
Umani ng labis na kritisismo sa social media ang muling paglagda ng Pamantasang Ateneo de Manila sa Declaration of Cooperation kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong ika-19 ng Setyembre, upang ipagpatuloy ang kolaborasyon para sa mga inisyatibang sumusuporta sa pamumuno at pangangasiwa ng militar sa bansa.
Sa pangunguna ng Office for Strategic Studies and Strategy Management (OSSM) ng AFP Ateneo School of Government (ASoG), muling pagtitibayin at palalakasin ang kakayahan ng mga institusyon na may parehong layunin na magsulong ng “maayos na pamamahala at kapayapaan sa bansa.”
Sa isang komento mula sa Facebook post ng pamantasan, mariing kinuwestiyon ang taliwas na paninindigan ng pamantasan sa pagsusulong ng kapayapaan habang nakikipagkasundo sa institusyong kontrobersyal sa kaliwa’t kanang pang-aagrabyado ng karapatan mula sa mga mamamayan.

“According to the article, this DoC was signed in the name of “leadership and management capacity building,” towards “strengthening governance … and promoting peace and development.” These commitments ring hollow. We need only look at what the AFP has been doing under Marcos Jr. to see that this institution is disingenuous in pursuing the above-stated goals,” pahayag mula sa nasabing komento.
Sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng AFP sa administrasyong Marcos Jr., kilalang talamak ang paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyan, mula sa red-tagging at ilegal na pag-aresto sa mga kritiko ng gobyerno.
Samantala, mariin ding tinutulan ng One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD) ang pakikipagsanib-puwersa ng mga publiko at pribadong sektor, tulad ng pagpasok ng AFP sa sistema ng mga pribadong unibersidad tulad ng Ateneo.
Noong Enero 2024, maaalalang dinala ang mga mag-aaral ng Ateneo Senior High School sa Camp Capinpin bilang bahagi ng field trip kung saan binigyang-babala ang mga mag-aaral laban sa “terror-grooming” habang tahasang binabanggit ang mga organisasyong may aktibong sangay sa pamantasan.
Agarang pinananawagan sa mga kritisismo na wakasan ang kasunduang ito na umano’y banta sa seguridad ng komunidad, at nagbibigay-implikasyon sa pakikilahok ng mga mag-aaral sa ligtas na pagpapahayag ng malayang saloobin sa kasalukuyang estado ng bansa.
Nagsimula ang kolaborasyon ng AFP at ASoG nitong Hunyo 2025, kung saan iminungkahi ang pagbuo ng ladderized program na mag-aalok ng mga sertipikadong kurso para sa Philippine Army, Navy, at Air Force.