Ang Muling Pag-ahon ng mga Napuksang Sakit

Mata Online
NI
NINA
Dareenne Brazil
AT
Trishia Manalang
Enero 2020

Kung sisiyasatin ang kasalukuyang estado ng Pilipinas, makikitang nanumbalik ang mga dati nang napuksang sakit tulad ng Polio at Diptheria. Namamayagpag sa likod nito ang samot-saring dahilan. Unang una, ang biglaang pagbaba ng bahagdan ng mga batang nagpapabakuna. Pangalawa, ang hindi pagkakaroon ng mga magulang ng tamang kabatiran ukol sa pagbabakuna. Panghuli, ang malawakang takot na naramdaman ng masa matapos ang mga suliraning kalakip ng Dengvaxia. Kaakibat ng mga dahilang nabanggit, malaki ang posibilidad na mananatili bilang isang malaking banta sa kalusugan ng mga mamamayan ang pagbabalik ng mga dati nang napuksang sakit. Mas lalong dadami ang bilang ng mga taong madadapuan ng mga malulubhang sakit. Bukod dito, mas tataas ang pagkakataong mabawian ng buhay ang isang tao. Upang matugunan ang mga nabanggit na pangkalusugang suliranin, isang masusing paglitis ng mga salik kaugnay ng pagpapabakuna ang kinakailangan upang matukoy kung ano bang hakbang ang mas mainam na isagawa lalo pa at nakasalalay rito ang kalusugan ng mga mamamayan.

Dalawang pananaw ang pumapaloob sa pagbabalik ng mga dati nang napuksang sakit. Bukod dito, pareho itong mayroong sariling paniniwalang isinusulong sa masa. Binibigyang-tuon ng unang pananaw ang kahalagahan ng pagbabakuna. Karamihan sa mga magulang ang sumasang-ayon sa pananaw na ito dulot ng pagmumungkahi ng mga paaralan at lipunang ipabakuna ang mga bata. Higit dito, itinataguyod ng masa ang mga mabubuting ambag ng pagbabakuna sa kalusugan ng mga bata. Sa kabilang dako, pinapanindigan ng ikalawang pananaw ang kapahamakang dulot ng pagbabakuna. Mas lalong tumibay ang pananaw na ito noong naging tampok ang mga suliraning kaakibat ng Dengvaxia. Sa halip na magsilbi bilang pananggol laban sa Dengue, naging dahilan ng kamatayan ng 600 na bata ang Dengvaxia (Isoux 2019, tala. 6). Dahil dito, namuo ang takot sa mga magulang at tinanggihan nila ang pagbabakuna. Samakatwid, isa sa mga naging pangangatwiran ng ikalawang pananaw ang mga kamatayang naging dulot ng Dengvaxia.

Mula sa isang mas masinop na pag-uusisa, mahihinuhang umiikot sa larangan ng agham ang mga pangangatwirang umuudyok sa mga magulang na sumang-ayon sa unang pananaw. Ayon kay Kim Dionisio, pinapabakuna niya ang kanyang anak dahil alam niyang hindi agarang matatablan ng mga malulubhang sakit ang kanyang anak. Para kay Dionisio, mas pinapatibay ng mga bakuna ang immune system ng kanyang anak. Bilang bunga, mas nagiging kampante ang kanyang loob na mananatiling ligtas ang kanyang anak kahit na iba’t ibang tao ang makasalamuha niya. Bukod dito, isa pa sa mga mabubuting dulot ng pagbabakuna ang herd immunity. Ayon kay Dr. Manish Sadarangani sa artikulo niya sa Oxford Vaccine Group, naiiwasan ang pagkalat ng mga malulubhang sakit dahil sa pagpigil ng herd immunity sa mga mikrobyong kaugnay ng mga impeksiyon.

Sa kabilang dako, mas minabuti naman ng isang magulang, na itatago sa pangalang Maria, na hindi pabakunahan ang kaniyang anak. Naniniwala umano siya na humihina ang immune system ng kaniyang anak dahil sa nabubuong dependency ng katawan sa mga bakuna. Dagdag pa niya, mas mainam kung natural na mahuhubog ang immune system ng mga bata lalo na’t hindi mabisa ang mga bakuna dahil nagkakasakit pa rin ang kaniyang anak kahit na napabakunahan na siya noon.

Sa kasalukuyan, malaking suliranin ang hinaharap ng sektor ng kalusugan ng bansa dahil sa bitbit na takot ng mga mamamayan sa pagpapabakuna. Nakikitang pangunahing salik dito ang pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan sa gobyerno dulot ng mga isyung kinatawan ng Dengvaxia. Matatandaang nagkaroon ng isang malawakang Dengue Immunization Program ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) na itinigil matapos maibalita ang pagkamatay ng ilang mga batang binakunahan ng nasabing gamot.

Dumagdag pa rito ang mga pahayag na binitiwan ni Persida Acosta na mas lalong nagtanim ng takot sa mga mamamayan, lalong-lalo na sa mga magulang. Isa pa ito sa mga nakikitang dahilan sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna at paglaganap ng mga sakit sa bansa. Kamakailan lamang, nagkaroon ng measles outbreak sa Mindanao na, ayon sa World Health Organization (WHO), nakaapekto sa itinatayang 17,300 na mga bata.

Nagiging problema rin ang mababang bahagdan ng scientific literacy ng mga Pilipino. Dahil dito, mas madali tayong naniniwala sa mga sabi-sabi o haka-hakang wala namang katiyakan kung totoo ba o hindi. Kapansin-pansin ito sa mga Pilipino, lalo na sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar at hindi nabibigyan ng sapat na kaalaman ukol sa pagpapabakuna. Mas pinaiigting ito ng kumakalat na maling balita sa social media na madaling pinapaniwalaan ng karamihan kahit na wala itong basehan. Isang halimbawa nito ang kumakalat na balita na nakapagdudulot ng autism ang pagpapabakuna. Ayon kay Dr. Christian Cerafica, isang doktor mula sa The Medical City, marami nang pag-aaral ang nakapagpatunay na hindi sanhi ng pagpapabakuna ang autism. Nagmula umano ang haka-hakang ito sa isang napatunayang pag-aaral na naging kontrobersyal at ginamit bilang paraan upang mapagkakitaan ang mga manufacturer ng bakuna.

“Kayang-kayang puksain ang mga Vaccine Preventable Diseases tulad ng tigdas, polio at bulutong,” pahayag ni Dr. Cerafica. Mabisa ang pagpapabakuna upang mapigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit kaya naman hindi kailangang matakot ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Bukod pa rito, mainam kung palaging nasusunod ang iskedyul ng pagbakuna. Sa ilalim ng Expanded Program on Immunization, libre ang pagpapabakuna para sa lahat ng mga bagong silang na sanggol.

Marapat na agaran at mabisang malutas ang mga suliraning pumapalibot sa pagbabakuna dahil patuloy ang pagdami ng mga sakit, hindi lang sa loob ng bansa kundi pati na rin sa labas nito. Mainam na magsagawa ng mga hakbang na makatutulong upang mapuksa ang mga maling balitang kumakalat ukol sa pagbabakuna. Bukod pa rito, makatutulong ang pagkakaroon ng mga talks o seminars sa pamayanan upang maipaliwanag nang mabuti ang mga implikasyong kaakibat ng pag-iwas sa pagbabakuna. Sa paraang ito, inaasahang humupa ang takot at mahikayat muli ang mga magulang para pabakunahan ang kanilang mga anak.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari. Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo