When I was a kid, I was an Englishero kaya people thought I was American. Kuwento nga sa akin ni Mama, English was my first language. I was so mahina in Tagalog, at hirap na hirap ako noong elementary tuwing Filipino at Araling Panlipunan ang subject. Laging mababa ang scores ko noon, pero laging mataas ang grades ko sa Reading at Language. Ang ironic, hindi ba?

Bilang Pilipino, sinasabihan tayo na katumbas ng kasanayang mag-Ingles ang katalinuhan, at katumbas ng katalinuhan ang kahandaan ng indibidwal sa “real world” pati ang mga oportunidad na maaaring makuha sa hinaharap. Kaya, sa paghuhulma ng ating identidad bilang Pilipino, bakit nga ba mas binibigyang pokus ang pagpapaganda ng ating kahusayan sa wikang Ingles sa halip na palalimin ang pagpapahalaga sa wikang Filipino?

Sa Saligang Batas ng 1987, tinaguriang Wikang Pambansa ang Filipino na gagamitin sa mga opisyal na komunikasyon at paraan ng pagtuturo sa sektor ng edukasyon. Bukod dito, kinaklaro din na opisyal na wika ang Ingles sa Pilipinas, at maraming implikasyon ang umiibabaw dahil sa patakarang ito. Isa na ang pagkakaroon ng “English Only Policy” na laganap sa mga paaralan sa sekondaryang edukasyon. Madalas na itinatampok ang layuning paunlarin ang kasanayan sa oral na komunikasyon, ngunit nagiging taliwas sa pagiging produktibo ito sapagkat sapilitan ang pagpataw ng polisiya at pananalita gamit ang Ingles. Bagaman mahalaga ang kasanayan sa wikang Ingles, hindi angkop ang paraang “English Only” Policy sa loob ng silid-aralan upang matutuhan ang English as a second language.

Isa ring punto ng talakayan ang paglalahad ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung saan hinahalo niya ang paggamit ng wikang Filipino at Ingles o “code switching.” Sa ganitong paraan, hindi malinaw ang kabuuan ng kaniyang pahayag dahil sa magkabilang banda, mayroong nakakaintindi lamang sa pagpapahayag niya gamit ang wikang Filipino o ang wikang Ingles. Katuwiran mang mas mabisa ang ganitong pamamaraan ng komunikasyon, mas nangingibabaw ang paggamit ng pangulo ng mga malalalim na salita sa wikang Ingles na tila pananda ng katalinuhan.

Umuugat din ang sariling kakayahang mag-Ingles sa kapaligiran ng indibidwal, tulad na lamang sa kung paano pinalaki ang indibidwal at kung ano ang wikang ginagamit sa tahanan at komunidad. Pananda ang wika sa pagbuo ng identidad, at kasama na rito hindi lamang ang wikang Filipino kundi pati rin ang wikang rehiyonal. Karapat-dapat din itong gamiting wika sa pang-araw-araw at sa loob ng paaralan upang pagyamanin pa ang kaalaman sa wikang ating kinagisnan. Higit pa rito, kinakailangan pahalagahan ang wikang Filipino nang tanggalin ito bilang core subject sa mga pamantasan. Nang sa gayon, mataas ang posibilidad na mas nakatutok sa hinaharap ang edukasyon sa pagpapatibay ng kahusayan sa wikang Ingles sa halip na wikang Filipino.

Tumatagos ang mga epekto ng kahusayan sa wikang Ingles sa pakikisalamuha sa kapwa kung saan nagmumukhang mas malawak ang maaaring kausaping tao, bagkus limitado lamang ito sa mga marunong magsalita at makaunawa ng wikang Ingles. Nahihirapan ang indibidwal na makisali sa usapan sapagkat wala siyang bahid ng pag-unawa sa kapwa niyang mas komportable magsalita sa wikang Filipino. Karaniwan itong hinaharap ng mga Atenista na hindi tinatago ang kaayawan sa mga kursong Malayuning Komunikasyon at Panitikan. At maging sa mga area engagement, mapanghamon ang mismong pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan gamit ang wikang Filipino.

Overall, it’s so halata right now that the Filipino people lack a unifying marker on the basis of language. Thus, there is the need for a collective Filipino identity towards understanding and community. Nagmumula ito sa mga institusyon na, alinsunod sa batas ng Pilipinas, gumagamit ng wikang Ingles bilang opisyal na midyum ng pagkatuto. Dahil dito, umiiral ang panawagan na suriin nang maigi ang paggamit ng Ingles sa larangan ng komunikasyon, patakaran, at edukasyon, at unti-unting palitan ito sa paggamit ng wikang Filipino upang tumungo sa mas makabuluhang identidad bilang mga Pilipino.

Mga Kamakailang Istorya