(2).png)
Panibagong TALAB na naman ang nagdaan ngunit paulit-ulit na mga reklamo’t komento pa rin ang naririnig: mabagal at nagka-crash na website, maging ang mga hindi interesadong tagapakinig sa bawat aktibidad. Bilang isang programang nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral sa mga isyung bumabalot sa bansa, nararapat lamang na tanungin kung ang TALAB nga ba ay tunay na tumatalab—o isa na lamang itong programang pampormalidad sa kalendaryo ng ating unibersidad?
Ang Talakayang Alay sa Bayan o TALAB, ang taunang programa sa Pamantasang Ateneo de Manila na naglalayong tiyakin ang pagiging mulat ng mga Atenista sa mga pambansang isyu. Pangunahin itong inoorganisa ng Ateneo kasabay ang mga student-led organizations gaya ng Council of Organizations of the Ateneo-Manila (COA-M). Ngayong taon, ang tema ng TALAB ay “Walking with the Excluded.” Layon ng temang ito na tawagin ang mga miyembro ng komunidad ng Ateneo na pakinggan ang mga hinaing ng marhinalisadong sektor, at samahan sila sa landas na kanilang tinatahak. May mga field trips, workshops, film screenings, at talks na idinisenyong paigtingin ang kritikal na pag-iisip at pananagutang panlipunan ng mga estudyante.
Sa isang banda, nagiging epektibo ang TALAB sa paglinang sa kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Pinatitibay nito ang kanilang paninindigan na magsuri, magtanong, at maghayag ng pansariling saloobin. Nagkakaroon sila ng pagkakataong maunawaan ang mga isyung panlipunan at pampolitikal na bumabalot sa bansa. Bukod dito, pinapaigting ng TALAB ang diwa ng pagiging tao para sa kapwa ng mga Atenista sa paghimok sa kanila na makiisa sa mga adbokasiya na inilulunsad ng bawat organisasyon na nakikilahok sa TALAB.
Ngunit sa kabila ng mga adhikaing ito, nangingibabaw ang isang isyu na tila’y nagpapahina sa layunin ng TALAB—ang pananaw ng mga Atenista sa programa. Marami ang dumadalo hindi dahil nais nilang makinig o makibahagi, kundi dahil ito ay required. Sa araw mismo ng TALAB, madalas makita ang ilan na walang gana, nakatutok sa cellphone, o kaya’y nahihimbing sa gitna ng talakayan. Ang mga ganitong tanong: “required ba talaga ang TALAB?” o “anong mangyayari kung hindi ako mag-enlist?” ay nagpapakita na, para sa ilan, isa na lamang itong obligasyong pang-akademiko, hindi isang pagkakataon para sa malay na pakikilahok. Ang TALAB, na dapat ay “alay sa bayan,” ay nagiging “alay sa attendance.”
Bakit nga ba naging ganito ang realidad ng TALAB? Masasabi na ang mismong sistema ng TALAB ang nagdudulot sa ganitong pag-uugali ng mga mag-aaral. Una, ang pormat ng programa ay halos hindi naiiba sa isang academic requirement. Sa enlistment, ramdam na ang pagkabalisa ng bawat estudyante dahil sa mabagal at nagka-crash na website. Binabaha ng reklamo ang mga group chat at ang ADMU Freedom Wall dahil pahirapan na naman ang pag-enlist. Ang “by batch” na sistema na sana’y makatutulong sa pagbawas sa problema ay dumagdag pa dahil nagiging limitado pa rin ang slots sa iilang programa. Dahil dito, napipilitan ang marami na piliin kung ano ang available upang makasiguro na may ma-enlist sila at matapos ang requirement, kahit hindi naman talaga nila ito gusto. Sa ganitong proseso, nawawala ang oportunidad na pumili ng aktibidad na kanilang napupusuan—nasaito ay nagiging sayang ang na espasyong dapat sana ay para sa makabuluhang pagkatuto, bagkus napapalitan na lamang ng praktikal na pangangailangan para makapag-enlist sa kahit anong aktibidad.
Pangalawa, ang pagkakaroon ng 4-hour activity requirement ay malinaw na nakakadagdag sa kawalan ng gana ng mga mag-aaral na tunay na makilahok sa TALAB. Kung ang isang inisyatiba ay itinatali sa numerong oras kaysa sa malinaw na kalidad ng karanasan, hindi maiiwasang mabura ang organikong interes ng mga estudyante. Lalo pang lumalalim ang suliranin dahil ito ay ginagawang requirement para sa mga asignaturang tulad ng Theology at NSTP, na naglilipat sa programa mula sa pagiging imbitasyon tungo sa pagiging obligasyon. Sa ganitong kalakaran, hindi maiiwasang mabuo sa mga estudyante ang mentalidad na ang pinakamahalaga ay makapasa, hindi matuto. Kasabay nito, ang pagbibigay ng incentives ng ilang guro, gaya ng bonus points, ay lalo lamang nagpapalalim sa impresyong ang TALAB ay isang aktibidad na kailangang pagtiisan. Dahil sa mga salik na ito, nagiging transaksiyonal na ang pakikilahok ng mga estudyante sa programa imbes na transpormatibo.
Pangatlo, ang mas malalim na suliranin dito ay ang kawalan ng continuity pagkatapos ng TALAB. Sa ilalim ng sistemang nagpapairal sa kawalan ng interes, bihirang magkaroon ng mga kasunod pang aktibidad para patibayin ang mga adbokasiya na tinatalakay. Tila 3-day activism at panandaliang community engagement ang kabuuan ng programa na kapag natapos na ang isang talk, film, o workshop, kasabay na din ang pagtatapos ng usapan ukol dito. Bukod pa rito, madalang ang mga mekanismo upang sundan, sukatin, o protektahan ang anumang epekto ng mga aktibidad. Dahil dito, napuputol ang potensiyal ng TALAB at bumabalik na naman sa pundamental na problema: nagmumukha itong requirement imbes na tunay na partisipasyon.
Sa harap ng mga ganitong suliranin, mahalaga ang suriin kung paano maisasakatuparan ang mismong layunin ng programa. Kung gayon, masasabing tumatalab ang TALAB kung bukas ang tainga at isipan ng madla—bagay na masasabi kung hindi ito itinuturing na simpleng requirement lamang na kailangang tapusin. Kailangang rebisahin ang paraan ng pagpapatupad—mula sa enlistment at slot system, hanggang sa pagdidisenyo ng mga sesyon, at lalo na ang continuity pagkatapos ng programa. Kailangang bigyang-halaga ang kalidad ng karanasan, hindi lamang ang oras.
Palyado ang hangarin ng programa kung wala ang diwa ng tunay na pakikilahok at pagninilay. Walang tagumpay kung ito ay pormalidad lamang sa ating kalendaryo. Nararapat na higit pang mapanatili ang diwa ng TALAB—bukas, may malasakit, mapagmatyag, at pakikibahagi para sa bayan. Sa bawat tagapakinig, huwag hayaang manatili itong isang obligasyon lamang, bagkus ituring itong isang marahuyong pagkakataon upang magising, makiisa, at kumilos para sa pag-unlad ng lipunan. Sa bawat Atenistang nakikinig at tumutugon, doon tunay na tumatalab ang TALAB.

.png)
(1).png)


.jpg)


.png)

(1).jpg)




.png)
.png)
