
Pagpapaalis ng mga estudyante, pagpapaskil ng mga pabalang na karatula, pagtataas ng mga presyo sa pagkain na nung simula pa lang ay mahal na. Ilan lamang ito sa mga kaganapan na nangyari sa loob ng Gonzaga cafeteria sa loob ng isang buwan. Hindi ba ang Gonzaga ay para sa mga estudyante, ano ang nangyari? Maituturing pa bang espasyo ito para sa mga Atenista kung napakaraming patakaran ang kailangang sundin upang gamitin ito?
Bagong Gonzaga, bagong mukha
Sa pagsapit ng bagong taong pampanuruan ay natunghayan ng mga estudyante ang pinabagong itsura ng Gonzaga cafeteria (na may aircon!) dito sa Loyola Heights Campus. Kasama sa mga pagbabago na ito ay ang pagkakaroon ng mga bagong tagapamahala: ang Kitchen City ay ang nanamamahala sa unang palapag (1Gonz), habang ang Varda Group naman ay ang nangangasiwa sa ikalawang palapag (2Gonz). Marami ang nasabik, marami rin ang nagalit, ngunit hindi namalayan ng komunidad ang kabuuang epekto ng pagsasapribado ng Gonzaga.
Sa simula, mukhang matino at mapagkakatiwalaan ang mga kompanyang ito sa pamamahala ng isang espasyong pang-estudyante. Ayon kay Ricardo Abelardo Jr., ang pangulo ng Kitchen City, balak nilang patibayin ang kaligtasan ng pagkain pati na rin ang pagsasama-sama ng iba’t ibang uri ng putahe at pagpepresyo. Ngunit, wala silang ibinahaging espisipikong paraan kung paano tutugunan ang mga ito. Pinunto naman ni Christopher Guarin, CEO ng Varda Group, ang paggawa ng espasyo kung saan lahat ay kabilang, para sa komunidad ng Ateneo.
“We don’t want to be identified as a low-budget cafeteria [or] a high-priced one […]. Everyone is welcome,” anila sa isang panayam ng The GUIDON.
Bawal tumambay rito!
Ngunit sa pagdaan ng mga araw, natagpuan ng mga estudyante ang mga bagong patakaran sa ikalawang palapag. Dahil sa mga panukalang ito, ang 2Gonz ay biglang naging isang kainan na hindi malugod sa kaniyang mga estudyante.
Una, naglagay sila ng mga pabalang na karatulang nagsasabing bawal nang tumambay kapag tapos nang kumain. Naglalaman ito ng mga kasabihan na “Sharing is caring but hanging out is… 🫣” at “You’ve finished your meal but you are still marinating in the chair?” Gumamit pa sila ng mga hashtag #KainThenKilos, #BusogNaMagisPa, at #LetThemEatToo. Hindi lamang iyon, ayaw rin nila ang pagtambay sa loob ng kainan kapag hindi ka roon bibili at kakain. Sa pagpapatupad nito, mayroon pa silang sariling tagabantay na naninita ng mga estudyanteng umuupo sa main food hall pero hindi bumili sa kanila.
.jpg)
Bukod pa sa mga nabanggit, may mga iba pang ginawa ang Varda Group upang siguraduhin na ang mga uupo sa upuan nila ay ang mga bumili lamang sa kanila. Naglalagay sila ng mga reserved signs sa ibabaw ng lamesa kahit wala talagang nakareserba rito. Mayroon na ring mga hadlang sa gilid ng mga kahera na nagpapahiwatig na kailangan mo munang bumili bago umupo sa loob ng kanilang napakaeksklusibong main food hall.
Kainan para sa mga estudyante, pero ang presyo ay hindi?!
Matagal nang panawagan ng mga Atenista ang pagkakaroon ng “student-friendly” na mga makakainan sa loob ng Ateneo. Noon, ang pinakamurang pagkain na may kanin at ulam na mabibili mo ay ₱80, mahal na kung ituturing at bihira lamang makita sa loob ng pamantasan. Ngayon, sa Gonzaga, wala nang mabibiling kanin at ulam na bababa sa ₱99. Samantala, sa ibang unibersidad ay mayroon nang mabibiling mga nakabubusog na pagkain sa halagang ₱60 lamang.
Tumaas ang presyo ng Gonzaga pagkatapos itong baguhin at “pagbutihin.” Ang mga pagkain na dati’y ₱100 lamang ay ₱120 na, ang inumin na ₱40 lamang dalawang taon ang nakalipas ay ₱60 na ngayon. Bakit tumaas? At bakit hindi sila nagsabi? Ang pag-akyat ng presyo ay biglaan lamang bumungad sa mga estudyante pagpasok ng unang semestre. Napag-iwanan ang mga estudyante sa desisyong ito, lalong-lalo na ang mga iskolar. Kung nahirapan silang ibadyet ang buwanang ₱500 na food stubs noon sa Ateneo Multipurpose Cooperative (AMPC) Canteen, mas lalo pa silang nahihirapan ngayon dulot ng mas mahal na presyo ng pagkain sa Kitchen City.
Gonzaga noon o ngayon?
Sa ganitong isyu, hindi mapipigilang mapatanong. Bakit naging ganito ang Gonzaga? Paano na ang mga estudyante ngayon? Hinahayaan lang ng administrasyon ito—ang administrasyon na kilala bilang mapagkalinga sa mga estudyante? Ito ba ang epekto ng pagsasapribado? Dapat bang hindi na lamang ibinenta ang Gonzaga?
Nakalulungkot lang isipin na ang lugar na dahilan sa pagbuo ng mas matalik na samahan, malakas na tawanan, at malalim na kwentuhan ay hindi rin natakasan sa kasakiman.
Ngayon, mahalagang tanungin—para kanino ba talaga ang Gonzaga? Para sa estudyante pa ba, o para na lamang sa perang kinikita?