Hinatulang guilty ng Tacloban Regional Trial Court (RTC) Branch 45 sa kasong terrorism financing ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at lay worker na si Marielle Domequil, parehong miyembro ng “Tacloban 5,” ngayong Huwebes, ika-22 ng Enero.

Bagaman pinawalang-sala sina Cumpio at Domequil sa kasong illegal possession of firearms, nahaharap pa rin sila sa 12 taong pagkakakulong. Ito ay sa kabila ng naunang pagbasura ng Court of Appeals sa kasong forfeiture at murder, pati na rin ang pagsasawalang-bisa ng Laoang RTC sa kasong murder at attempted murder laban kay Cumpio. 

Nakaugat ang kaso sa natagpuang pumpon ng pera sa Eastern Vista Office, ang headquarters ni Cumpio sa Tacloban City. Ayon sa depensa, nakalaan sana ang pondo para sa radio fees at kampanya para sa mga magsasaka, ngunit iginiit ng kapulisan na ito ay umano’y pondo para sa New People's Army (NPA). 

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang legal counsel ng dalawa na si Atty. Julianna Agpalo sa naging desisyon ng Tacloban RTC. Aniya, hindi niya inaasahan na gagamitin ang terror financing bilang “weapon of choice” o sandata para patahimikin ang mga mamamahayag. 

“It’s not something that we expected, of course, considering how the case proceeded. However, we understand that terror financing is still really the weapon of choice when it comes to prosecuting or even silencing dissent, especially for community journalists,” hayag ni Agpalo.

Nakatakdang maghain ng motion to post bail ang kampo nina Cumpio at Domequil.

Matatandaang dinakip sina Cumpio, Domequil, kasama ang tatlong pang rights advocates na sina Alexander Philip Abinguna, Mira Legion, and Marissa Cabaljao, noong Pebrero 2020 sa bisa ng search warrant na nagresulta sa mga paratang na illegal possessions of firearms at terrorism financing.

Mga Kamakailang Istorya