Nasawi ang isang Pinay sa kalagitnaan ng palitan ng missile attacks sa pagitan ng tambalang Estados Unidos at Israel laban sa Iran kinagabihan nitong Sabado, ika-28 ng Pebrero.

Sa anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kagabi, kinilala ang biktima na si Mary Anne Velasquez de Vera, isang 32-anyos na caregiver. Naiulat na nadamay si Velasquez sa air strike habang tinutulungan ang kaniyang inaalagaang matanda na madala sa isang bomb shelter.

"Nakikiisa tayo sa taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera, isang OFW na caregiver sa Israel na nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang alaga sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon," hayag ng Pangulo.

Si Velasquez ay nagmula sa Basista, Pangasinan, at nagtrabaho sa Israel mula 2019. Nakumpirma ng kaniyang asawa, isang OFW na nagtatrabaho rin sa Israel, ang kaniyang bangkay. 

Tinatayang nasa 4,000 hanggang 6,000 na OFW ang nagtatrabaho sa Middle East na may posibilidad na mapahamak sa lumalang giyera sa pagitan ng US-Israel at Iran.

Mga Kamakailang Istorya