Umani ng kritisismo mula sa mga Atenista ang pakikiisa ng Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU) sa panawagan ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng masamang panahon.

Sa pamamagitan ng isang shared post sa inilabas na pahayag ng COCOPEA kahapon, ika-1 ng Setyembre, sinuportahan ng ADMU ang hiling nitong bigyan ng agarang pag-aaral at pagrerepaso ang mga kasalukuyang polisiya sa awtomatikong suspensyon ng klase sa mga pribadong paaralan.

Kinontra din ng COCOPEA ang sunod-sunod na anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong nakaraang mga linggo na suspendihin ang klase sa lahat ng paaralan sa mga piling lokalidad bunsod ng masamang panahon dahil nagpapahina umano nito ang kakayahan ng mga komunidad na maging “matatag.”

Mariing kinuwestiyon ng mga Atenista ang paggamit ng konsepto ng “resilience” bilang batayan sa pagtutol sa awtomatikong suspensyon ng klase dahil isanasantabi nito ang kapakanan ng mga mag-aaral at manggagawa sa kasagsagan ng matitinding kalamidad.

“Binaha na nga ang campus at ang Katipunan, tapos resilience pa ang ipapanawagan ninyo? This statement is so unbearably numb to the actual conditions of the Ateneo community,” hayag sa isa sa mga komento sa naturang shared post.

Maaalalang naging mainit sa mga Atenista ang desisyong ilipat sa online ang modalidad ng mga klase sa ADMU kahapon, sa kabila ng suspensyon ng DILG sa mga klase sa buong NCR dulot ng masamang panahon.

Samantala, nagpaabot din kahapon ng panawagan ang Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola sa administrasyon na alisin ang probisyon hinggil sa awtomatikong paglipat sa online classes tuwing may anunsyo ng suspensyon ng klase na karaniwang isinasalin lamang bilang “suspensyon ng onsite classes,” upang bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng komunidad sa gitna ng mga kalamidad.

Mga Kamakailang Istorya