.png)
Magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa paggamit ng marahas na puwersa ng kapulisan sa mga raliyista at alagad ng midya noong ika-21 ng Setyembre, kinahapunan matapos ang isinagawang kilos-protesta laban sa korapsyon sa kahabaan ng Recto at Mendiola, Lungsod ng Maynila.
Nagkalat ang mga bidyo sa social media kung saan namataan ang paninipa, pambabato, panghahampas, at panunutok ng baril ng kapulisan sa ilang mga raliyista, maging sa mga mamamahayag na nag-cocover lamang sa naturang kaganapan.
Ayon sa human rights group na Karapatan, may ilan sa mga inaresto na hindi naman bahagi ng mobilisasyong naganap at nadamay lamang nang magkaroon ng kaguluhan.
Inilarawan ng Secretary-General nito na si Cristina Palabay na ang naging tugon ng kapulisan sa mga raliyista ay gunita ng karahasang ipinataw ng estado noong panahon ng diktadura.
“We should go back to where we started. Why are people out in the streets? Why are people angry? To penalize them, to put them in jail, to criminalize them, is not the way to go. It’s not solving any root cause of the problem. It’s really blaming the victims instead of addressing and putting forward justice for all,” dagdag pa ni Palabay.
‘Mapayapang’ Protesta?
Sa panig ng Philippine National Police (PNP), naging pangkalahatang mapayapa o “generally peaceful” umano ang mga protesta laban sa korapsyon, bukod sa ilang mga insidente.
Ngunit, ayon sa mga ulat, nagpakawala ang mga kapulisan sa buong pulutong ng mga nagprotesta, menor de edad, at mga mamamahayag sa Mendiola at Recto ng teargas, water cannon, at mga whistle bomb. Naglabas din ang mga ito ng Long Range Acoustic Device (LRAD) sa pagtatangkang ikalat o ipag-disperse ang karamihan ng mga tao ayon sa isang ulat ng Rappler.
Matapos ang dispersal ng programa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), naiulat na sugatan ang ilan sa mga nagprotesta na dahil umano sa karahasan ng pulisiya.
Sa kasalukuyan, nakapagtala ang PNP ng 76 na sugatang mamamayan mula sa mga protesta ng Mendiola hanggang Recto, kabilang ang isang hindi pa nakikilalang lalaking pinatay kahapon dulot ng pananaksak at isa namang sugatan sa pamamaril.
Pareho itong isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ang nasaksak na lalaki habang kasalukuyang iginagamot na ang nabaril.
Kabataan, pinunterya ng mga kapulisan sa pag-aresto
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, mahigit 200 ang naitalang bilang ng mga naaresto mula sa mga protesta na naganap kahapon. Sa bilang na ito, 91 ang inarestong menor de edad, kung saan 67 sa mga ito ay children in conflict with the law habang 24 ay mga children at high risk o nasa 14 taong gulang at pababa.
Kaugnay nito, bumanat ang alkalde sa mga naaresto na inilarawan niyang may “utak adik” at “utak talangka,” na aniya’y nagiging matatapang lamang kapag nagkakasama-sama.
“Itong mga tolongges na kabataan, pagdating ng lilim ng gabi, nag-mob na. As you can see, maraming public at private property were damaged,” ani Moreno. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa mga abogado at paralegal na handang tumulong upang makapagbigay ng legal na tulong para sa mga naaresto.