Nilinaw ng Sanggunian na manggagaling pa rin sa tuition revenues ang mas malaking bahagi ng pondo na nakalaan para sa scholarships, kasunod ng naunang anunsyo ng Sanggunian noong Enero hinggil sa panukala ng Vice President for Higher Education (VPHE) na tuluyang palitan ang paraan ng paglikom ng pondo sa mga iskolar sa susunod na taong panuruan.

Ayon sa pahayag ng Sanggunian nitong Biyernes, ika-20 ng Pebrero, klinaro ng Office of Admission and Aid (OAA) na ang posibleng pagbabago sa sistema ng pagpopondo para sa mga scholarship ay hindi buong ililipat mula sa revenue-based (mula sa matrikula ng mga mag-aaral) patungo sa donation-based (mula sa mga donor ng paaralan). 

Matatandaang umani ng reaksyon at kalituhan ang naging public briefer ng Sanggunian sa opisyal nitong Facebook page ukol sa naging pabatid ng VPHE sa Magtanong sa VP at mga Dekano forum noong ika-23 ng Enero na gawing "donation-based" ang pangunahing pagmumulan ng pondo ng scholarships. 

Ayon sa public briefer, ikinabahala ng mga dumalo sa naturang pulong ang seguridad sa pagpopondo sa mga iskolar sakaling ibatay lamang ang kanilang badyet sa mga donasyon, na inilarawan ng Sanggunian bilang ‘less predictable.’

‘Walang pangamba’ sa mga iskolar?

Sa ikalawang presentasyon ng panukalang badyet nitong Miyerkules, iminungkahi ni VPHE Maria Luz Vilches, PhD, na hindi dapat “ikaalarma” ang posibleng pagbawas ng revenue-based na scholarships dahil kasalukuyang isinasagawa ang malawakang kampanya para sa pagbuo ng pondo na pinangungunahan ng Office of University Development and Alumni Affairs (OAR) upang tiyakin ang patuloy na suporta para sa mga scholarships.

Dagdag niya, kinakailangan panatilihin ang 15% scholarship reimbursement rate mula sa matrikula dahil hindi na kayang sustentuhan ng unibersidad ang hihigit pa sa porsyentong ito.

Bilang bahagi ng pagtatakda para sa nakalaang pondo, inihayag ng VPHE na bababa sa 19.4% ang kabuuang bilang ng mga iskolar na nasa first year hanggang fifth year sa susunod na taong panuruan, kumpara sa mahigit 24% magmula noong pandemya.

 

Kapwa ipinaliwanag ng OAA at VPHE na ang pagbabang ito ay pagbabalik lamang sa “pre-pandemic rate,” at tiniyak na ang mga kasalukuyan at susunod na iskolar ay makakatanggap ng patuloy na suporta hanggang sa kanilang pagtatapos sa unibersidad.

“Hindi ka tatanggalin [bilang iskolar], unless talagang natanggal ka na lang because of [other reasons]. That’s a promise. If you are given a scholarship in the first year, we will do everything to support you until you graduate,” saad ni Vilches.

Sa kaugnay na usapin, ibinahagi rin ng OAA na nananatiling bukas ang tulong pinansyal para sa mga kasalukuyang mag-aaral, lalo na sa mga nakaambang epekto ng 6% na pagtaas ng matrikula.

Mga Kamakailang Istorya