.jpg)
May Ganon?! Sa dinami-rami ng wika sa mundo, paano nga ba maitatangi ang wikang Filipino? Araw-araw natin itong ginagamit—sa usapan, pagsulat, pormal man o biruan—ngunit bihira nating naitatanong: ano ang mayroon sa Filipino na wala sa iba pang wika? Paanong higit pa sa pagiging midyum ng komunikasyon, nagsisilbi ring isang buhay na salamin ng ating kultura, kaisipan, at pagkatao ang wikang Filipino?
Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika, magandang pagnilayan ang mga katangiang bumubukod sa ating wika. Mula sa paraan ng pagbubuo ng salita, sa kakaibang sistema ng panghalip at pandiwa, hanggang sa likas nitong diwa ng pagkakapantay-pantay—ang Filipino ay nag-aanyaya ng bagong pag-unawa kung paano nakikita ng mga Pilipino ang mundo. Sa ganitong pagninilay pumapasok ang kasalukuyang usapin hinggil sa “Filipinx.” Sapantaha ng ilan, kailangan ito upang gawing gender-neutral ang ating wika. Ngunit kung susuriin, hindi ba’t likas nang taglay ng Filipino ang pagiging bukas at pantay?
Isang katangian ng ating wika ang pagiging maikli at malinaw ng ugat ng salita. Karamihan ay dalawang pantig lang—bata, gabi, lupa. Ngunit mula rito, kay daming salita ang naipapanganak sa tulong ng panlapi. Isipin ang salitang sulat na maaaring maging sumulat (gumawa ng sulat), sinulatan (ang pinadalhan), ipinagsulat (isinulat para sa iba), o pinagsulatan (ang lugar na sinulatan). Isang simpleng ugat ang nagiging puno ng maraming kahulugan.
Napagtanto mo na ba ang kaibahan ng kami at tayo? Sa Ingles, iisa lang ang we, pero sa Filipino, mas malinaw ang saklaw. Ang kami ay nangangahulugang “kami lang, hindi ka kasama,” samantalang ang tayo ay “kasama ka, bahagi ka.” Sa unang tingin, tila simpleng detalye lamang ito, ngunit ang bigat ng tayo ay hindi ganap na maisasalin. May kasama itong imbitasyon, pagbubukas ng pinto, at pagkilala sa iba—isang pilosopiya ng pakikilahok na sumasalamin sa bayanihan. Sa tuwing ginagamit natin ang tayo, ipinapakita nating ang identidad ay hindi lamang indibidwal, kundi kolektibo.
Kung may isang katangiang nagpapaiba sa Filipino, ito ang sistemang pandiwa. Hindi basta “subject–verb–object” gaya ng sa Ingles; sa atin, ang pandiwa ang humuhubog sa pangungusap depende sa nais bigyang-diin. Kaya’t sa kilos na “kumain si Ana ng mangga,” ang pokus ay si Ana; sa “kinain ni Ana ang mangga,” ang mangga naman ang binibigyang pansin; at sa “ikinain ni Ana ng mangga ang kapatid niya,” ang kapatid ang siyang tinutukoy. Iisa ang aksiyon ngunit iba-iba ang pananaw—patunay na ang ating wika ay hindi lamang naglalarawan ng kilos kundi nagbubukas ng mas malawak na perspektiba, isang hamon maging sa teoryang “Universal Grammar” ni Noam Chomsky.
Mula rito, makikita rin natin na ang Filipino ay hindi lamang tungkol sa istruktura ng wika kundi pati sa pagpapahalaga ng pantay na pananaw. Kung paanong ang pandiwa ay nagbibigay ng pagkakataong makita ang kilos mula sa iba’t ibang pokus, ganoon din ipinapakita ng ating mga salita ang likas na diwa ng pagkakapantay—lalo na sa usapin ng kasarian—hindi kailangan ng dagdag na letrang banyaga upang maging gender-neutral. Sa Filipino, likas na mayroon tayong mga panghalip na hindi nakatali sa kasarian—siya na maaaring tumukoy sa babae o lalaki, kaniya na maaaring magpahiwatig ng pagmamay-ari ng sinuman, at mga salitang gaya ng anak, kapatid, asawa, at pinsan na walang tinutukoy na kasarian. Samantalang sa Ingles, kailangang tukuyin kung he o she, his o hers, son o daughter, brother o sister. Sa madaling salita, nasa balarila na mismo ng Filipino ang likas na pagkakapantay na matagal nang pinipilit hanapin ng Ingles at iba pang banyagang wika.
At kung patunay ang hanap mo na ang ating wika ay buhay, maaari nating balikan ang mga espasyo kung saan ito isinasabuhay ng kabataan. Isa na rito ang Baybayin Ateneo, ang pangunahing kultural na organisasyon ng pamantasang Ateneo de Manila na nakatuon sa pagsusulong at pangangalaga ng pamanang Filipino. Sa kanilang mga inisyatiba ngayong taon, muling ipinakita na ang wika’y hindi lamang nababasa sa pahina ng mga aklat, kundi nararanasan sa iba’t ibang anyo ng sining, diskurso, at kolektibong pagdiriwang. Ngayong Buwan ng Wika at Kasaysayang Katutubo (BWKK 2025), ipinakita nila na ang wika’y hindi lang nakasulat sa aklat, kundi nakaukit sa karanasan ng kabataan:
- Buwan ng Wika (Agosto 22, 26): Nagliwanag ang mga gusali ng Ateneo nang itanghal dito ang iba’t ibang tula, kanta, at bidyo. Sa gabi, tila naging buhay ang mga pader dahil nagsilbi itong sisidlan ng mga kwento ng ating wika at pagkakakilanlan.
- BWKK Book Fair (Agosto 28-29): Dumagsa ang mga lokal na tagapaglathala upang ialok ang sari-saring akda. Mula sa mga makabagong nobela hanggang sa mga epiko at kwentong-bayan, bawat pahina’y naghandog ng pagkakataong tuklasin at tangkilikin ang iba’t ibang tinig ng panitikang Pilipino.
- KwizBibo (Setyembre 10): Magtatagisan ng talino ang mga estudyante ng FILI 11 at FILI 12 sa pamamagitan ng isang quiz bee. Sasaklawin nito ang panitikan, kulturang popular, at kasaysayan—isang masayang patunay na ang pagkatuto at kasiyahan ay maaaring magsabay.
- Bukluran sa Xavier (Setyembre 12): Isang seremonya ng pagkakaisa ang magsasara sa pagdiriwang. Sa pagtataas ng bandila at sabayang pag-awit kasama ang Kagawaran ng Filipino at Office of Student Activities, muling pagtitibayin ng komunidad ang kanilang pagkakabuklod at pagmamahal sa wika.
Sa lahat ng ito, malinaw ang pinatutunayan: ang Filipino ay wika ng pagkamalikhain (mga panlapi at pandiwa), wika ng pagkakaisa (kami/tayo, bayanihan), at wika ng pagkakapantay-pantay (gender-neutral). Isa itong wika na may sariling lakas, sariling tinig, at sariling paraan ng pag-unawa sa mundo. At sa mga espasyong nagsusulong ng pagmamahal sa kaibuturan ng ating pagkamamamayan, ang Pilipino ay lahi ng pagiging inklusibo (pagbubuklod-buklod ng mga organisasyong iisa ang tunguhin) at pagiging katangi-tangi (hindi maitutulad sa paraan ng pakikilahok ng mga banyaga).
Kaya’t sa susunod na may magtanong kung anong kakaiba sa ating wika, maaari mong sagutin nang taas-noo: May Ganon?! Oo—at sa wikang Filipino, laging mayroong higit pa, laging mayroong kayang ipagmalaki, at laging mayroong uusbong na bago.