.jpg)
Ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang Writ of Amparo para sa mga nawawalang indigenous rights advocates na sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil “Bazoo” De Jesus, nitong Martes, ika-12 ng Agosto, at idineklara silang “desaparecidos” o biktima ng enforced disappearance na kinasangkutan ng kapulisan.
Sa ilalim ng naturang mosyon, ipinag-uutos ng korte na protektahan ang karapatan ng dalawa sa pamamagitan ng mas malalim at masusing imbestigasyon, matapos ituring na “lubhang kapos sa bisa at lalim” ang naunang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Natuklasan ng korte na natunton at nakapanayam na ng PNP ang drayber ng tricycle na sinakyan nina Capuyan at De Jesus nang madakip sila ng mga armadong lalaki noong 2023 sa Taytay, Rizal, ngunit iginiit ng kapulisan na kusang sumama ang dalawa.
Maaalalang bago maiulat ang pagkawala nila ay nagtakda na ng 2.85-milyong pisong pabuya ang mga awtoridad upang maaresto si Capuyan hinggil sa umano’y kaugnayan nito sa NPA at sa dalawang kasong pagpatay na ayon sa kaniyang pamilya ay wala siyang kamalayan.
Tinukoy ng CA na matibay itong indikasyon sa pagkadawit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) at kinondena ang “kawalan ng extraordinary diligence” ng PNP sa imbesigasyon, gaya ng pagbatay lamang sa mga dokumento nang walang sapat na follow-up o masusing pagsisiyasat.
Eksaktong isang taon na ang nakalipas nang ihain nina Idda Alexa C. De Jesus, kapatid ni Bazoo, at Gabrielle Chuwaley D. Capuyan, anak ni Dexter, ang petisyon na ito sa Korte Suprema.
Bukod sa Writ of Amparo, naglabas din ang CA ng permanent protection order para sa pamilya ng dalawang nawawalang aktibista, ngunit ibinasura nito ang petisyon para sa Writ of Habeas Data dahil sa kakulangan ng batayan.