Umaapaw sa entablado ang hiyaw ng Barangay Nina Kawan: Rampa! Isa pa, rampa! Ito’y pagandahan ng hiyas, pagalingan ng pag-akit, at paunahan ng pangarap…dahil sa paligsahan, may panalong inuulanan ng pera’t puri, at may talong lunod sa mga mithiing binara.

Narito ang unang huradong si Mayor Pan D. Raya, at ang asawang mala-First Lady, si Gng. Raya. Kasama nila ang punong barangay, ubod ng karisma’t gayuma, si Kapitan T. Wally, at ang kanilang matalik na kasabwat—este, kapwa manlilingkod—ang ingat-yaman na si Puno P. Taka. Magmumula sa kanilang kabutihang loob at kahusayang manloko ang premyong ₱180,000, na iisa lamang ang bagsak—sa kamay na nararapat o sa buwayang nangangagat? 

Isa-isang lumabas ang mga kandidata: awra kung awra, pakak kung pakak! Tumitingkad sa samu’t saring kulay ang kanilang mga evening gown—may rosas, asul, pula, at berde. Sabagay, sino ba naman ang magpapakita ng bahid ng kaitiman?

Simple lamang ang tanong sa harap ng taumbayan: Ano ang mga sistemikong kawalang katarungan na kanilang inaatrasan, at ano ang direksiyong kanilang patutunguhan? Ingat-ingat sa mga hanash, baka matunaw ang feslak at lumabas ang anaconda!

Nagsimula ang unang kandidata, “Bantay-sarado na nga sa censorship, lulubusin niyo pa ang confidential funds! Inaatrasan ko ang pagkakait ng pondo na nararapat sa pagsisiguro ng kalidad ng mga eskuwelahan, at sa paghahasa ng pagbasa at pagsulat ng mga Pilipino. This is me, Auntie Confi Dencial: ang ginto’t pilak ay nasa mayaman na utak!”

Hindi nagpatinag ang ikalawa, “Pondo gusto, serbisyo ayaw? Kulang-kulang na nga ang mga ospital, doktor, at nars, napakamahal pa ng mga bayarin. Ultimo gamot, therapy, at check-up, sobrang pakipot! Nauuna pang maalagaan ang ghost patients, aba ‘di na makalaya! Health is wealth pa ba itech kung kailangang yumaman bago matugunan?! Narito si Rita Medz, para sa makatarungang probisyong pangkalusugan!”

Nanatili ang apoy sa ikatlo, “Para sa mga politikong may special treatment, para kay Richard Gomez na gustong umepal sa bus lane, nakaka-haggard maging komyuterrr! I BELIEVE… na mas mahal pa sa isang lote sa Camella ang buhay ng bawat Pilipino. Aking tinututulan ang paglulustay ng pera para sa mga substandard na imprastruktura. Ako si Epifania de la Strutz, ang ‘di magigiba, ‘di mapatutumba!”

Ang huli naman, “Ang dami na palang nasabi ng mga bakla…Pero alam niyo, wala tayong basketball court! Paano naman makapaglalaro ang mga bagets… Gusto niyo ba ng basketball court? Sige, give ko na ‘yan, basta ako si Madam Cora, ang kalaban ng kasamaan at kadiliman, para sa serbisyong pampubliko!”

Umalingawngaw ang pag-asa ng mga kandidata at ng publiko nang umakyat sa entablado si Mayor Raya, hawak ang malaking tseke para sa kokoronahan. May consolation prize din para sa ibang kandidata—kakarampot nga lang, tira-tira na para bang pampalipas gutom lang.

“Mga bakla, handa na ba kayo?!” ani ng emcee na tinugunan ng kaniya-kaniyang hiyaw ng masa sa kanilang manok. “Ang bagong Reyna ng Brgy. Nina Kawan ay si…”

Congratulations, Cora Khutkot!

Awra lang nang awra. Nanaig pa rin sa bold red lipstick ni Cora ang kinang sa kabila ng sagot niyang kinakalawang. Kinamayan at niyakap siya ng mag-asawang Raya, at sa malapitan, tila magkamukha ang sequin sa kasuotan nina Cora at Gng. Raya—parehong galing sa kinang ng inang bayan.

Ladies and gentlemen, I have to apologize,” napatingin ang lahat sa emcee. “Ngayon lamang, may bagong pasabog: Ang premyo ng ating reyna ay galing daw sa mga binubulsa ng mga Raya! Isinapuso niyo ang mga pangalan niyo ah.”

“Walang batayan ang paratang na ‘yan,” angal ng alkalde. “Tapusin na lang natin ang programa, tutal nakuha naman ng mga ito ang gusto nila,” tinuro niya sina Confi, Rita, at Epifania.

Tila para sa alkalde, ang pagbibigay-espasyo sa kanila ay charity case, dahil makakalimutan din pagkatapos ang gilas at adbokasiya na inirampa nila sa entablado.

Si Cora ay nanigas sa shokot habang inaalalayan ng mga bodyguard ng alkalde sa backstage. Taray ni bakla, may knight in shining armor. Ngunit, kahit gaano pa kataas ang mga takong, walang mas mataas sa init ng dugong dumaloy sa ibang mga kandidata at sa madla. Agarang kumaripas si Confi para pigilan ang pagtakas ni Cora. Ginipit naman nina Rita at Epifania ang mag-asawang Raya sa entablado—wala silang kawala ngayon sa mga taong nagwawala sa ibaba.

“Hindi ito korona, kundi korapsiyon!” sigaw ng isa. “Mga bakla, atrasan na natin ang ganitong sistema. Nakakapagod na jusme!” 

“Gora na’t magtipon sa EDSA, dahil hindi dapat tayo nakukuntento sa mga chaka!”

At doon nagsimula ang isang rampang paatras. Paatras sa sistemang ganid, mapaniil, at hindi nararapat. Paatras pero umaabante pa rin, dahil ang dating kinikilalang kahinaan ay napatunayang kayang irampa ang hustisya. 

Ang kabaklaan ay katapangan. Ang kabaklaan ay pagkakaroon ng dangal. Nakilala na kung sino ang bakla at sino ang buwaya—dahil kung tutuusin, mas makapal pa ang mukha ng mga mandarambong kaysa sa mga kolorete ng mga taong madalas kung tawaging salot sa lipunan.

Mga Kamakailang Istorya