.jpg)
Walang-wala na akong masuot, suot kasi nila ang tanging bestida na regalo sa’kin ni Nanay.
Hindi ko maintindihan kung bakit pilit nila itong hinubad sa akin sa kabila ng mga pakiusap kong itigil na nila dahil ang bestidang ito ay akin. Bawat salita ko noon ay nanginginig, hindi dahil sa lamig, kundi dahil sa takot na baka sa susunod ay hindi na bestida ang kunin nila kundi mismong buhay ko. Sa bawat beses na nagmakaawa ako, ipinaaalala lang nila sa akin, sa pamamagitan ng mga pagsipa at pagbigwas, na mga higante nga pala ang kalaban ko. Ramdam ko pa sa balat ko ang hapdi ng mga yapak nila—amoy grasa ang kanilang sapatos, mabigat, walang pakiramdam, batid naming kung saan sila galing – kontrolado nila ang mga naglalakihang mga gusali sa Maynila, mga hindi sanay mainitan dahil sanay sa hangin ng aircon, kita rin sa kanilang mga barong, na maraming rumerespeto sa kanila, kalansing din nang kalansing ang mga naglalakihang mga barya sa kanilang bulsa. Handa silang panoorin akong subukang humingi ng saklolo mula sa isang lugar kung saan walang ibang nakaririnig sa akin. Handa silang panoorin akong tumakas mula rito upang humingi muli ng tulong sa malayong lugar, para lang malaman ko sa huli na hawak sa leeg ng mga higanteng ito ang mga naninirahan doon.
Isang payapang pamayanan sa tabing-dagat at buhay-probinsya ang kinalakihan ko. Sa lugar na ito, lahat kami ay dugong Pilipino, kayumanggi, maliit, at pango, maliban na lamang noong dumaong ang mga bangkang de motor ng mga higante.
Mukha mang maliit na bagay na nawalan ako ng suot na bestida, nakatatak na ngayon sa aking isip ang unti-unting paghubad sa akin habang nagpupumiglas at pinapanood silang ipagtagpi-tagpi ito sa iba pang mga kasuotan upang bigyang-bihis ang mga sarili. Ganoon nila kami tratuhin: ang bawat gamit ay kayang angkinin, ang bawat tao ay kayang patahimikin, at ang bawat alaala ay maaaring tabunan ng semento basta kumikita. Hanggang saan pa kaya aabot ang kanilang pagkamakasarili?
Nakaraan lang noong nakarinig kami ng biglaang malalaking padyak sa gitna ng pagaspas ng mga tubig sa dagat. Nanginig ang lupa sa bawat bagsak ng kanilang mga paa, para bang lindol na hindi namin hiniling. Inaapakan na pala ng mga higante ang tirahan namin at may bitbit silang mga modernong materyales. Sa kanilang pagtatangkang magkunwaring mga anghel, nagpakita sila sa amin ng isang kasulatan na nagsasabing makatwiran ang kanilang pagsakop. Kaya naman nagtaka ako: sa anong klaseng mundo kaya sila nanggaling? Ano itong kakaibang mundo kung saan maaaring kumuha ng pagmamay-ari ng iba nang walang paalam at kasunduan? Ano itong mundo kung saan pinapalakpakan ang mga sakim?
Mula noong dumating sila sa aming pamayanan, wala na silang ibang ginawa kundi kamkamin ang lahat ng kinagisnan ko na siya ring kinagisnan pa ng aking mga ninuno. Hindi lamang basta-bastang pagmamay-ari ko at ng aking pamilya ang kanilang pilit na tinatangay kundi isang buong kultura at kinabukasan. Sabik ang mga higante na pawiin ang lahat ng ito sa ngalan ng negosyo, kaperahan, at, sa hula ko, bagong bakasyunan ng mga mayayaman.
Buhay namin ang pinaglalaban namin, ngunit mas pinahahalagahan nila ang kanilang hanapbuhay. Ang kanilang hanapbuhay na nagdulot sa amin na puwersahang maghanap ng paraan kung paano ipagpapatuloy ang aming buhay.
Mistulang larong pinoy ang pakikipagsapalaran namin sa paa ng mga higanteng ito, patintero sa umaga, agawan base sa tanghali, at higit sa lahat ang-taguan sa gabi. Larong Pinoy, ngunit kaming mga Pinoy ang pinaglalaruan para sa kanilang mga pansariling interes, lalo na ang pagpapaganda sa tingin ng mga dayuhan. Rinding-rindi na kami sa mga ingay na naririnig namin na hindi naman mula sa kalikasan, nananahimik kasi kami rito, sabagay, ano nga bang palag ng libu-libong tao sa mga higanteng isang tapak lang ay kayang kaya sirain ang komunidad.
Ang dating mapayapang komunidad kung saan ang huni ng mga ibon, ang pagsayaw ng mga alon, at musika’t halakhakan lamang ng aming pamilya ang maririnig, ngayon ay nasasapawan na ng mga maiingay na makinaryang pilit na isinisiksik sa lugar na wala naman itong kalalagyan. Ang dagat na dating dalisay namin ay ngayo’y umaalingasaw na sa lason ng langis at semento.
Ibang-iba na ang pamumuhay namin dito. Halos hindi na namin matukoy kung ano pa ang sa amin at ano ang hindi, lahat na inagaw, walang gustong itira sa amin, ang masaklap pa rito ay makita ang bestidang regalo sa akin ni nanay na unti-unti nilang sinira pero ngayon ay kanilang pinagtatagpi para sila namang magsuot at makinabang sa paghahanapbuhay, ngunit ang hindi nila mababatid, ay kahit bumenta pa ang bestida kong pinagtagpi nila, ay hindi nito mapapantayan ang kanyang angking ganda nang una itong iregalo sa akin ni nanay.
Noong Hunyo 27, 2024, nagtungo sa Barangay Bugsuk ang mga tauhan mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang ipabatid ang gagawing demolisyon sa tirahan ng mga residente ng barangay upang bigyang daan ang isang eco-luxury project na sasaklaw sa mahigit 5,000 ektarya sa Barangay Bugsuk, kabilang ang isla ng Marihangin.
Sa Sitio Marihangin, matagal nang nakaugat ang ugnayan ng mga katutubo sa lupang kanilang tinitirhan—dito sila nagsasaka, nangingisda, at nagtitipon. Ang anunsyo ng demolisyon ay hindi lamang banta sa kanilang tirahan, kundi direktang pagyurak sa kanilang kasaysayan, kabuhayan, at pagkakakilanlan bilang katutubo.