“May liham si Juan! May liham si Juan!” sigaw ng mga katrabaho niya. Dali-dali niya itong binuksan. Galing daw kasi sa mga nakatataas ito. Ngunit, hala! Isang libong engagement ang kailangan dahil naka-probation siya hanggang sa makamit ito?! “Makatao pa ba iyon?” isip ni Juan. Pero wala nang panahon para mag-isip pa ng gano’n—trabaho na, sige na! Nagbukas na ito ng ChatGPT, Gemini, at Grokmalaking tulong kaya sa kanila iyon?—at agad-agad nang sinimulang mag-post sa X at Facebook.

Hindi na lang ito nagreklamo dahil, sa wakas, may trabaho na si Juan Bubuyog… sa dambuhalang Queen B. nga lang! Kailangan lang niyang umabot ng isang libong likes, shares, at replies kung saan-saan. Sige na, ‘di bale nang isantabi kung ano ba ang totoo niyang nararamdaman sa mga isyung sinusulatan niya. Isang turok ng “8080 ka naman, wala kang alam sa US-Israel!” dito, ilan pang turok ng “US means FREEDOM!” doon, sapat na para masustentuhan ang pamilya para sa isang buwan, hindi ba?

Ngunit, Juan Bubuyog, ginagamit mo ba ang panturok mo sa tamang paraan? Sa tuwing nakakauwi ka galing sa panunurok sa internet, akala mo ba ay may ginagawa kang tama? Nabibili na ba ng dami ng engagement ang bibig mong iyan? Ang tumatayong Queen B. mo, siya ba ang nagpapakain sa’yo—o baliktad kaya at pinapakain mo ang hindi mapuksang gutom ng Israel para sa giyera? Naku, Juan Bubuyog, yung tahimik mong BZZZ na ‘yan? Pumapatong-patong at nagiging ingay lamang sa tenga ng mga tao. Iisa lang ang pugad na sinusustentuhan ng Queen B. mo. Gamit ang daan-daang troll account, sinadya lamang nilang pakainin ang FIMI ng mga dambuhalang bansang mahilig sa warla!

Teka—FIMI, ano yun?! Ito ang tinatawag na Foreign Information and Manipulation Interference—ang intensiyonal na pagpapalaganap ng mga naratibong nagpapalakas sa sosyopolitikal at ekonomikal na polarisasyon. Walang pakialam ang mga nagpapalaganap ng FIMI sa katotohanan; ang tanging mahalaga ay ang banyagang naratibo. Wala ring pakialam ang mga banyagang ito sa totoong kalagayan ng mga tao sa likod ng mga naratibo, katulad na lamang ni Juan Bubuyog, na may mga fake account o troll at binabayaran lamang na mag-post.

Nagiging kulang ang salitang ‘fake news’ sa paglalarawan nito dahil hindi naman talaga masasabing balita ang impormasyong hindi totoo, atsaka hindi lang simpleng fake headline ang sinusulat ni Juan. Hindi lang iisang headline kundi daan-daang tweet, comment, at post ng mga troll.

Ngunit, hindi naman yata tamang sabihing mga tambay lang sa social media at walang magawa sa buhay ang mga troll na ito. Sa katunayan ay para silang mga worker bees na may 8-to-5 na oras ng trabahong kinakayod, kakarampot na lunch break, hindi makataong pasahod, at pamilyang binubuhay. Ang gawain nila? Mag-post sa iba’t ibang account sa social media upang itulak ang adyenda ng Queen B. nila na si Israel.

Ang adyenda ng Israel? Kumbinsihin ang buong mundo na wala silang ginagawang mali. Hindi basta-basta ang trabaho ni Juan Bubuyog. Paano ba naman, kailangang niyang ipaniwala sa sangkatauhan na ang mga batang ginugutom at pinapahirapan ng Israel ay mga terorista. At ang mga eskuwelahan at ospital na pinapabomba ng Queen B.? Umano’y himpilan ng mga rebelde! 

At kahit feeling naman ni Juan na malayo siya—isang bubuyog na nasa harap ng screen—sa nangyayari sa Iran at Palestina… sangkot pa rin siya at lahat ng mga troll sa pagpapalaganap ng naratibong ito. 

Ang pinakamalala pa sa FIMI—hindi naman ito tahasang ilegal! Dahil dito, tuloy tuloy ang pang-aabuso ng mga dambulang bansa katulad ng Israel. Ayon sa isang dokumentong natagpuan ng Electronic Intifada, pinondohan ng gobyernong Israel ang isang global influence campaign na layuning pumuksa sa Boycott, Divestment and Sanctions (BDS) movement ng Palestina. Gumawa sila ng mobile app at nagtatalaga ng mga “misyon” na may kapalit na premyo. Dumidiretso ang mga komento ng mga troll sa mga website na sumusuporta sa diskriminasyon at giyera, habang walang-awang inaatake ang mga kampanya para sa kapayapaan. Sangkot na rito ang mga binabayaran nila mula iba’t ibang mga bansa, katulad na lamang ni Juan Bubuyog, upang mangialam ang kuro-kuro sa katotohanan. Magkano ang badyet nila? 1.1 milyong dolyar. Grabe ka, Juan, big time ka na!

Mga Sanggunian:

Cabato, R., Libot, G., Cabato, R., & Libot, G. (2025, August 10). Five Ways the Duterte Influence Machine is Deceiving Filipinos. Philippine Center for Investigative Journalism. https://pcij.org/2025/08/07/five-ways-the-duterte-influence-machine-is-deceiving-filipinos/

Winstanley, A. (2019, June 12). Inside Israel’s million dollar troll army. The Electronic Infitada. https://electronicintifada.net/content/inside-israels-million-dollar-troll-army/27566

Mga Kamakailang Istorya