Kung sisiyasatin ang kasalukuyang estado ng Pilipinas, makikitang nanumbalik ang mga dati nang napuksang sakit tulad ng Polio at Diptheria. Namamayagpag sa likod nito ang samot-saring dahilan. Unang una, ang biglaang pagbaba ng bahagdan ng mga batang nagpapabakuna. Pangalawa, ang hindi pagkakaroon ng mga magulang ng tamang kabatiran ukol sa pagbabakuna. Panghuli, ang malawakang takot na naramdaman ng masa matapos ang mga suliraning kalakip ng Dengvaxia. Kaakibat ng mga dahilang nabanggit, malaki ang posibilidad na mananatili bilang isang malaking banta sa kalusugan ng mga mamamayan ang pagbabalik ng mga dati nang napuksang sakit. Mas lalong dadami ang bilang ng mga taong madadapuan ng mga malulubhang sakit. Bukod dito, mas tataas ang pagkakataong mabawian ng buhay ang isang tao. Upang matugunan ang mga nabanggit na pangkalusugang suliranin, isang masusing paglitis ng mga salik kaugnay ng pagpapabakuna ang kinakailangan upang matukoy kung ano bang hakbang ang mas mainam na isagawa lalo pa at nakasalalay rito ang kalusugan ng mga mamamayan.