.png)
MASAKER NG MENDIOLA
Enero 1987
Ang bawat simulain ay may kasamang pag-aalinlangan, may kasamang kaba sa di pa nalalaman, may kasamang pait at hapdi ng bagong kapanganakan. Ang bawat simulain ay simulain ng isang landas na babagtasin, landas marahil na puno ng mga kamalian at kahustuhan, na dadaan sa liwanag at malalim na kadiliman, sa katatagan at matarik na kabundukan, sa kapayapaan at, minsa’y ‘di maiiwasan, sa karahasan.
Ang bawat landas ay tinatahak ng tao— taong mapusok, taong laman na maaring pagharian ng gutom o galit, ng takot o tapang, taong nagpapasya, hawak ng sandali at ng sitwasyon, hawak ang sariling buhay o ang buhay ng iba.
Palubog na ang araw noon—pulahan ang kalangitan. Malamig ang hangin ng paparating na kagat ng dilim. Labingdalawa ng Enero, 1987. Mendiola. Libo-libong magsasaka, pagod, gutom, walang tulog, marahil wala na ring pag-asa, pasensiya, at tiwala, galit; matapang, handa - sumugad sila sa Mendiola. May ilang daang pulis at marino ang naghihintay sa kanila - mga kawal na sahuran, hawak ang Armalayt, kinakabahan, handang ipagtanggol ang inatasang pagtatanggulan at ang sarili kung kinakailangan.
Sinong makapagsasabi kung ano ang kalalabasan ng pagtutunggaling ion? Kung ano ang mga tunay at buong pangyayari ay walang pang nakatitiyak. Ngunit nang tumigil ang putukan, takbuhan, sigawan, at pagdurugo - apat ang bangkay sa semento ng Mendiola, labing-apat ang namatay sa ospital, walo ang kritikal pa. Natigilan ang bayan - nayanig, napasalupa ang makalangit na mga pangarap ng kapayapaan at matiwasay na kinabukasan.
Saan nagkamali?
Nagkamali nang malimutan na tao ang tumatahak sa landas ng kasaysayan. Nakalimutan na tao ang magsasaka at di istatiktika—taong marunong magalit at mawalan ng tiwala at pasensiya, taong kailangang kausapin, taong maralita na may mga sapat na karaingan, taong maaaring udyukin, paliboyin ang nagbabagong damdamin ukol sa repormang pinangako ngunit di pa nagkaka-totoo.
Nagkamali nang malimutan na ang sundalo ay tao na sa kabila ng organisasyon at disiplina ay maaaring bumaril kapag makapasyang may pangangailangan kahit kung sa pasya ng iba ay wala.
Nagkamali ng pagsabungin nang pagsabungin ang mga pwersang ito, ang mga damdaming ito, ang mga taong ito—ang magsasaka na walang ibang kasalanan kundi ang maging maralita at ang sundalo.
Nagkamali marahil ang mga pinuno ng magkabilang panig—isang pagkakamali na binunga ng dugo. Nagkamali nang paliyabin ang damdamin ng mga magsasaka ng mga taong ayaw silang harapin at ng mga tao ring inudyok silang sugurin ang anumang barikada at dumanak na ang dugo kung dumanak. At dumanak na nga ang dugo sa isang lipunang napakaraming paraan na upang lapitan ang isang problema o kawalan ng katarungan.
Nagkamali at malinaw na nagkasala ang militar sa di husto o maling paghahanda at pagkakahawak sa situwasyon. Kahit na sa anumang kadahilanan, ang paggamit ng bala-kaagad- sa isang demonstrasyon, gaano man kagulo o nananakot, ay di maaaring pahintulutan.
At marahil lahat tayo ay nagkamali nang ating isiping pagkawala ng sakit ng diktadura ay mawawala na ang mga sugat ng bansa. Nagkamali tayo sating pagwawalang-bahala at preokupasyon sa debote at pamumulitika habang maraming katarungan at karaingan—tulad ng isyu ng lupa - ay naipapatabi lamang.
Nagkamali ang lahat at lahat ang natalo - ang gobyerno sa pagsisikap nitong magkaroon ng katatagan at katahimikan, ang militar na nawalan na naman ng kredibilidad, ang magsasakang napaslang, ang sambayanang masasangkot muli sa kaguluhan ng mga darating pang mga pangyayaring pulitikal bunga nito.
Ang tanging nanalo lamang ay ang mga pwersang sumisikap na pabagsakin ang pamahalaang ito, ang nag-isang kaaway ng kapwa gobyerno at kilusang-magsasaka, ang puwersang nais umupo sa trono at ipataw ang programang nais nitong pairalin sa bansa, ang puwersang may interes na pagsabungin nang pagsabungin ang ating mga sarili hanggang sa huli’y kapwa mahina na ang nagtatalabang panig at sila ang nananatiling malakas.
Kung paghihiganti o konprontasyon ang habol ngayon ng mga nasangkot sa Mendiola at makamtan nila ito, maaaaring mag-palakpakan sila ngayon ngunit, sa hulihan, mas malakas ang palakpakan ng mga puwersang kapwa kalaban ng gobyerno at ng magsasaka.
Ang kinakailangan ngayon ay pagkilos. Katarungan. Pagkakapit-bisig muli. Kailangang parusahan ang mga nag-udyok ng karahasan sa anumang panig. Asahan nating gagamitin ang situwasyong ito ng sari-saring grupo para sa kani-kanilang interes at patakaran. Ganyan ang pulitika.
Sa kabuuan, naipapakita lamang ng pangyayaring ito na napakaraming isyu ng lipunan ang hindi pa nasasagot ng pamahalaan. Ang taong-bayan ang kinakailangan kumikos muli, sa isang mapayapang demokratikong paraan, upang maiharap at maiudyok ang pamahalaang agad harapin ang mga isyung ito.
Walang pamahalaang walang kahinaan, walang pagkakamali ngunit wala ring pamahalaang nagtagal na walang ugat sa mga tao at kanilang suliranin.
Sa mga panahong ito, ang pag-ibig sa bayan at kahandaang-mamatay para sa ito ay di na sapat. Ngayong wala na ang diktador, kinakailangang magbago ang mga mainit na damdamin at lumamig sa isang kalmado at malalim na pag-isip at pagkilos kung ang bagong-laya ang magsisikap na baguhin muli ng isang lipunan sa halip na sirain itong tuluyan. Ang kalayaan at demokrasya ay di kaagad nakapagbubuwag ng lahat ng maling institusyon sa lipunan. Hindi sapat na kalayaan at demokrasya ay umiral. Kailangang umiral ang lakas at pagsisikap ng tao na mapabuti ang sarili nilang situwasyon.

-3.png)
(1).png)
(1).png)
.png)


.jpg)


.png)




(2).png)
.png)
.png)