Tinalakay ang Major Construction Masterplan na naglalatag ng mga planong pang-imprastraktura ng pamantasan hanggang taong panuruan 2028 sa isinagawang Townhall Session ng Vice President for Administration na si Rodolfo P. Ang, kasama ang Administration and Service Cluster Vice Presidents nitong Martes, ika-9 ng Setyembre, sa Room 101 ng Faber Hall.

Ayon sa administrasyon, layon nitong iwasan ang paglalaan ng mga bukas na espasyo para sa pagtatayo ng karagdagang gusali. Sa halip, nakatuon ang plano sa paggamit ng kasalukuyang building footprints—“build up” kaysa “across.”

Kabilang sa mga pangunahing proyektong itinutulak ng Higher Education ang pagdaragdag ng mga study spaces para sa mga estudyante at ang pagsasaayos ng Old Rizal Library (ORL) upang magamit ang mga hindi nagagamit na espasyo bilang mga silid sa pagbabasa at pananaliksik. Kasama rin ang renovation ng Social Sciences Building, gayundin ang pagtatalaga sa Faber Hall bilang gusaling pang-administrasyon. 

Gagawing Central Administration Building ang Bellarmine Hall, kaya’t inaasahang itatayo ang isang bagong gusali para sa Higher Education bilang kapalit ng mga silid-aralan dito.

Bukod dito, tuluyan nang aalisin ang John Gokongwei Student Enterprise Center (JSEC) upang bigyang-daan ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan. Ayon sa administrasyon, hindi ito bibigyan nang panibagong pwesto sapagkat nakasaad na sa masterplan na pansamantala lamang ito.

Para sa taong panuruan 2026-2027, nakapaloob sa plano ang renovation ng Xavier Hall at Moro Lorenzo Field, gayundin ang pagdaragdag ng mga hintuan ng e-jeep sa loob ng kampus; habang sa 2027-2028 naman ay nakatakdang matapos ang pagpapatayo ng footbridge na mag-uugnay mula sa Arthaland Project patungo sa Gate 3 ng Ateneo.

Mga Kamakailang Istorya