Pormal nang pinasinayaan ng Ateneo Institute of Sustainability (AIS) ang Sustainable University Master Plan (SUMP) nitong Huwebes, ika-12 ng Pebrero, sa CTC 413 upang ilatag ang mga plano ng pamantasan sa tunguhin nito na maging isang “Laudato Si’ University” at pagkamit ng carbon neutrality sa taong 2050.

Ang nasabing plano ay binuo ng AIS sa ilalim ng Office of the President bilang tugon sa panawagan ng yumaong Santo Papa, Pope Francis, na Integral Ecology. Nilalayon nitong pag-iisahin ang polisiya ng iba’t ibang ahensya at yunit ng pamantasan sa Higher Education, Basic Education, at Central Administration Service Units (CASU) communities sa ilalim ng iisang harmonisadong direksyon. 

Nakaugat ang nasabing masterplan sa konseptong Integral Ecology, o ang responsableng pangangalaga sa kalikasan na nakaangkla kasabay ng hangaring mapagyabong ang ekonomiya. 

Ayon kay Dr. Emmanuel Delocado, pinuno ng Ateneo Institute of Sustainability (AIS), bunga ng 27 konsultasyon at nagsilbing “collective reimagination” ng komunidad ang naturang master plan. Iginiit niya na ang pagiging sustainable ay hindi na bago sa unibersidad dahil bahagi na ito ng motto ng pamantasan na “Lux in Domino” o “Sulo sa Panginoon”. 

“It’s always nice to hear na ginagawa na ito ng Ateneo noon pa, pero dahil sa pandemya, naging hamon ito. Ang SUMP ang ating harmonized picture para sa kinabukasan,” ani Delocado. 

Nagpahayag naman ng suporta ang Scholar’s Representative na si Hyxll Almonguera kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paglabas sa silid-aralan upang maunawaan ang mabigat na tawag ng pangangalaga sa kalikasan.

Aniya, “In my four-year journey in Ateneo. I've come to understand that not all meaningful lessons are taught inside classrooms. Sometimes, the most life-changing wisdom comes from those deep encounters.  The greetings I learned from my nanay from Rizal as they fight for their rights against the Kaliwa Dam. These experiences shaped my understanding of what it truly means to build a sustainable, inclusive, and just society." 

Ang SUMP, na inaprubahan ng Board of Trustees noong Nobyembre 2025, ang magsisilbing pundasyon para sa iba pang estratehiya ng paaralan sa pagpapanatili ng kaayusan ng kalikasan sa pamantasan tulad ng Climate Action Plan at Land Use Master Plan. 

Mga Kamakailang Istorya