
Alas kuwatro na ng hapon. Pitong oras na ang nagugol. Nakangiti na siya. Isang oras na lang, maiwawaglit na rin ang tabang ng gawaing opisina. Sa maghapong pagod, ipupuslit niya ang munting pahinga para manood ng ilang reels. Agad na bungad ang nakatatakam na bidyo ng mga pagkain: Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? Ano, tara?
Sa isang banda, nag-uumapaw ang pino at berdeng pistachio cream na nakahalo sa malutong na kataifi habang nakapaloob sa pait-tamis ng marshmallow at tsokolate. Sa kabila, malutong at matingkad ang kahel na balat na bumabalot sa alat at linamnam ng longganisa, itlog, at papaya habang pinaliguan ng asim-anghang ng sukang Ilokos.
Parehong nakatatakam. Parehong gustong tikman. Pareho sanang pupuntahan sa Fusion Alley. Ngunit bago pa man ituro ng mga kamay ng orasan ang alas singko, hayag na ng kaniyang bisor: “Overtime muna today. Maraming kailangang tapusin.” Dagdag trabaho, walang dagdag suweldo. Napangiti na lang sa pakla ng trabahong kailangang tiisin dahil hindi lang kaniyang sikmura ang umaasa sa katiting na sahod mula rito.
Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? Ewan, basta maayos na trabaho na hindi overworked and underpaid.
Alas otso na ng gabi. Ubos na ang pareho at wala na siyang nadatnan. Uuwi na lang sana at magpapahinga, ngunit tila hindi pa siya nakalalaya sa impyerno. Lalakbayin pa niya ang makipot na sidewalk na kinain na ng kalsada at ng mga motorista. Aakyatin niya pa ang mala-bundok na footbridge makarating lang sa kabilang kalsada. Lalanguyin niya pa ang dagat-dagatang kumpulan ng mga taong nag-aagawan ng masasakyan. Dadanasin niya pa ang init, siksikan, at pakikipagbuno sa walang usad na trapiko. Bago pa man makauwi, umay na ang kaluluwa sa bulok na sistemang araw-araw sinisikmura.
Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? Idk teh, siguro kahit maayos na gobyerno at public transportation man lang.
Alas diyes na ng gabi. Nakarating na siya sa bahay. Takam at walang laman ang sikmura. Bago pa man matikman ang de-latang pinagkasya sa buong pamilya o kaya tirang ulam mula sa tanghalian ay napaso na siya ng bangayan. Umaalingawngaw ang sigawan ng lasenggong tatay at nanay na lulong sa scatter. Wala nang laman ang ref. Mapuputulan na ng kuryente. Naniningil na ang inutangan. Hindi pa nalamnan ang tiyan, busog na siya sa pagpapak ng mga problema. Wala siyang magawa kundi lunukin ang bigat ng emosyon at ang kawalan ng kapayapaan sa sariling pamilya.
Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? Di ko alam, pwede bang pamilya who'll make me feel like I don't have to do it all alone?
Pasapit na ang hatinggabi, nakahiga na siya ngunit hindi pa rin madalaw ng antok. Manipis ang dingding ng bahay; rinig na rinig ang walang tigil na kahol ng aso at sirena ng ambulansiya. Dama ang alinsangan ng masikip na eskinita. Ngunit mas dama ang marahas na kalam, hindi lamang ng kaniyang tiyan, kundi pati ng kaniyang bulsa at kaluluwa. Kasabay nito, isang matinding impatso ang namumuo sa kaniyang dibdib, hindi sa dami ng kinain, kundi sa mga problemang hindi matunaw sa isipan.
Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? Simple lang, peace of mind.
Alas dos na ng madaling-araw. Tutok ang mga mata sa bughaw na liwanag ng iskrin. Naghahanap ng panandaliang aliw na magsisilbing pampamanhid sa pait ng reyalidad. Naghahanap ng panandaliang lunas upang makalasap ng mumunting pahinga mula sa buhay na gusto nang isuka. Ngunit maging dito ay wala siyang takas sa nakabibinging ingay ng korapsiyon, patayan, bangayan sa pulitika, pagtaas ng presyo ng iba’t ibang bilihin, at giyera. Literal ang doomscrolling dahil tila kailanman hindi niya na mananamnam ang ginhawa. Siguro ay hanggang panaginip na lang. Nanunuot na ang pagod sa buto at bumibigat na ang talukap hanggang tuluyan nang nahimbing.
Dubai chewy cookie o Ilocos empanada? T*ngina. Maayos na buhay!
Alas nuwebe na ng umaga. Malalim ang kaniyang buntong-hininga. Nagising siya mula sa karimarimarim na panaginip—ang dati niyang buhay sa Pilipinas. Hawak pa sa kamay ang selpon. Sa iskrin, bukas ang comment section ng isang viral food poll: “Dubai chewy cookie o Ilocos empanada?” Nakatulog pala siya sa pag-doomscroll kagabi. Hindi niya namalayang ang mga kumpisal ng mga taong ginamit na sandata ang absurdist humor ay tumagos hanggang sa kaniyang panaginip. Nakakatawa, ngunit labis na nakalulungkot.
Tumayo siya mula sa malambot na kama at dumungaw sa malawak na bintana. Napangiti siya nang masilayan ang kakaibang tanawin mula sa kaniyang bahay sa kabilang ibayo. Narating niya na ang greener pastures na kasing berde ng pistachio cream at natatanaw niya ang pagsikat ng panibagong araw na kasing-tingkad ng balat ng empanada. Ligtas na siya sa impiyernong kaniyang nilisan. Dito, hindi niya na kailangang tiisin ang pait at alat ng buhay. Dito, kaya niyang kainin ang parehong Dubai chewy cookie at Ilocos empanada.
Dahil sa kawalan ng pagdinig sa hinaing ng masa, ang internet ang naging huling santuwaryo ng mga inalisan ng boses. Ginawa nating katatawanan ang ating pagod upang hindi tuluyang mabaliw. Subalit, isa itong mapait na pamana ng ating conditioned resilience—ang nakalalasong pagromantisa sa ating kakayahang magtiis na patuloy na ginagamit na sandata ng mga mapagsamantala upang takasan ang kanilang pananagutan. Pinipili nating tawanan ang sariling hapis, hindi dahil masaya tayo, kundi dahil ubos na ang ating luha.
Lilipas din ang trend na ito. Katulad ng ibang viral content na nilulunok ng teknolohiya, matatabunan ito ng panibagong ingay sa internet bukas o sa makalawa. Ngunit ang pangarap, pag-asa, at matinding pagod na ibinuhos ng libo-libong Pilipino sa maliit na comment section na iyon ay mananatiling totoo hangga't hindi nababago ang malupit na reyalidad na pilit nating tinatakasan araw-araw.

.png)
-6.png)
-5(1).png)
-4.png)
-3(1).png)
.png)
-3.png)
.png)
(1).png)




.png)

.webp)