larangan ng politika at lipunan. Sa kabila ng malinaw na pagkakahiwalay ng estado at simbahan ayon sa 1987 Constitution of the Philippines, hindi maikakaila ang patuloy na epekto ng relihiyosong paniniwala sa mga desisyong pampubliko. Sa mga usaping tulad ng diborsyo, reproductive health, same sex marriage o union, at maging ang  Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill, madalas na ginagamit ang relihiyon bilang pangunahing batayan ng argumento. At ang malala pa, ginagamit itong batayan sa paggawa ng batas o ‘di kaya’y hindi paggawa nito.

Halimbawa na lamang, ang Pilipinas ay isa sa dalawang bansang ilegal ang diborsyo. May mga iilang maaaring magdiborsiyo tulad ng mga Muslim, iilang Indigenous Peoples, mga Pilipinong kasal sa banyaga, ngunit ilegal pa rin ito para sa mayorya. Ang dahilan? Bawal paghiwalayin ang babae’t lalaking nangako sa Diyos na hindi maghihiwalay, sa hirap man o ginhawa, sa kasiyahan man o dalamhati. Kahit hindi na masaya, kahit may isang araw-araw na pinauuulanan ng suntok sa katawan at saksak sa dibdib, at kahit may mga matang naniningkit na dulot ng walang-katapusang pagluha ng mga ‘to—hindi maaaring maghiwalay ang dalawang minsan nang “pinag-isa.”

Ang daling magtapos ng argumento gamit ang relihiyon. May mga pagkakataon na ang sagot lang ay: “Hindi ‘yan ayon sa Bibliya.” At doon na natatapos ang usapan. Wala nang diskusyon. Wala nang pagtingin sa ibang perspektibo. Tila awtomatiko’t sapat na ‘yon bilang dahilan—kahit ang epekto ng desisyon ay para sa buong bansa, hindi lang sa iisang pangkat. Ang mga hindi naniniwala ay nawawalan ng tinig, at ang iba’t ibang karanasan ay hindi naisasama sa pagdedesisyon. Sa ganitong kalagayan, ang estado ay hindi na ganap na sekular—ito ay nagiging tagapagpatupad ng paniniwala ng iilan.

Ngunit hindi lamang impluwensya ang nakikita rito, kundi pati isang uri ng pag-aangkin sa katotohanan.

Kapag nasanay ang isang tao na ang kaniyang paniniwala ang “tama,” madaling sumunod ang susunod na hakbang: ang iba ay “mali.” At kung mali sila, kailangan silang ituwid—o tuluyang itakwil. Ang paniniwala na hindi nakasaad sa kanilang kasulatan ay kasalanan dahil ito ay sinasabi sa kasulatang ‘yon. Umiikot lamang sa sarili ang paliwanag: “Totoo ito sapagkat ito ang sinasabi sa banal na kasulatan.” Ang ebidensiya at ang konklusyon ay iisa. Walang puwang para sa labas, at lalong walang puwang para sa pagtutol.

Ngunit ano nga ba talaga ang mabuti at paano nga ba maging banal?

Madalas marinig ang ganitong pahayag: “Hindi sapat na mabuti lang. Dapat naniniwala at nananalig ka sa Kaniya, dahil iyon lamang ang magliligtas sa iyo.” Ang pinakadakilang gantimpala ay ang buhay na walang hanggan at ang makapiling ang Diyos sa langit.” Ngunit kung hindi sapat ang pagiging mabuti at kinakailangan ang pananalig upang makamit ang kataas-taasang gantimpala, paano naman ang mga hindi naniniwala? Paano ang mga walang kaalaman hinggil sa relihiyon at sa Diyos na ito? Hahayaan na lamang ba silang hindi makabahagi sa pinakadakilang gantimpala? Iyon ba ang walang pag-iimbot na pag-ibig?

Kung ang pinakamimithing gantimpala ay ang panghabangbuhay na paninirahan sa piling ng Diyos, hindi ba’t tila ipinahihiwatig nito na maaaring maisantabi ang tanong ng mabuti at masama, sapagkat higit na pinahahalagahan ang pananalig kaysa sa gawa?

Ngunit baka nga pili lamang ang mga katanggap-tanggap ng mga tagasunod at maging ng Diyos—hindi batay sa kanilang pagkatao o kabutihan, kundi sa kanilang pagiging tagasunod.

Bawal maging bakla; maaaring itakwil ang sariling anak kung siya'y magbabakla sapagkat kasalanan daw ito sa Bibliya. Ngunit kapag ang isang pastor o pari ay nagkasala ng karumal-dumal na gawain, tulad ng panggagahasa sa musmos, biglang nagiging madali ang pagpapatawad at mas nagiging maunawain ang pag-ibig ng tao at Diyos: "tao lang din siya," "ipagdasal na lang natin," o kaya'y "kung ang Diyos ay nagpapatawad, sino tayo upang hindi magpatawad?" Bakit kaya? Marahil ay dahil siya'y naniniwala at nananalig sa Diyos. Siguro nga'y tunay na dapat mas bigyang-halaga ang pananampalataya kesa sa mabuting gawa.

Sa mga pagkakataong tulad nito, mas luimilinaw kung saan talaga nagmumula ang sukatan ng mabuti at masama, ng tama at mali. Hindi ito nakabatay sa mismong gawa, kundi sa kung sino ang pinaniniwalaan at sinusunod—sa isang liwanag na tinitingala at inaakalang nagbibigay-linaw,  ngunit maaaring nakasisilaw at tuluyang bumulag sa pag-iisip.

Kapag may nangyaring maganda, ang daling sabihing, “salamat po, Lord” at “lahat ng ito’y dahil sa Iyo.” Ngunit kapag may nangyaring masama, biglang nag-iiba ang tono—“pagsubok lang ‘yan,” “may dahilan ang Diyos,” o kaya naman ay isisisi sa tao: “it’s human’s free will.” Bakit ganoon? Bakit kapag maganda, Diyos ang dahilan—pero kapag masama, hindi Siya puwedeng managot? Bakit tila tanging magaganda, papuri, at pasasalamat lamang ang maaaring ipagkaloob sa Kaniya?  

Sa tuwing may trahedya, laging may mga tinig na nag-uugnay nito sa katapusan: “Malapit na ang rapture. Nakasaad ito sa Revelation. Magbago na kayo.” Sa halip na unawain kung ano talaga ang nangyari, napapalitan ito ng takot at moral na pananakot. Sa halip na kumilos, naghihintay. Sa halip na magtanong, nananahimik. Dito na nagiging mapanganib ang pananampalataya.

Kapag ginagamit na ito hindi para umunawa o magkaroon ng sandigan, kundi para umiwas. Kapag ginagawa na itong sagot sa lahat, kahit hindi naman nito sinasagot ang tunay na suliranin. Kapag ginagawa na itong pinanggalingan at patutunguhan ng lahat. Kapag ginagawa na itong batayan ng dapat at huwag, ng wala at lahat, ng simula at wakas.

Hindi kailangang talikuran ang pananampalataya, lalo na upang malaman ang panganib nito. Sa halip, kailangangang harapin ang katotohanang maaari itong maging parehong sandigan at hadlang—pinagmumulan ng pag-asa, ngunit maaari ring maging dahilan ng pag-iwas sa pananagutan. Hindi lahat ng sagot ay sapat dahil lamang ito’y nakaugat sa paniniwala. May mga tanong na hindi dapat tinatakasan, at may mga suliraning hindi dapat ipinapasa lamang sa nararamdaman ngunit hindi kailanman nagpapakita. Maniwala kung nais maniwala. Manampalataya kung doon ka nakahahanap ng pag-asa. Ngunit huwag itigil ang pag-iisip. Huwag itigil ang pagtatanong at pagbubusisi.

Sapagkat kung ang pananampalataya ay hinubog ng kolonyalismo at patuloy na humuhubog sa buhay at landas ng nakararami, hindi ba’t nararapat lamang na ito’y suriin? At kapag hindi na nito kayang tumanggap ng tanong, hindi na ito gabay; isa na itong tanikala.

At kung sa bawat pagkakataon ay pipiliin nating huwag magtanong—walang himala.

Hindi dahil walang Diyos, o dahil may Diyos, kundi dahil pinili nating hindi baguhin ang nararapat baguhin.

Mga Kamakailang Istorya