(2).png)
Tuwing Hunyo, makikita ang makulay na bahagharing nakapintura sa kalsada, nakapaskil sa poste, nakasabit sa pader, at sa marami pang sulok ng bansa. Ito ay dahil ang nasabing buwan ay tinagurian ding “pride month”—panahon kung kailan nararamdaman nang husto ang queer pride na siyang paraan ng pagpapahayag ng kasarian, kultura, at tunay na sarili ng LGBTQIA+. Higit pa rito, sa pride month din ipinaglalaban ng komunidad ang pagiging malaya mula sa pang-aapi ng lipunan. Ngunit, sa likod ng makulay na bandilang kanilang iwinawagayway upang isigaw ang pagiging malaya mula sa mapagkahon at heteronormatibong lipunan, may pagkakahon ding nagaganap sa loob mismo ng komunidad na kanilang kinabibilangan.
“Ay, bading ka? Pero hindi ka naman malambot kumilos?”
“Lesbian ka? Bakit pambabae ka manamit?”
“Bisexual? Ah, ibig sabihin hindi ka makapili.”
“Asexual? Baka hindi mo lang naenjoy?”
“Transwoman ka? Pero mahilig ka pa rin sa babae?”
Ilan lamang iyan sa mga salitang kadalasang natatanggap ng ibang miyembro ng LGBTQIA+ mula sa mga taong hindi makapaniwala sa kanilang kasarian. Kung minsan pa, kapwa nila sa komunidad ang nagsususpetsa sa kanila. Kung paulit-ulit na lamang ang ganitong mga tanong at panghihinalang sumasalubong sa kanila, hindi ba’t kailangang palawakin ang kaisipan sa konsepto ng kasarian?
Sa aspekto naman ng pag-ibig at pagkakaroon ng relasyon, mayroon pa ring mga kahon na pilit nilang pinagkakasya sa sarili na dala ng tingin ng lipunan. Isang halimbawa nito ang heteronormatibong kaisipan na dapat may isang magsisilbing “lalaki” at isa namang magsisilbing “babae” sa isang relasyon, sa kabila ng pareho nilang kasarian. Sa simpleng pagtataka at pagtatanong kung sino ang mas pasok sa panlalaki o sa pambabaeng katangian, ipinatutupad na ang binaries na sinusubukan sanang itakwil ng queerness.
Kahit mismo ang mga salita na ginagamit upang ipagtanggol ang kasarian ay nakakakahon din. Ayon kay Dr. Lisa Diamond, isang psychologist at propesor ng gender studies sa University of Utah, ang argumentong “born this way” ay hindi progresibo para sa komunidad dahil pinipirmi nito ang kasarian o oryentasyong sekswal ng isang tao. Batay kay Diamond, may kakayahang magbago ang kasarian at oryentasyong sekswal ng maraming indibidwal sa pagtanda. Pinapatunayan lang nito na kahit hanggang pumuti na ang buhok natin, patuloy pa rin ang kuwento ng pagkilala sa sarili.
Kung pag-iisipan lalo, kahit ang mismong pagdiriwang ng queer pride ay nakakahon sa buwan ng Hunyo. Dapat hindi lang dito nagtatapos ang paglaban sa karapatan dahil buong taon nagaganap ang pag-aabuso, pagpaslang, at pagpapatahimik sa tunay na sarili, lalong-lalo na sa Pilipinas kung saan walang mga komprehensibong batas na nagbibigay ng proteksyon sa LGBTQIA+.
Gayunpaman, kinilala pa rin ng Pew Research Center ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamapagtanggap na bansa sa Asya. Sa kabila ng pagiging “mapagtanggap” nito, buhay na buhay pa rin ang mga saradong kaisipan pagdating sa tunay na inklusibidad. Upang maintindihan nang husto ang queerness, dapat buwagin ang lahat ng paunang nosyon at ekspektasyon tungkol sa pagiging miyembro ng komunidad. Gayundin, ang hustong pag-intindi sa isang indibidwal na kasapi sa LGBTQIA+ ay nangangailangan ng pagbuwag sa mga kahon ng mga stereotype na inilatag sa kanila. Gaya ng iba, tao rin sila—may sariling kuwento, puso, isip, at kasarian na hindi dapat dinidiktahan. At kapag umabot na sa puntong makapamumuhay na sila nang may dignidad, saka lang sisikat ang araw sa tunay na kalayaang kaakibat nitong makulay na bahagharing sumisimbolo sa kanila.